Ang Vitamin K ay kilalang bitamina na tumutulong sa pamumuo ng dugo (blood clotting) na mahalaga upang mapigilan ang sobrang pagdurugo sa pagkakatamo ng sugat. May ilan ding pag-aaral ang nagsasabing ang Vitamin K daw ay tumutulong sa pagpapatigas ng buto sa matatanda kaya pinaniniwalaang nakagagamot ito osteoporosis. Sinasabi din ng mga pag-aaral na ang Vitamin K raw ay posibleng makagamot sa Alzheimer’s disease, at tumutulong din na protektahan ang katawan laban sa kanser at mga sakit sa puso.
Nahahati sa ilang grupo ang Vitamin K, ngunit ang pinakakilala ay ang Vitamin K1 at Vitamin K2. Ang Vitamin K1 ay nagmumula sa mga berde at madahong gulay at ilan pang mga gulay, habang ang Vitamin K2 naman ay nakukuha mula sa mga karne, keso, at itlog.
Gaano karaming Vitamin K ang kailangan ng katawan sa araw-araw?
Ang itinakdang dami ng Vitamin K na kailangan ng katawan sa bawat araw ay 90 mcg (microgram). Ito ay para sa mga indibidwal na nasa edad 19 na tao pataas. Bagaman ang pangangailangang ito ay maaari pa ring magbago depende sa mga kaganapan sa katawan gaya ng pagbubuntis, pagkakaroon ng sugat at sakit o kaya ay sa katandaan.
Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin K?
Sa ngayon, wala pang nalalamang panganib ang maaaring idulot ng Vitamin K, kahit na mapasobra pa ito. Dahil dito, walang itinakdang limitasyon ang pag-tanggap ng Vitamin K sa katawan.
Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin K?
Ang kakulangan ng Vitamin K ay maaring maranasan ng mga bagong silang na sanggol, ngunit bibihirang kaso sa mga nasa hustong edad. Maaaring makaranas ng problema sa pamumuo ng dugo kung magkakasugat. Ang kasong ito ay delikado sapagkat maaaring maubos ang dugo kung tuloy-tuloy ang pag-agos nito. Maaaring tumaas ang panganib ng kakulangan ng Vitamin K kung malakas ang pag-inom ng alak, umiinom ng gamot na maaaring humarang sa pagsipsip ng Vitamin K, o kaya ay malnourished.
10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin K
1. Mga Herbs
Ang mga pinatuyong dahon na pampalasa gaya ng basil, oregano at romero ay mayaman sa Vitamin K. Ang 100 gramo ng mga tuyong dahon na ito ay mayroong 1,714 micrograms ng Vitamin K.
2. Berde at madahong gulay
Mataas din ang lebel ng Vitamin K sa mga berde at madahong gulay gaya ng mustasa at spinach. Umaabot sa 817 micrograms na Vitamin K ang makukuha sa 100 gramo ng mga dahong gulay.
3. Broccoli
Ang broccoli na kilalang mayaman sa mga bitamina ay maaaring makuhanan ng hanggang 220 micrograms ng Vitamin K sa bawat 100 gramo nito.
4. Repolyo
Hanggang 140 micrograms ng Vitamin K naman ang maaaring makuha sa 100 gramo ng repolyo.
5. Mga Pampaanghang
Ang mga pampaanghang o spices ng mga pagkain tulad ng paminta at mga sili ay mayroong 105 micrograms.
6. Asparagus
Mayroon ding 50 micrograms na Vitamin K ang gulay na asparagus.
7. Soy beans
Ang soybeans na pinagmumulan ng ilang pagkain tulad ng toyo at tokwa ay makukuhanan ng hanggang 70 micrograms ng Vitamin K.
8. Olive oil
Ang olive oil ay mayroong 60 micrograms ng Vitamin K.
9. Pinatuyong kamatis
Makukuhanan din ng Vitamin K ang pinatuyong kamatis (sun dried tomatoes). Umaabot sa 43 micrograms ng Vitamin K ang maaaring makuha sa 100 gramo ng pagkaing ito.
10. Celery
Ang celery na kilala ring pampalasa sa mga kinakain ay makukunan din ng Vitamin K. Hanggang 29 micrograms na Vitamin K ang maaaring makuha sa 100 gramo nito.