Paano makaiwas sa UTI o urinary tract infection?
Ang mga sumusunod ay mga hakbang para makaiwas sa UTI o urinary tract infection:
- Uminom ng maraming tubig araw-araw. Kung madalas ang pag-inom ng tubig, madalas at marami ang iiihi, na siyang makakalinis sa daluyan ng ihi at makakapigil sa impeksyon. Bukod sa tubig, may mga nagsasabi na ang pag-inom ng mga juice na gawa sa prutas, gaya ng cranberry juice, ay nakakatulong din.
- Iwasan ang paggamit ng mga feminine wash at iba pang nilalagay sa pwerta o malapit dito, sapagkat maaari nilang iritahin ang balat at baguhin ang kalalagayan doon at baka maging pabor sa pagkakaron ng impeksyon.
- Kung huhugasan ang ari, singit, o puwet, ugaliing mula harap hanggang likod ang direksyon ng pagpunas, sapagkat ang mga mikrobyo sa puwitan ay maaaring madala papunta sa harapan kung papaharap ang direksyon ng iyong pagpahid.
- Pagkatapos makipagtalik, umihi, uminom ng tubig, at maligo.
Paano kung pabalik-balik ang UTI?
Kung ang iyong UTI ay pabalik-balik na at naka-ilang ulit na sa isang taon, magpatingin sa iyong doktor upang mabigyan ng karagdagang mga alituntunin. Maaaring resetahan ka ng antibiotics na ipapainom sa iyo ng pangmatagalan. Sa iba naman, ang mga hakbang na ating nabanggit sa naunang talata ay sapat na upang pigilin ang pagbabalik ng UTI.