Antibiotiko ang pangunahing gamot sa UTI, ngunit ang pagpili ng antibiotiko sa UTI ay hindi simpleng bagay. Ibang klase ang mga mikrobyong na nagdudulot ng impeksyon sa ihi, kaya hindi pwedeng basta basta uminom ng mga gamot ng walang reseta. Mas mabuti kung magpatingin sa doktor at itanong kung anong antibiotiko ang angkop kung ikaw ay may UTI.
Bukod sa gamot, mahagala rin gawin ang mga sumusunod:
- Uminom ng maraming tubig upang mas mabilis masupil ang impeksyon.
- Iwasan ang kape, alak, at maaanghang na pagkain, sapagkat ang mga ito ay maaaring maka-irita sa pantog.
Kung ikaw ay may ibang sakit, gaya ng sakit sa bato, o umiinom ng ibang gamot, mahalagang banggitin ito sa doktor para makapili siya ng mas angkop na gamot. Depende sa iyong kalusugan, maaari ring magbago ang haba ng gamutan, mula tatlo hanggang 14 na araw.
Gaano katagal bago gumaling ang UTI?
Sa ilang araw lamang ay may mga pagbabago na at pwedeng tuluyang mawala na ang iyong mga sintomas. Subalit mahalagang ituloy parin ang gamutan kahit wala nang nararamdaman, para hindi magkaron ng resistensya ang mga mikrobyo. Kung sa loob ng isang linggo ay wala pang pagbabago, magpatingin muli sa iyong doktor.