Bagaman kinakailangan ng katawan ang UV para sa ilang paggana sa katawan gaya ng pagbuo ng Vitamin D sa katawan, ang sobrang UV ay tiyak na makasasama. Maaari itong makaapekto sa balat, mata, at resistensya ng katawan.
Mga Epekto ng UV sa Balat
Ang pagnanais ng mamula-mula kutis ng balat (tanning) ay karaniwan sa mga taga-Kanluran. Lingid sa kanilang kaalaman, ito ay nakasasama sa kalusugan ng balat. Ang anumang pangingitim ng balat dahil sa pagkakababad sa init ng araw ay senyales ng pagkasira ng mga cells sa balat. Ang matagal na pagkakalantad ng balat sa UV mula sa araw ay maaaring humantong sa ilang mas seryosong karamdaman sa balat gaya ng sumusunod:
- Sunburn. Ang sunburn ang pinakakaraniwang kondisyon na makukuha sa pagbababad ng matagal sa ilalim ng init ng araw. Dito’y nasusunog ang pang-ibabaw na patong ng balat, habang ang mga cells naman na nasa ilalim nito ay napipinsala. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sunburn: Kaalaman Tungkol sa Sundburn.
- Photosensitivity. Ang kondisyon ng pagiging senistibo sa sinag ng araw ay kadalasang epekto ng ilang mga gamot na iniinom gaya ng mga gamot na pangontra sa implamasyon, pain killers, antibiotic, at antidiabetic. Ang mga taong dumadanas ng ganiting kondisyon ay may mas mataas na panganib ng pagkakasunog ng balat (sunburn) o kaya’y malalang allergic reaction mula sa araw.
- Pangungulubot ng balat. Ang matagal at madalas na pagkakababad sa araw ay maaaring humantong sa mabilis na pangunulubot ng balat. Ito ay dahil sa pagkawala ng elastisidad ng balat na mas pinag-iigting ng madalas na ultraviolet rays. Basahin ang mga paraan para maiwasan ang pangungulubot ng balat: Paano maiiwasan ang pangungulubot ng balat?
- Kanser sa balat. Isa sa mga tinuturong dahilan ng pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng kanser sa balat ay ang pagkakalantad nang matagal sa UV rays ng araw. Ang sakit na ito ay maaaring makamatay kung mapapabayaan.
Mga Epekto ng UV sa Mata
Ang mata, na sensitibo sa liwanag, ay may natural na depensa laban sa mga masasamang elemento sa paligid na maaaring makapinsala sa mata. Ngunit sa kasamaang palad, ang mga depensang ito gaya ng kilay at pilik-mata, ay hindi sapat para harangin ang nakasasamang UV rays mula sa araw. Ang pagsusuot ng sunglasses ay makatutulong ng husto upang maprotektahan ang mata mula sa UV rays, ngunit kasamaang palad din, hindi lahat nakapagsusuot nito. Ang mata na madalas naaapektohan ng nakasasamang UV rays ay maaaring dumanas ng sumusunod:
- Photokeratitis at Photoconjunctivitis. Ang kondisyon ng photokeratitis ay tumutukoy sa implamasyon ng cornea sa mata, habang ang photoconjunctivitis ay tumutukoy naman sa implamasyon sa conjunctiva. Ang parehong kondisyon na ito ay maituturing na kahalintulad ng sunburn sa balat ngunit sa pagkakataong ito ay nakaaapekto naman sa mata.
- Katarata. Ang kondisyon ng katarata ay ang panlalabo ng paningin dahil sa pagkakaroon ng malaulap na harang sa lente ng mata. Sinasabing ito daw ay maaaring maranasan ng lahat ngunit mas lalong pinag-iigting ng pagkakalantad ng mata nang matagal na panahon sa UV rays mula sa araw. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na katarata: Kaalaman sa Katarata.
- Kanser sa mata. May posibilidad din na dumanas ng kanser sa mata ang taong nailalantad nang matagal ang mata sa UV rays ng araw.
Mga Epekto ng UV sa resistensya ng katawan
Ilang pag-aaral ng mga eksperto ang nagsasabing nakapagpapabago ng aktibidad ng mga cells sa katawan ang matagal na pagkakalantad sa init ng araw. Kabilang sa mga naaapektohan ay ang cells na responsable sa depensa ng katawan laban sa iba’t ibang impeksyon. Humihina din ang epekto ng bakuna dahil sa matagal na pag-tama ng UV sa katawan. Alamin ang iba pang mga dahilan ng paghina ng resistensya: Mga gawain nakakapagpahina ng resistensya.