Kahalagahan ng Iodine at mga pagkain na mayaman dito

Ang iodine ay isang kemikal na mahalaga sa produksyon ng mga hormone na nagmula sa glandulang thyroid. Kabilang dito ang thyroxine (T4) at triiodothyronine (T3), mga hormone na responsable sa maayos na paglago ng mga tissue sa katawan at paglaki ng pangangatawan ng isang tao. Kumikilos din ang mga hormones na ito sa pagreregulisa ng metabolismo sa katawan at sa paggana ng mga enzymes sa katawan. Natural na nakikita ang iodine sa ilang mga pagkain particular sa mga seafood at maging sa asin.

Gaano karaming Iodine ang kailangan ng katawan sa araw-araw?

Ang itinakdang dami ng iodine na kailangan ng katawan ay 150 microgram lamang. Ito ay katumbas ng isang kutsarita na hinati ng 20,000 beses.

Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Iodine?

Walang sobrang makabubuti sa kalusugan. Para sa isang indibidwal na nasa hustong edad, hanggang 1.1 mg lamang ng iodine ang maaaring tanggapin ng katawan. Ang pag-sobra sa limitasyong ito ay maaaring magdulot ng problema sa produksyon ng hormone sa thyroid at humantong sa hyperthyroidism o hypothyroidism, o kaya ay goiter.

Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Iodine?

Ang kakulangan ng iodine sa katawan ay nakaka-kontribyut sa mabagal na paggana ng pag-iisip o pagiging retarded sa kabataan, depresyon, karagdagang timbang, at goiter. Dapat din tandaan na ang pagsobra o kakulangan sa iodine ay parehong nakapagdudulot ng problema sa produksyon ng hormone sa glandulang thyroid na humahantong sa hypothyroidism.

10 Pagkain na Mayaman sa Iodine

1. Pinatuyong Seaweed

Ang seaweed na madalas nakikita sa mga Japanese food gaya ng sushi ay may pinakamataas na lebel ng iodine. Tinatayang aabot sa 20 hanggang 2,000 microgram ng iodine ang maaaring makuha sa isang gramo ng seaweed, depende sa kung anong uri.

7546_seaweed-lavero

2. Isdang bakalaw (Cod fish)

Mayaman din sa iodine ang isang bakalaw o cod fish. Hanggang 100 microgram na iodine ang maaaring makuha sa 85 na gramo ng isdang ito.

3. Iodized salt

Karaniwang mabibili ang asin na fortified ng iodine. Ang 1.5 gramo ng asin na ito o katumbas ng 1/4 na kutsarita ay maaaring makuhanan ng hanggang 71 microgram ng iodine.

Salt_shaker

4. Patatas

Ang isang buong patatas na may katamtamang laki ay maaaring makuhanan ng 60 microgram ng iodine.

5. Gatas

Ang isang tasa naman ng gatas ay maaaring makuhanan ng 56 microgram ng iodine.

milk

6. Tinapay

Ang dalawang hiwa ng puting tinapay ay makukuhanan din ng iodine. Hanggang 45 microgram ang maaaring makuha dito.

7. Hipon

Makakukuha naman ng hanggang 35 microgram ng iodine sa 85 na gramo ng hipon.

shrimp

8. Itlog

Ang isang malaking itlog na nilaga ay makukuhanan ng 24 microgram ng iodine.

9. Tuna

Umaabot naman sa 17 microgram ng iodine ang maaaring makuha sa isang lata ng tuna na nakababad sa mantika.

????????????????

10. Keso

Ang 25 na gramo ng keso na cheddar ay mayroong hanggang 12 microgram na iodine.

Mga kaalaman tungkol sa goiter

Ano ang goiter o bosyo?

Ang goiter, o bosyo, ay ang paglaki ng thyroid gland, isang bahagi ng katawan na natatagpuan sa leeg. Ang pangunahing sintomas nito ay ang paglaki o paglobo ng leeg, at ang pagkakaroon ng bukol sa ilalim ng lalamunan, na maaaring nasa kanan, kaliwa, o kaya parehas.

Ano ang sanhi ng goiter o bosyo?

Noong una (at hanggang ngayon, sa maraming bahagi ng mundo), ang karaniwang sanhi ng goiter o bosyo ay ang kakulangan ng iodine, isang kemikal na kailangan ng ‘thyroid’ upang makabuo ng mga ‘hormone’ na mahalaga sa pagpapanatili ng kaayusan sa pagtakbo ng katawan. Ngayon, dahil sa paglaganap ng paglalagay ng iodine bilang sangkap ng mga pagkain, kagaya ng ‘iodized salt’, bihira na ang mga taong nagkakaron ng bosyo dahil sa kakulangan ng iodine, bagamat sa mga liblib na lugar, gaya ng mga kabundukan na malayo sa dagat, posible parin itong maging isang sanhi.

Bukod sa kakulangan ng iodine, ang pagkakaroon ng mga ‘autoimmune disorder’, o mga sakit kung saan nagkakamali ang katawan sa pagtukoy kung ano ang bahagi nito at ano ang hindi, ay isa ring sanhi ng goiter o paglaki ng thyroid. Ang mga sakit na ito ay nakakaapekto sa produksyon ng ‘hormone’ sa thyroid gland. Kung pinaparami nito ang nabubuong ‘hormone’, ang tawag sa karamdaman ay ‘hyperthyroidism’. Kung nababawasan naman ang pagbuo ng ‘hormone’, ang tawag ay ‘hypothyroidism’.