Paano makaiwas sa filariasis o elephantiasis?

Ang pangunahing paraan para maiwasan ang pagkalat ng sakit na filariasis sa isang komunidad ay sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na albendazole kasabay ng ivermectin o kaya diethylcarbamazine citrate taon-taon. Dahil dito, nababawasan ang pagdami ng bulate sa dugo kung kaya’t napipigil ang transmission cycle o ang paglipat ng bulate mula sa dugo patungo sa lamok na kumakagat. Sa paglipas ng ilang taon na gamutan, napupurga ang presensya ng parasitikong bulate sa buong komunidad.

Makakatulong din na makaiwas sa pagkakasakit kung iiwas mismo sa mga lugar na may napapabalitaang kaso ng filariasis. Bagaman maliit lamang ang posibilidad na mahawa sa isang panandaliang paninirahan sa isang komunidad na may filaria, mas makabubuti pa rin na agapan na ang pagpunta sa mga lugar na ito hanggat maaari. Kung hindi naman maiwasang pumunta, siguraduhing gumamit ng kulambo sa pagtulog at gumamit din ng mga insect-repellant na lotion.

Ano ang gamot sa filariasis o elephantiasis?

Ang sakit na filariasis ay nagagamot sa pag-inom ng albendazole kasabay ng ivermectin o kaya diethylcarbamazine citrate. Sa gabay ng World Health Organization, binibigay ang mga gamot na ito isang beses sa isang taon sa loob ng 4-6 na taon. Ang mga gamot na ito ay ipinapamahagi sa buong populasyon na nanganganib sa pagkakaroon ng sakit (halimbawa ay sa isang komunidad sa isang liblib na lugar na may napabalitaang kaso ng filariasis) sapagkat mahirap matukoy kung sino ang ispesipikong apektado ng sakit. Sa ganitong paraan, malawakang napupurga ang presensya ng parasitikong bulate sa isang pamayanan.

Paano malaman kung may filariasis o elephantiasis?

Bukod sa panlalaki ng mga hita at binti ng pasyente na madali naman napapansin, ang pangunahin at pinakasiguradong paraan para matukoy ang sakit na filariasis ay sa pamamgitan ng pagsusuri sa dugo sa ilalim ng microscope. Kumukuha lamang ng sample ng dugo mula sa pasyente at saka ihahanda sa isang glass slide para madaling makita sa microscope. Ang patak ng dugo ay hinahanda bilang thick o thin smear sa isang glass slide at papatakan ng Giemsa stain upang mas makita ng malinaw ang presensya ng mga maliliit na bulate. Dahil mas aktibo ang mga bulati sa gabi, rekomendado na sa gabi kumuha ng sample na dugo.

Ano ang mga sintomas ng filariasis o elephantiasis?

Ang pagkakaroon ng sakit na filariasis ay kadalasang walang pinapakitang kahit na anong sintomas sa umpisa ng pagkakasakit. Maaari lamang magkaroon ng panakanakang pamamaga ng ilang kulani sa katawan dahil sa reaksyon ng immune system sa impeksyon ng parasitikong bulate. Ang iba’y maaari ding makaranas ng pananakit ng kasu-kausan at pangangapal ng balat. Nakikilala lamang ang pagkakaroon ng sakit kinalaunan kapag nagsimula na ang panlalaki o pamamanas ng ilang bahagi ng katawan gaya ng hita, binti, o bayag.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Dahil nga kadalasan ay walang sintomas na nararamdaman sa pagsisimula pa lamang ng sakit na filariasis, malamang sa malamang ay isinasa-walang bahala lamang ang pagkakaroon nito hanggang sa magsimula ang pamamanas ng mga bahagi ng katawan. Sa oras na maramdaman ang hindi normal na pamamaga ng mga paa, binti o bayag, agad na magtungo sa doktor upang masuri kung positibo sa sakit na filariasis.

Mga kaalaman tungkol sa filariasis o elephantiasis

filariasisFilariasis ang sakit na tumutukoy sa impeksyon sa dugo at kulani ng ilang uri ng parasitikong bulate na maaaring magdulot ng matinding pamamaga ng hita, braso, at ari. Ang mga parasitikong bulate ay nakukuha mula sa kagat ng lamok na apektado ng sakit. May ilang uri ng sakit na filariasis ang maaaring makaapekto sa tao, depende ito sa uri ng bulate na nagdudulot ng sakit at sa mga sintomas na mararanasan, ngunit sa artikulong ito, ang Lymphatic Filariasis ang ating tatalakayin.

Ang Lymphatic Filariasis, kilala rin sa tawag na elephantiasis, ay isa sa mga pinakakaraniwang uri ng filariasis na maaaring maranasan ng mga bansang nasa rehiyong tropiko. Kilala ang sakit na ito sa pagdudulot ng matinding pamamanas o sobrang paglaki ng mga braso, hita o kaya naman ay bayag sa mga kalalakihan, kaya nga elephantiasis sapagkat mala-elepante ang sukat ng lumaking bahagi ng katawan.

Gaano kalaganap ang sakit na filariasis?

Ang sakit na ito ay nakakaapekto sa halos 120 milyon na tao sa buong mundo at pinakamataas sa mga bansang nasa rehiyong tropiko. Kabilang dito ang mga bansa sa Gitnang Africa, Timog Amerika, pati na sa Timog-Silangang Asya kung saan kabilang ang Pilipinas. Sa mga malalayong probinsya ng Pilipinas, umaabot sa 3 milyon ang mga taong nanganganib na magkasakit nito.

Ano ang sanhi ng filariasis?

May tatlong uri ng bulate na kilalang nakapagdudulot ng sakit na filariasis. Una at ang pinakakaraniwan ay ang Wuchereria bancrofti, ang ikalawa ay Brugia malayi ang ang huli ay ang Brugia timori. Ang pagkakasakit nito ay nagsisimula sa kagat ng lamok na apektado ng bulate. Naipapasa ang maliliit na bulate mula sa laway ng lamok patungo sa dugo ng tao. Sa oras na makapasok ito sa sitema ng tao, ang mga bulati ay tutungo sa lymph nodes o kulani at dito’y maninirahan. Kapag nabarahan ng mga bulate ang mga kulani, nagsisimula ang pamamanas ng ilang bahagi ng katawan gaya ng paa at binti, pati na ang braso, at maging ang bayag ng kalalakihan. Dapat tandaan na ang isang kagat ng lamok ay hindi sapat para makapagdulot ng sakit. Maari lamang magkasakit kung maraming beses nang nakagat ng apektadong lamok.

Sino ang mga nanganganib na maaaring magkasakit ng filariasis?

Ang may pinakamataas na panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito ay ang mga taong naninirahan sa isang pamayanan na may napabalitaang kaso ng filariasis. Dahil ang sakit na ito ay naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng lamok, hindi malayong umaaligid pa sa lugar ang lamok na nagdadala ng sakit. Ang mga lugar na ito ay kadalasang nasa liblib na lugar sa mga probinsya.

Ano ang maaaring maidulot ng pagkakasakit ng filariasis?

Dahil sa matinding paglaki ng ilang bahagi ng katawan, ang taong nakaranas ng filariasis ay kadalasang nagiging baldado at nahihirapan nang makakilos. Sila rin ay maaaring makaranas ng problemang emosyonal at psychological sapagkat kadalasan ay nahihirapan na silang makihalubilo sa lipunan dahil sa kanilang kondisyon.

 

 

Kilalanin Ang Mga Parasitikong Bulate sa Katawan ng Tao

Parasitismo ang tawag sa interaksyon ng dalawang organismo kung saan, ang isang organismo (parasitiko) ay kumukuha ng sustansya o kahit na anong benepisyo mula sa ikalawang pang organismo (host), habang siya naman ay walang nakukuha mula sa naunang organismo kundi’y pinsala lamang. Ang kuto na naninirahan sa ulo ng tao ay isang halimbawa ng parasitismo, gayundin ang lahat ng uri ng fungus, virus at bacteria na makikita sa katawan na nakapagdudulot ng iba’t ibang sakit. Ngunit bukod sa mga ito, ang isa sa mga pinakakilalang parasitiko sa katawan ng tao ay ang mga bulate sa tiyan. Ang mga parasitikong bulate, na kadalasan ay nakukuha sa mga kontaminadong pagkain at maruming istilo ng pamumuhay, ay kadalasang naninirahan as tiyan ng tao at walang mabuting maidudulot.

Narito ang ilang klase ng bulate ang maaaring maging parasitiko sa katawan ng tao

Ascaris o Roundworm. Ang mga bulateng Ascaris o roundworm ay makikilala sa kanilang bilogan at mahabang katawan. Kadalasan itong naninirahan at nagpaparami sa bituka ng tao. Maaari itong makuha kung ang pagkain na kinain, o ang kamay o kahit na anong bagay na isinubo, ay kontaminado ng itlog nga bulate. Ang taong apektado ng bulateng ito ay maaaring makaranas ng panghihina, kabawasan ng timbang, kawalan ng gana kumain, diarrhea, at pananakit ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa pagkakaroon ng anemia o malnutrisyon. Tinatawag na ascariasis ang kondisyon ng pagkakaroon nito sa tiyan.

Ascaris o roundworm

Enterobius o pinworm. Ang sumunod na uri ng bulate sa tiyan ay ang Enterobius o pinworm. Kilala ito sa pagkakaroon ng mala-kalawit na buntot at naninirahan sa bituka ng tao. Nakukuha ito sa pagkain ng kontaminadong pagkain o kaya naman ay sa pagkakalangham ng itlog na tinangay ng hangin. Ito ang bulate na nakapagdudulot ng matinding pangangati sa butas ng puwet. Nagaganap ang pangangati sa tuwing mangingitlog ang bulate sa butas ng puwet. Maliban sa iritableng pakiramdam mula sa matinding pangangati ng puwet, wala nang iba pang seryosong komplikasyon ang maaaring idulot ng parasitikong ito.

Enterobius o Pinworm

Tapeworm. Ang mga tapeworm ay bulate na mahaba at pipi o flat, na tila isang haba ng tape, na kadalasang naninirahan sa bituka. Ito ay nakukuha mula sa pagkain ng karne ng baka, baboy o isda na kontaminado ng itlog at hindi naluto ng tama. Ang pagkakaroon ng tapeworm sa katawan ay maaaring magdulot ng pangangayayat, panghihina ng katawan, pananakit ng katawan at madalas na pagkagutom. Di tulad ng ibang bulate, ang tapeworm ay may kakayanang dumami sa pagkakahati ng katawan nito, kung kaya’t makabubuti na maaalis ang lahat ng tapeworm sa katawan sa panahon ng gamutan, dahil kung hindi, maaari lamang itong manumbalik at muling magparami sa bituka.

Tapeworm

Trichina spiralis. Ang isa sa mga pinakanakakasamang parasitikong bulate ay ang Trichina spiralis na maaaring makuha sa pagkain ng karning hindi naluto ng tama. Ang mga bulateng ito ay natutukoy sa itsurang nakapulupot sa mga kalamnan. Sa umpisa ay naninirahan at nagpaparami ito sa bituka at maaaring makapagdulot ng pagsusuka, panghihina at kabawasan ng timbang, ngunit kinalaunan, ito ay may kakayanang pumasok sa kalamnan, at umabot sa puso at sa utak na maaaring makamatay. Tinatawag na Trichinosis ang sakit na dulot ng bulateng ito.

Trichina spiralis

Filarial worm. Ang mga bulate gaya ng Wuchereria bancrofti, Brugia malayi, at Brugia timori ay ang mga parasitikong bulate na naninirahan sa dugo at nakukuha mula sa kagat ng lamok na apektado ng bulate. Ito ang nakapagdudulot ng sakit na Elephantiasis na karaniwan sa ilang lugar sa Pilipinas. Ang sakit na ito ay natutukoy sa pagkakaroon ng paglaki at pamamaga ng mga paa at bayag ng kalalakihan.

Filaria worm sa dugo

Schistosoma o bloodfluke. Ang mga bulateng schistosoma o bloodfluke ay ang mga bulateng maaaring makuha mula sa pagkain ng suso o snail. Ang sakit na schistosomiasis na dulot ng bulateng ito ay ang itinuturing na pangalawa sa pinakamalala at nakamamatay na kaso ng parasitismo sa mundo, pangalawa sa malaria. Ang bulate ay naninirahan at nangingitlog sa mga daluyan ng dugo na pumapalabot pantog (bladder) kung kaya’t ang kadalasang naapektohan ay bato at pantog. Maaari itong makapagdulot ng pananakit ng tiyan, pagdurugo sa tae at ihi, sakit sa bato, at minsan ay pagkabaog. Ang taong apektado ng bulateng ito ay kadalasang mayroong malaking tiyan.

Schistosoma o bloodfluke

Trichuris o whipworm.  Ang bulateng ito ay natutukoy sa pagkakaroon ng katawan na mala-latigo ang anyo. Gaya ng ascaris, nakukuha ito sa sa mga kontaminadong pagkain. Naninirahan ang mga bulate at nagpaparami sa bahagi ng malaking bituka o large intestine. Kung ang bilang nito sa bituka ay tumaas, maaaring magdulot ito ng panghihina, pananakit ng tiyan, at pagtatae. Tinatawag na Trichuriasis ang sakit na dulot ng bulateng ito.

Trichuris o whipworm