Mga Kaalaman tungkol sa Computerized Tomography Scan o CT scan?

Ano ang Computerized Tomography Scan?

Ang Computerized Tomography Scan, na mas kilala sa tawag na CT Scan, ay isang makabagong pamamaraan ng pagsusuri sa loob na bahagi ng katawan. Ito ay gumagamit ng radiation na X-ray at pinapatama sa iba’t ibang angulo upang makuha ang mala-3D na imahe ng loob na bahagi ng katawan. Ang resulta ng pagsusuri naman ay agad na pumapasok sa isang computer na madali naman nasusuri ng isang radiologist. Dahil ang CT Scan nakakalikha ng masdetalyadong resulta, ito ay isa sa mga pinakaepektibo at pinakamabisang paraan ng pagsuri o pag-diagnose ng mga karamdaman o kondisyon sa lahat ng bahagi ng katawan.

Kanino at kailan ginagamit ang CT Scan?

Ang pagsasagawa ng CT Scan ay maaari sa kahit na sinong pasyente ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maaaring gamitin ito para matukoy ang mga pilay o anumang kondisyon sa mga buto at kalamnan. Makatutulong din ang CT Scan sa pagtukoy sa mismong lugar na kinaroroonan ng mga tumor, impeksyon, o pamumuo ng dugo sa loob ng katawan. Ginagamit din ito upang gabayan ang pagsasagawa ng iba pang pamamaraan gaya opersyon, biopsy, at radiotherapy. Ang pagbabantay sa paglala o pagbuti ng mga sakit tulad ng kanser, pagkasira ng atay, sakit sa puso at iba pa, ay ginagamitan din ng CT Scan.

Paano isinasagawa ang CT Scan?

Sa tulong ng isang radiation technologist, ang pasyenteng susuriin ay pinahihiga sa isang lamesa kung saan nakadikit ang scanner ng CT Scan. Ang scanner ay itsurang bilog na may butas sa gitna, na tila isang doughnut. Sa bawat pag-ikot ng bilog na scanner, nakukuhanan ng imahe ang bahagi ng katawan sa iba’t ibang angulo, at ang mga nakuhang ito ay pumapasok kaagad sa isang computer. Ang mga resulta naman ay maaring i-print upang mapag-aralan ng mga doktor. Minsan, gumagamit din ng “contrast” sa pagsusuri gamit ang CT Scan upang mas maging malinaw ang kaibahan ng mga bahagi ng katawan. Ang contrast ay maaaring iniinom, tinuturok o pinapasok sa butas ng puwit.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa CT Scan?

Gamit ang CT Scan, maaaring matukoy ang halos lahat ng karamdaman na nakakaapekto sa katawan. Una ay sa mga buto at kalamnan sa lahat bahagi ng katawan. Maaari nitong matukoy kung may pilay, impeksyon, o anumang kondisyon sa mga bahaging ito. Maaari din suriin ang mga kondisyon, impeksyon, mga abnormalidad o pagtubo ng mga tumor sa mga ispesipikong organs o laman ng katawan gaya ng puso, atay, bato, apdo, lapay, at maging sa utak.

Paano paghahandaan ang CT Scan?

Bago isagawa ang CT scan, dapat ay ipaalam muna kung ang pasyente ay buntis, may allergy, may diabetes o kondisyon sa iba pang bahagi ng katawan. Ito ay para maiwasan ang maaarig komplikasyon ng radiation sa dinadalang bata, at ang ‘di nais na reaksyon ng “contrast” sa katawan. Maaari ring patigilin muna sa pagkain ang pasyente isang araw bago masuri upang maiwasan ang maling diagnosis lalo na sa daluyan ng pagkain gaya ng sikmura at mga bituka. Upang mas maging epektibo ang pagsusuri ng CT Scan, tiyaking susundin ang lahat ng payo ng mga doktor.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng CT Scan?

Dahil ang mga imahe ng pagsusuri ay agad na pumapasok sa isang computer, at mabilis din namang napag-aaralan ng mga radiologist, ang result ay maaaring makuha kaagad ilang minuto o ilang oras pagkatapos isagawa ang CT Scan.

Ano ang maaaring epekto ng CT Scan sa katawan?

Dahil ang CT Scan ay gumagamit din ng radiation ng X-ray, mayroong panganib na magdulot ito ng kanser, bagaman napakababa lamang. Kahit na mas maraming radiation ang ibinabato sa katawan ng CT Scan kumpara sa isang simpleng X-ray test, napakaliit pa rin ng posibilidad na humantong ito sa ibang sakit sapagkat kontrolado at napakaliit lamang ng radiation na binubuga ng mga makinang ito at kadalasang hindi naman sapat para makapagpasimula ng karamdaman. Pinakamataas lamang ang panganib sa mga buntis sapagkat maaaring makapekto ang radiation sa mga batang nasa sinapupunan pa lamang. Sa ganitong sitwasyon, maaaring gumamit ng ultrasound at magnetic resonance imaging (MRI) na mas ligtas.

Mga Kaalaman tungkol sa X-ray

Ano ang X-ray at para saan ito?

Ang pagsusuri gamit ang X-ray ay isang karaniwang diagnostic test o pamamaraan ng pagtukoy sa mga kondisyon o karamdaman sa katawan na gumagamit ng radiation ng X-ray. Ito ay mabilis, walang sakit, at pinakapraktikal na paraan ng pagsilip sa  Kadalasan itong isinasagawa upang masilip ang mga buto, ngipin, pati na ang ilang mga laman ng katawan.

Ang X-ray, na ginagamit sa pamamaraang ito, ay isang uri ng malakas na radiation na nagmumula sa isang makina. Ang mga sinag nito ay may kakayahang tumagos sa mga likido at malalambot na kalamnan ng katawan gaya ng dugo at mga muscles, at napipigilan naman ng mga buo at matitigas na bahagi ng katawan gaya ng buto, ngipin, at ilang makakapal na laman. Ito ang dahilan kung bakit epetibo itong gamitin para sa mga buto, ngipin, at ilang bahagi ng katawan na maymakapal na laman gaya ng baga.

Nakatutulong din ito na matukoy ang pagkakaroon ng matigas o namuong bagay sa katawan gaya ng tumor, pagkakabara sa mga bato, o kaya ay pagkakalulon ng anumang matigas na materyal.

Kanino isinasagawa ang X-ray?

Ang X-ray ay maaaring isagawa sa kahit na sino, lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Ngunit ito ay pinakamdalas na isinasagawa sa mga taong may pilay, o fracture sa buto, may mga kondisyon sa ngipin, at sa mga taong nakararanas ng iba pang kondisyon sa tiyan, mga bato, puso, at baga.

Paano isinasagawa ang X-ray?

Sa pagsasagawa ng pagsusuri na X-ray, gumagamit ng X-ray machine at isang lapad ng film. Binubuga ng isang X-ray machine ang kontroladong dami ng radiation at pinapatama sa ispesipikong bahagi ng katawan na nais silipin. Sa likod ng bahagi ng katawan na pinatamaan ng X-ray ay mayroong lapad ng film na kukuha sa tama ng sinag. Tandaan na ang mga sinag ng X-ray ay may kakayahang tumagos sa mga likido, malalambot at maninipis na kalamnan ng katawan at napipigilan naman ng mga buo at matitigas na bahagi ng katawan. Ang resulta ng pagsusuri na X-ray ay makikita sa isang X-ray Film.

Sa isang X-ray film, makakakita ng maputi at madilim na bahagi. Ang madilim na bahagi ay ang mga malalambot at maninipis na bahagi ng katawan gaya ng kalamnan, samantalang ang mapuputing bahagi naman ay ang matigas at buo na bahagi ng katawan gaya ng mga buto at makapal na laman.

Sa huli, ang X-ray film ay binabasa ng isang radiologist. At ang interpretasyon ng isang radiologist ay ipinapasa naman sa doktor ng pasyente.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa X-ray?

Ang pangunahing tinutukoy sa pamamaraan ng X-ray ay ang iba’t ibang kondisyon sa mga buto at ngipin. Maaaring ito ay pilay o fracture, kondisyon ng osteoporosis at arthritis, at bulok na ngipin, at iba pa. Sa X-ray naman sa dibdib, maaaring matukoy ang ilang impeksyon at kondisyon sa baga, panlalaki ng puso, pagbabara sa mga pangunahing ugat-daluyan ng dugo, at mga tumor sa dibib. Sinisilip din ang tiyan para matukoy ang mga problem sa daluyan ng pagkain, o kaya kapag may nalunok na materyal na naiwas sa tiyan.

Ang pamamaraang ito ay mabilis, madali, mura at praktikal, ngunit dapat ding tandaan na hindi lahat ay natutukoy nito at hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay maaari itong isagawa. Ang ordinaryong X-ray ay may mga limitasyon. Dahil dito, ginagamit ang iba pang mga mas epektibong pamamaraan gaya ng CT Scan, contrast X-ray, o kaya naman ay Ultra Sound.

Paano paghahandaan ang X-ray?

Ang pagsasagawa ng ordinaryong X-ray ay wala namang mahalagang paghahanda na kinakailangan. Kinakailangan lamang ang pisikal na presensya sa mismong oras ng pagsusuri ng X-ray. Dapat lamang tandaan na bawal ang anumang mga bagay na metal gaya ng mga alahas at relos sa oras ng pagsusuri. Maaari ring painumin o turukan ng “contrast medium” bago isagawa ng pagususuri upang makatulong na palinawin ang kalalabasang resulta.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng X-ray?

Ang resulta ng X-ray ay madali lamang makuha pagkatapos ng pagsusuri. Maaring ito ay sa loob lamang ng isang oras o kaya naman ay sa ilang minuto lamang. Maaari pa itong pabilisin lalo na sa oras ng emergency.

Ano ang maaaring epekto ng X-ray sa katawan?

Ang iisa o paminsan-minsang pagsasailalim sa X-ray ay kadalasang wala namang epekto sa katawan sapagkat ang radiation na binubuga ng X-ray machine ay kontrolado at napakaliit lamang. Ngunit kung ito ay mapapadalas, may posibilidad na maapektohan ang mga cells ng katawan at humantong sa ilang seryosong karamdaman tulad ng kanser. Hindi rin rekomendado ang X-ray para sa mga buntis sapagkat maaari itong makaapekto sa dinadalang bata.