Ano ang gamot sa insomnia o hindi makatulog?

Q: Ano ang gamot sa insomnia o hindi makatulog?

A: Ang insomnia o hindi makatulog sa gabi ay problema ng maraming tao. Una sa lahat, ang mahalagang suriin ay kung ano ang sanhi ng iyong kahirapang makatulog. Ito ba ay dala ng ‘stress’ sa trabaho? Problema sa relasyon? Paggamit o pagtigil sa paggamit ng alak o sigarilyo? Ang pagkawala ng sanhi ng insomnia ay ang kadalasang pinakamabisang gamot para dito.

Bago sumailalim sa pag-inom ng mga gamot para sa insomnia, maganda ring subukan muna ang mga lunas na hindi nangangailangan ng gamot (non-pharmacological management). Kabilang na dito ang mga sumusunod:

  • Iwasang uminom ng kape, tsaa, o anumang inumin na may ‘caffeine’ gaya ng Cobra o Lipovitan kapag hapon o gabi. Iwasan ring mag-yosi bago matulog.
  • Hindi rin magandang uminom ng alak bago matulog, bagamat akala ng marami na ito’y nakakatulong.
  • Huwag matulog ng gutom, pero huwag ding matulog ng busog na busog.
  • Mag-exercise tuwing hapon, bago kumain ng hapunan, ng mga 30 minuto.
  • Siguraduhing maayos at maaliwalas ang iyong kwarto bago matulog. Patayin ang ilaw at iwasang magkaron ng maliwanag na ilaw sa bintana. Siguraduhin ring walang mga maiingay na naririnig.
  • Bago matulog, huwag nang mag-isip ng mga bagay na nakakabahala o nakakabalisa. Magbasa ng libro, gaya ng nobela o Bibliya, na nakakawala ng mga bagay na mabigat sa isip. Iwasan naring magtrabaho sa kama gamit ng laptop o tablet.
  • Gawing regular ang oras ng patulog, at oras ng pagbangon.

May mga gamot rin na iniinom para sa insomnia o hindi makatulog, ngunit karamihan dito ay nangangailangan ng espesyal na reseta mula sa iyong doktor. Dahil ang mga ito ay maraming side effects, magpatingin muna sa doktor upang ikaw ay ma-examine at upang malaman kung aling gamot ay nararapat sa iyo, kung meron man. May mga gamot din na over-the-counter (OTC) na hindi nangangailangan ng reseta na nakaka-antok, ngunit hindi pinapayo na ang mga ito ay inumin ng pangmatagalan, gaya ng diphenhydramine at melatonin. Isangguni sa iyong doktor kung okay ba sa iyo ang mga ito.