Paano makaiwas sa Typhoid Fever?

Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng typhoid fever na dulot ng impeksyon ng Salmonella, ay ang pagpapanatili ng malinis na pangangatawan, gayun din ang malainis na pagkain. Upang makamtan ito, maaaring sundin ang sumusunod na hakbang:

  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Malaking kabawasan sa posibilidad na maipasa-pasa ang Salmonella kung uugaliin ang paghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran. Maaari din gumamit ng hand sanitizers o alcohol matapos maglaro sa labas o pagkatapos magtrabaho.
  • Iwasan ang pag-inom ng tubig-gripo. Hanggat maaari, uminom lamang ng mineral water o yung tubig na pinakuluan upang maiwasan ang pagpasok ng mikrobyo sa katawan.
  • Tiyaking bagong luto ang pagkain. Kumain lamang ng pagkaing mainit pa at bagong luto. Mas maliit ang posibilidad na mabuhay ang microbyo at bacteria sa mga mainit na pagkain.
  • Umiwas sa mga Steet Food. Ang isa sa mga pangunahin pagkain na kontaminado ng Salmonella ay ang mga pagkain na nabibili sa lansangan. Makakatulong kung umiwas sa pagkain nito.
  • Panatilihin malinis ang bahay. Tiyaking regular na nalilinis ang bahay lalo na ang banyo upang maiwasan ang kontaminason.

Ano ang gamot sa Typhoid Fever?

An sakit na Typhoid Fever ay malulunasan lamang sa pamamagitan ng malakas na uri ng antibiotic na makakapatay sa bacteria na Salmonella. Ang madalas na inirereseta ay Ciprofloxacin para sa mga pasyenteng hindi buntis, habang Ceftriaxone naman para sa mga nagbubuntis. Noon, ang madalas na binibigay ay chloramphenicol subalit sa kinalaunan ay nawalan na ito ng epekto sa mga bacteria. Para naman sa mga malalalang kaso, maaaring operahin at tanggalin ang gall bladder sapagkat dito nagpaparami ang salmonella. Mayroon na rin namang bakuna na naimbento para dito, ngunit ang epekto nito ay panandalian lamang.

Bukod sa antibiotics, ano pa ang maaaring gawin sa mga pasyenteng may Typhoid Fever?

Ang taong nakakaranas ng typhoid fever ay kinakailangang patuloy na uminom ng malinis na tubig upang maiwasan ang dehydration dahil sa pagtatae at lagnat. Kinakailangan din na palakasin ang katawan sa patuloy na pagkain ng mga prutas at gulay.

Paano malaman kung may Typhoid Fever?

Sa oras na makapasok ang Salmonella sa katawan, agad itong tutungo sa bituka kung saan maaari itong makapasok sa daluyan ng dugo. Mula sa mga daluyan ng dugo, maaari itong makapasok sa atay at apdo. Dito nagpaparami ang bacteria na Salmonella at muling kakalat sa dugo pati sa gall bladder. Sa oras na magkalagnat ng walang humpay at mataas na umaabot sa 40.0 celcius, dapat nang pagsuspetsahan na may seryosong sakit. Sa pamamagitian ng stool tests o kaya naman blood test, maaaring matukoy kung positibo sa typhoid fever.

 

Ano ang mga sintomas ng Typhoid Fever?

Ang sintomas ng typhoid ay kadalasaang nararanasan matapos ang 1-2 linggong incubation period ng Salmonella. At ang sintomas ay nagpapabago-bago sa pagtagal ng panahon. Narito ang mga sintomas na maaaring maranasan sa unang linggo ng pagkakasakit:

  • Lagnat na maaaring umabot sa 39.4 hanggang 40.0 Celcius.
  • Pananakit ng ulo at katawan
  • Panghihina
  • Pagkapagod
  • Ubo
  • Pananakit ng tiyan
  • Pagtatae, o hirap sa pagtae

Kung hindi mabibigyan ng lunas sa unang linggo ng pagkakasakit, maaaring lumala ito at umabot sa ikalawang antas ng sakit. Sa ikalawang antas ng typhoid, maaaring makaranas ang sumusunod na sintomas:

  • Hindi bumababang lagnat
  • Patuloy na pagtatae, o maaaring hirap sa pagtae
  • Matinding pananakit ng tiyan

Sa pangatlong linggo na hindi pa rin magamot, ang mga sintomas ay lalo pang lalala at maaari pang makaranas ng sumusunod:

  • Pagdedelirio
  • Hirap sa pagkilos at pagtirik ng mata.
  • Maaari ding magsimula ang pagdurugo sa bituka at tiyan.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Sa simula pa lang na nakakaranas ng walang humpay at mataas na lagnat, dapat nang mabahala at agad na magpatingin sa doktor. Ang typhoid ay kailangang agad na malunasan bago ito magsimulang magdulot ng pagdurugo sa katawan. Kung mapapabayaan, ang mga komplikasyon ng typhoid ay maaaring makamatay.

Mga kaalaman tungkol sa Typhoid Fever

Ang typhoid fever ay isang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria na Salmonella. Ang bacteria ay naipapasa sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain at inumin. Ang sakit na ito ay maaaring magdulot ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, at maaaring matubig na pagtatae (diarrhea) o kaya ay hirap sa pagtae (constipation). Ang sakit na ito, kung mapapabayaan, ay maaaring makamatay dahil sa mga komplikasyon na nararanasan.

Gaano kalaganap ang sakit na Typhoid fever?

Ang sakit na typhoid ay laganap sa buong mundo, ngunit pinakamataas sa mga lugar sa Africa, Timog Asia at Timog-Silangang Asia. Responsable ito sa halos 190,000 na kamatayan noong taong 2010. Sa Asya, pinakamadalas itong nararansan ng mga sanggol at mga bata.

Paano nagkakaroon ng Typhoid Fever?

Ang sakit na dulot ng bacteriang Salmonella ay naipapasa sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain. Nagsisimula ito kapag ang taong mayroong sakit na typhoid ay dumumi ngunit hindi nakapaghugas ng husto. Ang kanyang kamay na maaaring may bahid ng bacteria ay maaaring makapagpasa sa mga bagay na kanyang mahahawakan. Ang mga inuming tubig o pagkain ay maaaring makontamina sa oras na mahawakan niya ang ito. Ang lahat ng taong makakainom o makakakain ng mga kontaminadong inumin at pagkain ay maaaring makakuha ng salmonella. At sa oras na makapasok ang salmonella sa sistema ng katawan ng tao, nagsisimula ang pagkakasakit ng Typhoid Fever.

Ano ang mga komplikasyon na maaaring mangyari sa malalang kaso ng Typhoid Fever?

Sa mga malalalang kaso ng typhoid, maaaring magdulot ng pagdurugo sa bituka o kaya naman pagkabutas mismo ng pader ng mga bituka. Dahil dito, maaaring lumabas mula sa bituka ang lahat ng dumadaan dito, patungo sa ibang istruktura sa tiyan. Ito ay seryosong komplikasyon at nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Nagsasagawa ng operasyon sa mga kasong ganito.