Paano makaiwas sa cholera?

Gaya ng iba pang sakit na nakukuha sa mga pagkain at inumin, malaking kabawasan sa posibilidad ng pagkakaroon ng cholera kung makatitiyak na malinis ang pinagmumulan ng pagkain at inumin. Gayun din ang mga paraan na pagpapanatiling malinis sa katawan. Narito ang ilang hakbang para makaiwas sa sakit na cholera:

  • Tiyaking malinis ang pagkain at inumin. Makabubuti kung ang tubig na pinagmumulan ng inumin at panghalo sa mga pagkain ay ligtas at malaya mula sa kontaminasyon ng dumi ng tao. Huwag din basta-bastang iinom sa tubig na galing sa gripo hanggat hindi ito nasasala at napapakuluan.
  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Tiyaking husto at wasto ang paghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran.
  • Tiyaking naluto ng tama ang pagkain. Hanggat maaari, kainin lamang ang pagkain na bagong luto at naluto ng husto.
  • Magpabakuna laban sa cholera. Sa ngayon, mayroon nang bakuna para sa sakit na cholera. Ito ang Shanchol at mORC-VAX na tumatagal nang hanggang 2 taon. Uminom nito lalo na kung mapapadpad sa mga lugar na napapabalitaang may kaso ng cholera.

Ano ang gamot sa Cholera?

Upang maiwasan ang dehydration na dulot ng pagkakaroon ng Cholera, agad dapat na mapalitan ang nawawalang tubig sa katawan. Maaring bigyan ng inumin na may ORS (oral rehydration salts), gatorade at iba pang inumin na makakatulong pabalikin ang nawalang electrolytes sa katawan bilang paunang lunas. Ang patuloy na pagdudumi at pagsusuka ay nangangahulugan lamang ng masmatinding pangangailangan ng karagdagang tubig sa katawan. Matapos ang tuloy-tuloy na pag-inom, binibigyan ng antibiotics ang pasyente upang mapatay ang mga bacteria na nasa tiyan. Sa mga malalalang kaso, binibigyan ng tetracycline, doxycycline, furazoledone,, erthromycin at cyprofloxacin. Ang mga gamot na ito ay maaaring iniinom o kaya naman ay tinuturok.

 

Paano malaman kung may sakit na cholera?

Ang pagkakaroon ng impeksyon ng cholera ay madaling natutukoy sa pag-oobserba sa duming inilalabas. Kung ito ay sobrang matubig na tila hugas-bigas ang kulay, at may naiipon na malaulap na kulay sa dumi, maaaring ito ay cholera. Upang makasiguro, tinitignan pa rin sa ilalim ng microscope ang sample na nakuha mula sa dumi. Kung positibo, makikitaan ito ng maliliit at mabibilis gumalaw na bacteria na may buntot (flagella), ito ang V. cholerae. Maaari ding suriin ang bacterie sa laboratorio at gawan ng culture upang mas lalong makasigurado.

Ano ang mga sintomas ng Cholera?

Ang mga sintomas na dulot ng Cholere ay maaaring maranasan ilang oras matapos makapasok ang mga bacteria, maaari rin naman sa loob ng 5 araw. Depende ito sa kung gaano kadami ang bacteria na nakapasok sa tiyan. Ang mga nararamdaman sintomas ay ang sumusunod:

  • Matubig na pagtatae
  • Pagsusuka
  • Mabilis na pagtibok ng puso
  • Kawalan ng elastisidad ng balat.
  • Panunuyo ng lalamunan, bibig at ilong.
  • Pagbagsak ng presyon ng dugo
  • Madaling pagkauhaw
  • Pamumulikat

Ang nilalabas na dumi ay sobrang matubigĀ  kung kaya’t ang taong may cholera ay nanganganib na maubusan ng tubig sa katawan. Ang dumi rin ay may masangsang na amoy na tila malansang isda.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagkakaroon ng cholera ay nangangailangan ng agarang pagpapagamot, kung kaya’t kinakailangan ang agad na atensyon ng doktor. Tandaan na ang Cholera ay maaaring makamatay kung mapapabayaan. Mabilis na mauubos ang tubig ng katawan dahil sa sakit na Cholera.

Mga kaalaman tungkol sa Cholera

Ang cholera ay isang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria na Vibrio cholerae na maaaring makuha mula sa maduduming pagkain at inumin. Nakapagdudulot ito ng tuloy-tuloy na pagtatae na kung hindi maaagapan ay maaring maging sanhi ng dehydration at kamatayan.

Gaano kalaganap ang sakit na cholera?

Ang sakit na cholera ay talamak sa iba’t ibang lugar noong panahon ng ika-18 na siglo. Dahil ito sa kakulangan sa kalinisan sa mga tubig na pinanggagalingan ng mga inumin ng sambayanan. Maging sa Pilipinas, ilang beses nang nagkaroon ng cholera outbreak sa Manila na nagdulot ng kamatayan ng nakararami noong mga panahon na iyon. Sa ngayon, tanging sa mga bansa na hindi maayos ang sistema ng patubig madalas itong nararanasan, kabilang ang mga bansa sa Africa, ang India, pati na ang ilang lugar sa Timog-America. Tinatayang umaabot pa rin sa 3 hanggang 5 milyon na kaso taon-taon at sanhi ng halos 10 libong kamatayan taon-taon sa mga lugar na nabanggit.

Paano nakukuha ang sakit na Cholera?

Ang impeksyong ng bacteria na Vibrio cholerae ang nagdudulot ng sakit na cholera. Kadalasan itong nakukuha sa mga maduming inumin (imbak na tubig o tubig galing sa poso). Kung ang kontaminadong tubig na ito ay magamit na panghugas sa pagkain, o kaya ay maihalo sa pagluluto, naikakalat din ang bacteria na V. cholerae. Sa oras na makapasok ang bacteria sa bituka ng tao, maglalabas ito ng lason na siya namang magdudulot ng matubig na pagtatae.

Sino ang maaaring magkasakit ng Cholera?

Ang lahat ng tao na makakainom ng tubig na may bacteria ay maaaring magkaroon ng sakit na cholera. Ngunit higit itong nakakaapekto sa mga taong mababa ang resistensya, malnourished at sa mga kabataan na ang edad ay 2-4 na taon. May mga pag-aaral din na nagsasabing higit din na naaapektohan ang mga taong may Type-O na dugo.