Paano makaiwas sa ulcer sa sikmura?

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng ulcer sa tiyan, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Umiwas sa paninigarilyo
  • Bawasan ang pag-inom ng alak, lalo na kung umiinom ng mga gamot.
  • Bawasan ang pag-inom ng mga anti-inflammatory na gamot

Makabubuting makipag-ugnayan kaagad sa doktor sa simula pa lang na makaranas ng mga sintomas upang maiwasan ang paglala o pagkakaroon ng mga mas seryosong komplikasyon.

Ano ang gamot sa Ulcer sa sikmura?

Mahalagang magamot kaagad ang mga kaso ng ulcer nang hindi ito humantong sa mas seryosong komplikasyon. Ang gamutan ay maaaring sa pag-inom ng gamot, pagbabago sa mga nakagawian, o sa mga malalalang kaso ay surgery. Ang mga iniinom na gamot ay depende din sa kung ano ang dahilan ng ulcer sa tiyan:

  • Mga gamot na antibiotic laban sa H. pylori.
  • Mga gamot na pumipigil pagdaragdag ng asido sa tiyan.
  • Mga gamot na antacids upang mabawasan ang tapang ng asido sa tiyan.
  • Mga gamot na nakatutulong protektahan ang mga pader ng mga daluyan ng pagkain.

Lumapit lamang sa doktor o sa gastroenterologist, ang spesyalista sa mga karamdaman sa tiyan,upang malaman kung ano ang nararapat na gamot para sa kaso ng ulcer sa tiyan.

Paano malaman kung may Ulcer sa Sikmura?

Maaaring matukoy ng doktor ang pagkakaroon ng ulcer sa simpleng pagtatanong lang sa mga sintomas na nararanasan. Ngunit upang makasigurado kung mayroon ngang ulcer sa mga daluyan ng pagkain, maaring isagawa ang mga sumusunod na pamamaraan:

  • Pagsusuri kung positibo sa Helicobacter pylori. Maaring suriin sa laboratoryo ang dugo, dumi, o hininga upang matukoy kung positibo sa bacteria na H. pylori. Ang bacteria na ito ang siyang nagdudulot ng ulcer sa tiyan
  • Pagsilip sa loob ng tiyan gamit ang endoscope. Gamit ang endoscope na ipinapasok sa bibig patungo sa esophagus, tiyan at bituka, maaring masilip ang mga pader ng daluyan ng pagkain at matukoy ang pagkakaroon ng mga sugat dito.
  • X-ray. Maaari ding matukoy ang pagkakaroon ng ulcer sa pamamagitan ng X-ray na gumagamit ng barium contrast.

Ano ang mga sintomas ng Ulcer sa sikmura?

Ang pagkakaroon ng ulcer ay maaaring hindi magpakita ng mga sintomas o anumang senyales sa pagsisimula nito. Ngunit kung ito ay lumala o mapabayaan, maaaring maranasan ang mga sumusunod na sintomas:

  • Pagkirot, o paghapdi ng sikmura mula sa itaas ng pusod hanggang sa dibdib.
  • Pabalik-balik na pananakit ng sikmura
  • Pagsusuka o paglilyo
  • Kabag
  • Kawalan ng gana sa pagkain
  • Pagkabawas ng timbang

Bukod sa mga ito, ang mga sintomas ay maari pang madagdagan sa mga malalalang kaso gaya ng sumusunod:

  • Pagsusuka na may kasamang dugo
  • Pagtatae na may kasamang dugo

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Maaaring magpatingin na sa doktor kung napapadalas ang mga sintomas na nararanasan at hindi na kayang maibsan ng mga iniinom na gamot. Mahalagang maagapan ang mga posibleng komplikasyon ng sakit na ito.

Mga kaalaman tungkol sa Ulcer sa Sikmura o Peptic Ulcer

Ang peptic ulcer ay ang tumutukoy sa pagkakaroon ng ulcer o sugat sa mga pader ng bituka, tiyan at esophagus na maaaring magdulot ng matinding kirot sa tiyan. Tinatawag itong gastric ulcer kapag nakaaapekto sa tiyan, duodenal ulcer kung sa unahang bahagi ng bituka, at esophageal ulcer naman kung nasa esophagus. Ito ay kadalasang dulot ng impeksyon ng bacteria na Helicobacter pylori sa mga pader ng mga daluyan ng pagkain. Bagaman kadalasan ay gumagaling naman ng kusa, hindi pa rin ito dapat na isawalang bahala sapagkat maaari itong humantong sa mga mas seryosong komplikasyon.

Paano nagkakaroon ng peptic ulcer?

Ang pagkakaroon ng peptic ulcer o sugat sa mga pader ng daluyan ng pagkain ay nagsisimula sa pagkakaroon ng maliit sugat dahil sa mga asidong nasa loob ng tiyan. Nagaganap ang pagsusugat kung ang asido ay nagiging masyadong matapang o kaya naman ay humihina ang mga mucus na nakabalot sa mga pader at nagsisilbing proteksyon nito. Ang mga maliliit na sugat namang ito ay pinalalala ng impeksyon ng bacteria na Helicobacter pylori na natural na makikita sa mga pader ng mga daluyan ng pagkain na maaaring makapagdulot ng pamamaga.

Ano ang mga iba pang dahilan ng pagkakaroon ng ulcer?

Bukod sa reaksyon mula sa asido ng tiyan at impeksyon ng bacteria, ang pagkakaroon ng ulcer ay maaari ring dahil sa mga iniinom na gamot na nabibiling over-the-counter gaya ng aspirin, ibuprofen, naproxen, at iba pa. Ang mga gamot na ito ay maaaring magdulot ng iritasyon o pamamaga sa mga pader ng daluyan ng pagkain na humahantong naman sa pagkakaroon ng ulcer.

Sino ang maaaring magkaroon ng ulcer sa tiyan?

Ang mga taong madalas uminom ng alak at mahilig manigarilyo ang pinakamadalas na nagkakaroon ng ulcer. Tumataas din ang posibilidad ng pagkakaroon nito sa mga taong nasa edad 50 pataas, gayun din ang mga taong may karamdaman sa atay, bato at baga. Bukod pa rito, may mga nagsasabi rin na mas mataas ang kaso ng ulcer sa mga taong mayroong kasaysayan ng sakit na ulcer sa kanilang pamilya.

Ano ang mga maaaring komplikasyon ng ulcer?

Ang pagkakaroon ng ulcer ay ay maaaring humantong sa mga mas seryosong komplikasyon kung mapapabayaan. Maari itong magdulot ng matinding pagdurugo sa loob ng katawan  o internal bleeding. May posibilidad din na mabutas ang mga pader ng bituka at tiyan at magkaroon ng impeksyon sa iba pang kalamnan, ang kasong ito ay tinatawag na peritonitis. Ang mga naghilom na ulcer naman ay maaaring maging peklat sa loob ng tiyan na maaari namang magdulot ng pagbabara sa daluyan ng pagkain.