Safe bang nguyain ang gamot na tableta?

Q: Doc, safe ba na nguyain (chew) ang mga tablet na gamot? Sipon ang pinaka ayaw kong sakit kasi mapipilitan akong uminom ng tablet na gamot. Nakaka 3 – 5 tries ako bago ko malunok yung tablet, ang hirap. Then lately sinubukan kong nguyain yung decolgen, mapait pero keri naman.

A: Kung nahihirapang lumunok ng tableta, ang mas magandang paraan ay hatiin ang tableta sa dalawa o tatlong piraso tapos lunukin din ito ng gaya ng buong tableta. Ang mga tableta kasi na iniinom ay naka-disenyo para ma-absorb sa tiyan at hindi sa bibig, at maaaring maka-apekto sa bisa ng gamot kung ito’y ngunguyain sa halip na lunukin, bagamat may mga gamot na maaring umepekto parin sa nabanggit mong paraan. Isa pa, maaaring may mga kemikal na nasa gamot na nakaka-irritate o nakakasira sa dila o labi. Kaya ang mas mabuting paraan ay hatiin ang tableta at lunukin na may kasamang tubig isa-isa hanggang malunok ang kabuuan ng tableta.

Isa pang alternatibo, kung maaari, ay pag-inom ng syrup, kung may available na syrup na ganun din ang laman. Subalit, kung gagawin ito, ikonsulta muna sa doktor kung gaanong karaming syrup upang maging katumpas ng ‘dose’ ng tabletang inireseta.