Kahalagahan ng Vitamin B5 o Pantothenic Acid

Ang Vitamin B5 o Pantothenic acid ay isa sa walong Vitamin B na mahalaga sa metabolismo at pagpoproseso ng taba (fats), at maayos na paggana ng mga cells sa katawan. Malaki rin ang papel ng pantothenic acid upang magamit ng katawan ang carbohydrates, protina, lipids, at sa pagpapanatiling malusog ng balat. Ito ay karaniwang nakikita sa mga karne, gulay, mga butil, gatas at itlog.

Ang Vitamin B5 ay maaari ding makuha sa mga supplement na karaniwang inirereseta para gamutin ang kakulangan sa Vitamin B5, pagtatagihawat, kondisyon ng alcoholism, hika, pagkokombulsyon, depresyon, mababang presyon ng dugo, at pagpapabuti ng resistensya ng katawan.

Gaano karaming Vitamin B5 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?

Ang itinakdang dami ng vitamin B5 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 10 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.

Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B5?

Ang Vitamin B5 ay madaling humahalo sa tubig (water soluble) at madaling nareregulisa ng katawan kung kaya’t bibihira ang kaso ng pagkaoverdose nito. Ang sobrang Vitamin B5 ay kadalasang nakukuha lamang sa pag-inom ng mga supplement. Ang kasobrahan nito ay maaaring magdulot lamang ng bahagyang pananakit ng tiyan at pagtatae.

Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B5?

Ang kakulangan naman ng Vitamin B5, bagaman ito ay bibihirang kaso din, ay maaaring magdulot ng madaling pagka-irita, madaling pagkapagod, pagkatamlay, pamamanhid, at pamumulikat ng mga kalamnan. Maaari din itong magdulot ng sobrang reaksyon sa insulin at pagkababa ng asukal sa dugo.

10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B5

1. Shitake Mushroom

Kilala ang shiitake mushroom bilang sangkap sa ilang pagkaing mabibili sa mga Japanese at Chinese restaurant. Ang isang tasa ng kabuteng ito ay maaaring makuhanan ng hanggang 5.21 mg ng pantothenic acid.

shitake

2. Keso

Ang mga keso, lalo na yung nagmula sa gatas ng kambing ay maaari din makuhanan ng Vitamin B5. Tinatayang aabot sa 3.35 mg ng pantothenic acid ang maaaring makuha sa 100 gramo ng keso na nagmula sa gatas ng kambing.

3. Tuna

Ang mga isda gaya ng salmon at tuna ay mayaman din sa Vitamin B5. Mayroong 2.24 mg na pantothenic acid ang maaaring makuha sa 100 gramo ng isdang ito.

Raw tuna steak

4. Abukado

Ang isang buong bunga ng prutas na abukado ay maaaring makuhanan ng hanggang 1.99 mg ng pantothenic acid.

5. Itlog

Ang itlog naman na may katamtamang laki ay maaaring makuhanan ng hanggang 0.70 mg ng Vitamin B5.

Egg

6. Karne ng baboy

Ang isang hiwa ng pork chop ay tinatayang makukuhanan ng hanggang 1.41 mg ng Vitamin B5.

7. Karne ng baka

Ang karneng baka naman na umaabot sa 100 gramo ay maaaring makuhanan ng hanggang 1.32 mg ng Vitamin B5.

beef

8. Karne ng manok

Maaari ding makakuha ng Vitamin B5 sa karne ng manok. Halimbawa sa isang drumstick ng manok, o isang hita nito, maaaring makakuha ng 0.55 mg ng pantothenic acid.

9. Buto ng sunflower

Ang isang tasa naman ng buto ng sunflower ay makukuhanan din ng hanggang 9.46 mg ng Vitamin B5.

sunflower seeds

10. Kamote

Ang isang kamote na may katamtamang laki ay maaaring makuhanan ng 1.01 mg ng Vitamin B5.