Maraming mga katanungan ang nakakarating sa Kalusugan.PH tungkol sa iba’t ibang uri ng vaginal discharge o likidong lumalabas sa pwerta ng babae. Dahil dito, minabuti kong gumawa ng artikulo na magbibigay-linaw sa bagay na ito.
Una sa lahat, gusto kong bigyang-diin na hindi lahat ng ‘vaginal discharge’ ay abnormal o nangangahulugang ng pagkakasakit. Halimbawa, kung klaro ang kulay ng lumalabas, ito ay bahagi ng normal na pagbabago sa pwerta ng babae gaya ng pagkakaron ng mens. Subalit, may mga uri rin ng discharge na kailangan ng medikal na atensyon upang matanggal ito at mga kaakibat ng sintomas gaya ng pangangati, at maging ang mga posibleng komplikasyon.
Narito ang isang table kung saan nakasaad ang mga iba’t ibang klase ng discharge at mga maaaring sanhi nito. Tandaan na ang table na ito ay nagpapakita lamang ng mga sintomas na pangkaraniwan; hindi ito nangangahulugann na ito na talaga ang sanhi, sapagkat bawat tao ay may iba’t ibang pinapakitang sintomas kahit na pareho lamang ang kanilang kondisyon.
Kulay | Amoy | Iba pang detalye | Maaaring sanhi | Gamot |
Klaro o medyo maputi | Wala | Malabnaw | Normal | Hayaan lang |
Maputi o kulay grey | Wala | Buo-buo, parang kesong puti; karaniwan sa mga buntis o umiinom ng gamot | Candidiasis (isang uri ng fungus) | Antifungal; ipatingin muna sa doktor |
Berde o dilaw | Mabaho; Mapanghi;
Amoy isda
|
Mabula, malabnaw, may kasamang pangangati | Trichomoniasis (isang uri ng parasite) | Antibiotics; Ipatingin muna sa doctor |
Maputi o madilaw | Wala | Medyo malapot; may kasamang pananakit ng pwerta, lalo na habang nakikipagsex | Gonorrhea (isang uri ng bacteria) | Antibiotics; Ipatingin muna sa doctor |
Maputi o madilaw | Mabaho | Malapot, parang nana; mahapdi kung umiihi pero pwedeng walang sintomas | Chlamydia (isang uri ng bacteria) | Antibiotics; Ipatingin muna sa doktor |
May pagka-grey (“off-white”) o berde | Mabaho;
Malansa |
Parang amoy isda o bagoong, malapot; kalimitan walang ibang sintomas | Bacterial vaginosis (iba’t ibang uri ng bacteria) | Antibiotics; Ipatingin muna sa doctor |
Pula o brown | Wala | Malapot; Depende ang mga sintomas sa sanhi | Irregular na mens o bukol sa matris | Depende sa sanhi; magpatingin sa doctor |
Mga karaniwang tanong
Q: Ang pagkakaron ba ng vaginal disharge o tulo ay isang
sintomas ng pagkakaron ng STD o sexually transmitted disease?
A: Posibleng ito ay STD. Kung titingnan ang table sa itaas, ang chlamydia, gonorrhea, at trichomoniasis ay malamang na nahawa sa pamamagitan ng pakikipagsex. Subalit ang candidiasis ay may ibang sanhi gaya ng pag-inom ng mga antibiotics o pagiging buntis – nababago ay pH level at mga kemikal sa pwerta at nagkakaron ng pagkakataon na tumubo ang mga fungus.
Q: Nakakahawa ba ang tulo ng babae sa kanyang kapartner na lalaki?
A: Oo. Kung ito ay isang STD, ito ay nakakahawa. Gaya ng nabanggit natin sa unang tanong, hindi lahat ng vaginal discharge ay STD.
Q: Sinong doktor ang pwedeng pagpatingnan kung ako ay may tulo sa pwerta?
A: Maaari kang magpagamot sa kahit sinong doktor. Ang mga OB-GYN, family medicine, internal medicine, general practitioners, at iba pang doktor ay may kakayanang gamutin ang mga sakit na ito.