Ang Vitamin B6 o Pyridoxine (maaari ring pyridoxal o pyridoxamine) ay isa sa walong uri ng Vitamin B na tumutulong sa katawan sa maaayos na metabolismo ng red blood cells, nervous system, resistensya ng katawan, at marami pang iba. Ang bitaming ito, na isang water soluble o madaling humalo sa tubig, ay kadalasang nakikita sa mga mani, karne, ilang prutas at gulay.
Gaano karaming Vitamin B6 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?
Ang itinakdang dami ng vitamin B6 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 2 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.
Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B6?
Ang Vitamin B6 ay madaling humahalo sa tubig (water soluble) at madaling nareregulisa ng katawan kung kaya’t bibihira ang kaso ng pagkaoverdose nito. Ang sobrang Vitamin B6 ay kadalasang nakukuha lamang sa pag-inom ng mga supplement. Ang kasobrahan nito ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga nerves sa mga binti at braso.
Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B6?
Ang kakulangan naman sa Vitamin B6 ay kadalasang humahantong sa pagkakaroon ng sakit sa balat (dermatitis), depresyon, pagkabalisa, pagkalito, at pagkokombulsyon. Maaari ring sakit na may kaugnayan sa dugo gaya ng anemia at sakit sa puso.
10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B6
1. Bigas
Ang bigas na karaniwang pagkain ng mga Pilipino ay kilalang mayaman sa Vitamin B. Ang isang tasa ng kanin ay mayroong 4.80 mg ng pyridoxine.
2. Bawang
Pangkaraniwan din ang bawang sa mga lutuin ng mga Pilipino. Kaya madali lang rin makakakuha ng Vitamin B6 mula dito. Ang tatlong cloves ng bawang ay maaaring makuhanan ng hanggang 0.11 mg ng pyridoxine.
3. Tuna
Ang isdang tuna ay hindi rin naman mahirap mahanap sa mga pamilihan. Ito ay mapagkukunan ng hanggang 1.04 mg ng Vitamin B6.
4. Karneng manok
Umaabot naman sa 0.56 mg ng Vitamin B6 ang maaaring makuha sa kalahating dibdib ng manok.
5. Karneng baboy
Ang isang hiwa naman ng pork chop ay kayang makapagbigay ng hanggang 0.60 mg ng pyridoxine.
6. Pasas
Ang pasas, o pinatuyong ubas, ay may mataas din na Vitamin B6. Hanggang 0.28 mg ng Vitamin B6 ang maaaring makuha sa kalahating tasa ng pasas.
7. Kareng baka
Ang 100 gramo naman ng karneng baka, lalo na yung tinatawag na “red meat” ay maaring makuhanan ng hanggang 0.68 mg ng pyridoxine.
8. Saging
Ang isang saging na maaaring katumbas ng 118 na gramo, ay maaaring mapagkunan ng hanggang 0.43 mg ng Vitamin B6.
9. Abukado
Bukod sa saging, ang prutas na abukado ay kilala ring pinagmumulan ng Ang isang buong prutas na abukado ay mayroong 0.39 mg ng pyridoxine.
10. Spinach
Ang madahong gulay na spinach ay mayroon ding vitamin B6. Ang kalahating tasa nito na katumbas ng 90 gramo ng dahon ay mapagkukunan ng 0.22 mg ng Vitamin B6.