Balitang Kalusugan: Paglilimita sa paggamit ng asukal sa pagkain, inirekomenda ng WHO

Nanawagan ang World Health Organization sa lahat ng mga bansa, partikular sa mga kabataan at mga nasa hustong edad, na magbawas sa paggamit ng asukal sa mga kinakain. Dapat daw ay limitahan na at hindi lalampas sa 10 porsyento ng calories na tatanggapin ng katawas bawat araw.

sugar_2675994b

Ayon sa pahayag ni Francesco Branca, ang direktor ng WHO Department of nutrition for health and development, makabubuti raw na ibaba ang konsumo ng asukal sa halos 25 na gramo, o 6 hanggang 12 na kutsarita bawat araw. Sinasabi ring ang kabawasang ito raw ay magdudulot ng karagdagang benepisyong pangkalusugan at makatutulong pa na pababain ang panganib ng sobrang timbang o obesity, diabetes, at pagkabulok ng ngipin.

Hindi naman daw kasama sa regularisasyong ito ang mga asukal na natural na nakukuha sa mga gatas, prutas at gulay, at tanging para lamang sa mga inumin at pagkaing dinaragdagan ng asukal.

Ang rekomendasyong ito ay mula sa mga ebidensyang nakalap ng kanilang mga pag-aaral na ang mga indibidwal na gumagamit lamang ng kakaunting asukal sa mga kinakain ay nasa hustong timbang. Ang mga kabataan naman na mahihilig sa inuming matatamis ay karamihang sobra sa timbang (obese), habang ang mga kabataang kakaunti lamang ang asukal na kinokonsumo ay nasa tamang timbang din.

Kaugnay ng rekomendasyong ito, naglabas din ng pahayag ang ilang mga eksperto na ang mga taong sobra-sobra ang asukal na tinatanggap sa katawan bawat araw ay mas nanganganib sa pagkakaroon ng mga sakit na konektado sa pagiging obese, gaya ng sakit sa puso, diabetes, at kanser.

Sa huli, sinabi ng WHO na ang tagumpay ng kampanyang ito nasa kamay pa rin ng mga namamalakad sa bawat bansa.

 

 

Balitang Kalusugan: WHO, binalaan ang mga kabataan sa pakikinig nang malakas gamit ang headphones

Nagbabala ang World Health Organization sa mga tao, lalo na sa mga kabataan, na gumagamit ng headphones at nakikinig ng malakas na tugtugin. Ayon sa organisasyon, ang tuloy-tuloy na pakikinig ng malakas na tugtugin gamit ang headphones ang isa sa mga pangunahing sanhi pagkabingi. Dagdag pa nila, tinatayang higit 1 bilyong kabataan ang nanganganib na mawalan ng pandinig dahil dito.

Headphones_1

Binigyang diin din ng WHO na sa oras na mawala ang abilidad na makadinig, hindi na ito maibabalik pa, kaya’t habang maaga pa, mabuting iwasan na ang panganib na ito.

Kaugnay ng mga datos na ihinayag ng WHO, inirekomenda nila na para mabawasan ang panganib na dulot ng pakikinig nang malakas sa headphones, makabubuting limitahan na lamang ang pakikinig sa isang oras bawat araw. Dapat tandaan na ang tuloy-tuloy na pagkakarinig ng anumang ingay na umaabot sa 85 decibels ang lakas sa loob ng 8 oras ay maaaring makabingi.

Sinasabing aabot sa 360 milyong katao, o 5% ng buong populasyon ng mundo, ang nakakaranas ng pagkabingi. At ang disabilidad na ito ay maaring dahil sa mga karamdaman, kondisyong genetiko, katandaan, at ingay sa kapaligiran. Ngunit sinasabi rin ng WHO na higit sa kalahati ng dahilan ng pagkakabingi ay maaari namang maiwasan.