Ano ang Ultrasound at para saan ito?
Ang ultrasound, o sonography, ay isang pamamaraang medikal na gumagamit ng sound waves o tunog, na hindi kayang marinig ng tao, upang masilip ang mga bagay-bagay at istruktura sa loob ng katawan. Isa itong mabisang diagnostic test o paraan ng pagtukoy ng mga karamdaman, o kondisyon sa katawan. Madalas din itong gamitin upang silipin ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. Ginagamit din ito upang pag-aralan ang galaw at paggana ng ilang bahagi ng katawan gaya ng puso, pagdaloy ng dugo, kilos ng mga buto at kalamnan. Maaari ring gamitin ang ultrasound upang magabayang ang karayumna ginagamit sa pagkuha ng biopsy. Ang sound waves na may mataas na frequency na ginagamit sa pamamaraan ito ay nagmumula sa instrumentong transducer.
Kanino at kailan isinasagawa ang Ultrasound?
Ang pagsasagawa ng ultrasound ay maaaring gawin sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maari itong isagawa sa pag-aaral sa mga pagbubuntis, sa pagtukoy ng mga sakit, at sa paggabay ng iba pang pamamaraan tulad ng biopsy.
Para sa mga buntis, ginagamit ang ultrasound upang masilip ang sanggol na nasa sinapupunan. Sa pamamagitan ng ultrasound, maaaring matukoy ang kasarian ng sanggol, ang kabuwanan, pagkakaroon ng kambal, at iba pang kondisyon sa pagbubuntis. Mahalaga rin ito sa pagtukoy ng problema sa panganganak gaya ng suhi, pagpulupot ng pusod sa bata, at iba pa.
Sa pagtukoy naman ng mga karamdaman at kondisyon sa katawan, makatutulong ang ultrasound sa pagsilip sa mga bahagi ng kalamnan na malambot at manipis na hindi nakikita sa ibang pagsusuri gaya ng X-ray.
Para naman sa pagsasagawa ng biopsy, makatutulong ang ultrasound para magabayan ang karayom patungo sa bahagi ng katawan na kukuhanan ng laman para sa pag-aaral.
Paano isinasagawa ang Ultrasound?
Ang transducer na ginagamit sa pagsasagawa ng ultrasound ay dinidikit lamang sa balat malapit sa bahagi ng katawan na nais silipin. Ang sound waves na tumatama sa bahagi ng katawan ay babalik bilang mga echo kasama ang imahe ng bahaging sinusuri. Ang imaheng lumalabas ay pumapasok na direkta sa isang computer kung saan maaari itong i-record. Ang resulta ng pagsusuri ay tinitignan at binabasa ng isang ragiologist, at ipapasa naman sa doktor ng pasyente.
Gaano katagal bago makuha ang resulta ng Ultrasound?
Ang resulta ng ultrasound ay kadalasang nakukuha naman kaagad sapagkat ang resulta ay pumapasok ng “real time” kasabay ng pagsusuri.
Maroon bang epekto ang ultrasound sa katawan?
Ang pamamaraan na gumagamit ng ultrasound ay itinuturing na ligtas sapagkat wala naman itong kahit na anong epekto sa katawan. Bagaman ang pagsusuring ito ay mayroong limitasyon, lalo na sa pagsilip nga mga bahaging naikukubli ng matigas na buto. Dahil dito, inirerekomenda ang paggamit ng ibang pamamaraan gaya ng X-ray, CT Scan at MRI.