Kaalaman tungkol sa pagkalaglag ng ipinagbubuntis (miscarriage)

Ang pagkalaglag ay tumutukoy sa hindi pagtuloy ng pagbubuntis ng isang ina kung saan ang pagbubuntis ay umaabot lamang ng hanggang 20 na linggo (4 na buwan). Ang kondisyong ito ay maaaring maranasan dahil sa ilang mga dahilan na maaaring sinadiya (abortion) o hindi sadiya.

Ano ang mga sintomas ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis?

Maaring dumanas ng mga sumusunod na sintomas at senyales ang inang nalaglagan ng dinadalang bata:

  • pagdurugo na maaring patak patak o umaagos.
  • pananakit ng tiyan (cramps)
  • lagnat
  • paglabas ng mga laman mula sa matres.

Ang nagbubuntis na dumanas ng mga nabanggit na sintomas ay kinakailangang magpatingin kaagad sa doktor o obstetrician. Ang ganitong kondisyon ay maituturing na medical emergency na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

Ano ang mga maaaring dahilan ng pagkalaglag?

Maraming dahilan ang maaaring ituro sa pagkalaglag ng dinadalang bata. Kung ito ay naganap sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis, ang kadalasang tinuturong dahilan ng pagkalaglag ay abnormalidad sa pagkakabuo ng bata (chromosomal abnormality). Ang pagkalaglag dulot ng ganitong kondisyon ay nagkakataon lamang at walang kaugnayan sa kalusugan ng parehong magulang.

Ang mga karaniwang dahilan naman ng pagkalaglag ay ang sumusunod:

  • impeksyon sa katawan
  • pagkakalantad sa mga nakasasamang elemento gaya ng radiation at lason.
  • problema sa hormones
  • abnormalidad sa matres
  • ‘di inaasahang pagbuka ng kuwelyo ng matres (cervical abnormalites)
  • paninigarily, pag-inom ng alak o paggamit ng ipinagbabawal na gamot
  • abnormalidad sa immune system ng katawan
  • malalang sakit sa bato
  • sakit sa puso
  • malalang kondisyon ng diabetes
  • problema sa thyroid
  • mga iniinom na gamot
  • malalang kondisyon ng malnutrisyon

Ang posibilidad ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ay tumataas kasabay ng edad. Ang mga babaeng nasa edad na 20s ay may tsana na malaglagan nang 12% hanggang 15%, habang ang mga babaeng nasa edad na 40s ay may tsansang malaglagan nang 25%.

Paano paggagamot pagkatapos ng pagkalaglag?

Agad na tinutukoy sa ospital kung talagang ang dinadalang bata ay nalaglag. Kinukumpirma ito sa pamamagitan ng ultra sound. Kung natukoy na nga ang pagkalaglag ng bata, maaaring raspahin (D&C) ang matres upang maalis ang laman nito. Kung hindi ninanais ang pagraraspa, maaari ding painumin ng gamot upang maalis ang laman ng bahay-bata. Pagkatapos nito’y kakailanganin na lamang ang pagpapahinga upang manumbalik ang lakas.

Maaari pa bang magbuntis pagkatapos malaglagan?

Maaari pa ring magbuntis ang babaeng nakaranas na ng pagkalaglag. Halos 85% ng mga kababaihang dumanas na ng pagkalaglag ng ipinagbubuntis ang nagkaroon pa rin ng pagkakataon na magbuntis at manganak pa rin nang normal. Walang kaugnayan ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis sa kakayahan ng babae na magbuntis. Gayunpaman, ang babae na dumanas ng dalawang magkasunod na pagkalaglag ay maaaring mangahulugan na kakaibang sakit kung kaya’t mas makabubuting huwag na lamang magbuntis sa tulong ng mga birth control methods.

Kailan maaaring magbuntis muli pagkatapos ng pagkalaglag?

Makatutulong ang tuloy-tuloy na konsultasyon sa obstetrician matapos ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis upang mabantayan kung kailan muli maaaring magbuntis. Ngunit kadalasan, kinakailangan munang palipasin ang 3 ikot ng buwanang dalaw (menstrual cycle) bago pa muling subukang magbuntis.

Paano maiiwasan ang pagkalaglag?

Ang pagkalaglag ng ipinagbubuntis ay kadalsang hindi maiiwasan o mapipigilan lalo na kung ang dahilan ay abnormalidad sa pagbubuntis. Nunit ang ibang mga dahilan na maaaring makasama sa pagbubuntis gaya ng pag-inom ng mga gamot, paggamit ng sigarilyo at alak, at iba pa, ay maaari namang maiwasan.