Problema ng maraming Pilipino ang pagiging patpatin o sobrang kapayatan na kadalasan ay senyales ng pagkakaroon ng mababang timbang o underweight. Kung mahirap ang pagbabawas ng timbang, lalong mahirap ang pagdaragdag ng timbang lalo na sa mga taong likas na payat pati na ang mga taong may mabilis na metabolismo. Ang pagiging underweight ay hindi naman talaga problema kung bitin lamang ng bahagya sa inaasahang timbang at nakapagtatrabaho naman ng maayos at kumportable naman sa sarili, ngunit kung ito ay sobrang baba na, maaring senyales na ito ng isang karamdaman o kakulangan sa ilang sustansya.
Ang pagdaragdag ng timbang ay kadalasang kinakailangan lamang ng mga taong nagpapalaki ng katawan o body builders, mga taong hindi komportable sa kanilang pagiging likas na payat, at mga taong aktibo sa mga sports. Narito ang ilang mga mahuhusay at epektibong paraan na makakatulong sa pagdaragdag ng timbang.
1. Kumain nang marami.
Ito ang pinakamabisang paraan ng pagdaragdag ng timbang lalo na kung gagawin ng tama. Kung noon ay kumakain lamang ng 3 beses sa isang araw, mas mainam na doblehin ang dami nito, lalo na kung mabilis ang metabolismo. Maaari ding kumain kada 3-4 na oras. Mas epektibo din ang pagkain ng madalas kahit paunti-unit kaysa sa pagkain ng minsanan ngunit bulkehan.
2. Dagdagan ang Protina at Calories sa mga kinakain.
Matapos malaman ang dami at dalas ng pagkain sa bawat araw, dapat ay alamin din kung aling mga pagkain ang dapat kainin. Ang pagnanais na madagdagan ang timbang ay nangangahulugan ng pagdaragdag ng calories at protina sa pagkaing kinakain. Ang calories na kadalasang nakukuha sa mga pagkaing carbohydrates gaya ng kanin, pasta, tinapay at mga matatamis ay maaring makadagdag ng taba, habang ang protina naman na kadalasang nakukuha sa mga karne, gatas, itlog, isda at mga beans ay nakadaragdag naman ng kalamnan. Mahalagang balansehin ang calories at protina sa mga pagkaing kinakain. Dahil kung tanging protina lamang ang kinakain, gagamitin ito ng katawan bilang enerhiya at hindi madaragdagang ang timbang. Kailangan ang calories upang may mapagkunan ng enerhiya ang katawan habang pinalalaki ang mga kalamnan at nadaragdagan ang timbang gamit naman ang protina. Sa kabila ng pagdaragdag ng calories at protina, hindi pa rin dapat kalimutan ang pagkain ng mga prutas at gulay.
Dagdagan ang kaalaman tungkol sa Protina at Calories.
3. Piliin ang mga kakainin.
Sa pagdaragdag ng timbang, maaring mangailangan ng higit sa 3000 na calories bawat araw. Bagaman ito naman ay madaling makukuha sa pagkain ng mga sitsirya, mga mamantikang pagkain sa mga fastfood, at pag-inom ng softdrinks, ito ay hindi mabuting paraan ng pagdaragdag ng calories sa katawan sapagkat maaari itong pagmulan ng mga karamdaman. Kung nais madagdagan ang timbang at kasabay nito’y manatiling malusog ang pangangatawan, piliin ang mga pagkukunan ng mga calories at mahahalagang sustansya.
4. Sabayan ng pag-eehersisyo.
Kailangang gamitin ang mga kinakain na calories kung ayaw itong maging taba sa katawan. Ang mga hindi nagagamit na calories sa katawan ay maiimbak bilang mga taba. Kung kaya, makatutulong ang regular na pag-eehersisyo, gaya ng pagpu-push-up, pagbubuhat, at mga squats. Dahil dito, ang mga kalamnan ay maaaring lumaki lalo na kung mayroong sapat na damit ng protina na kinakain at ang paglaki ng mga kalamnan ay nakapagdaragdag ng timbang.
Basahin ang mga iba’t ibang paraan ng pag-eehersisyo: Mga Alternatibong Paraan ng Pag-eehersisyo.
5. Magpahinga at matulog ng sapat.
Sa panahon ng pagpapahinga lumalaki ang mga kalamnan ng katawan. Kung kaya, mahalagang bigyan ng oras ang pagpapahinga at tiyaking ito ay sapat. Kailangang matulog na hindi bababa sa 6 na oras. Para naman sa mga taong may mabilis na metabolismo, makabubuti ang pagkain bago matulog.
Alamin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na tulog. 5 Kahalagahan ng pagtulog.
6. Seryosohin ang pagdaragdag ng timbang.
Ang mga naunang tips ay mababale-wala kung hindi ito isasapuso at sa simula lamang sisipagin. Tiyaking isasapuso at gagawing parte ng pang-araw-araw na routine ang mga nabanggit na tips. Kumain ng sapat at iwasan ang paglaktaw, maaaring kaligtaan ang pag-eehersisyo ngunit tiyakin pa rin na magagawa ito, at siyempre bigyan ang sarili ng sapat na tulog.