Isa sa matinding kagustuhan ng maraming tao ay pumayat, o magbawas ng timbang. Sapagkat tayo’y nabubuhay sa mundo na ang naparaming pagkain na puno na mataas sa taba at calories, pwede na tayong gumawa ng kasabihan: “napakadaling tumaba, napakahirap pumayat.”
Dahil na rito, sandamukal ang mga artikulo sa mga dyaryo, magazine, libro, at Internet na nangangako ng mga paraan na magpapayat. Marami naring mga ‘diet’ na sumulpot, at syempre, hindi pahuhuli ang mga palabas sa telebisyon. May katotohanan ba sa mga sinasabi nila? Sa dami ng mga nabanggit, ano ba talaga ang mga sigurado at ligtas na paraan ng pagpapapayat?
Dito sa artikulong ito, ating ibabahagi ang mga paraan na nasubukan at napatunayan na. Ngunit bago natin talakayin ang mga ito, gusto kong magbigay ng mga babala:
1. Hindi madaling magpapayat. Handa ka na bang i-sakripisyo ang paborito mong adobong baboy? Talaga bang ready kang tumakbo araw-araw? Ang pagpapapayat ang
isang “demanding” na gawain. Napakadaling sabihin ngunit napakahirap gawin ng mga payo para pumayat, kaya pwede ko narin sigurong masabi na ang pangunahing solusyon para pumayat ay disiplina.
2. Ang pagpapapayat ay pangmatagalang panata. Kung ikakasal ka na sa susunod na linggo at pinipilit mong maisuot ang masikip na wedding gown, huwag ka nang mangarap. Ang pagpapapayat ay isang pagmatalagang panata. Huwag mag-expect ng mga resultang agad-agad. Aabutin ng ilang buwan bago ka makapansin ng resulta. At ibig-sabihin nito ay huwag manghina ang loob kung wala kang napapansin na pagbabago.
3. Siyasatin ang iyong mga dahilan kung bakit mo gustong magpapayat. Bakit nga ba? Ito ba’y para maging artistahin ang iyong katawan? Baka naman ang iyong katawan ay tamang-tama na para sa’yo, ngunit hindi ka lang kontento. Isang sukat ng tamang timbang ay ang tinatawag na BMI o body mass index, na sinusukat ang iyong timbang at iyong tangkad. Para ma-kalkula ang BMI, heto ang pormula:
[timbang (sa kilo)] divided by [tangkad (sa metro) x tangkad (sa metro)]
Halimbawa, kung ang timbang ko ay 60 kilos at ang tangkad ko ay 1.7 meters, ganito ang pagkalkula:
60 / (1.7 x 1.7) = 20.7
Ang BMI ko ay 20.7. Ibig-sabihin, pasok ako sa normal na range ng BMI (nagbabago ang mga numero na ito depende sa may akda):
- Kulang sa timbang: 18.4 pababa
Tamang timbang: 18.5 – 22.9
Medyo sobra ang timbang: 23.0 – 25
Sobra ang timbang: 25.1 pataas
Kung gusto niyong mapadali ang pag-compute, magpunta sa iba’t ibang BMI calculator sa Internet kagaya nito.
Kung normal naman ang iyong BMI, walang pangkalusugang dahilan para magpapayat.
Matapos mong basahin ang mga prinsipyong ito, tayo’y dumako na sa mga partikular na payo para sa pagpapapayat sa Ikalawang Bahagi ng artikulong ito.