Paano makaiwas sa pananakit ng leeg o stiff neck?

Upang maiwasan ang pananakit ng leeg, mangyari lamang na sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Panatiling tama ang pustura (posture) sa pagtindig, pag-upo at sa paghiga.
  • Regular na mag-ehersisyo.
  • Gumamit ng unan na may tamang taas kapag matutulog.
  • Siguraduhing nakahiga ng maayos na pahilata kapag matutulog. At hanggat maaari, umiwas na matulog na nakaupo
  • Iwasan ang maling paraan ng pag-upo o ang mala-kuba na posisyon.
  • Ilagay sa tamang lebel ang telebisyon o computer. Dapat ay kapantay lamang ito ng mata.
  • Siguraduhin nasa tamang ayos ang backpack na dala.
  • Isaayos din ang upuan ng kotse.
  • Kung pupulot ng mabigat na bagay mula sa sahig, balukturin ang tuhod imbes na likod.
  • Magkaroon ng sapat na pahinga
  • Umiwas sa stress

Ano ang gamot sa pananakit ng leeg o stiff neck?

Ang mga simpleng kaso ng pananakit ng leeg o stiff neck ay maaring maibsan sa pamamagitan ng ilang hakbang na madali namang gawin sa bahay lang. Narito ang ilan dito:

  • Maglagay ng cold compress o magtapal ng yelo sa bahagi na sumasakit. Maaaring itong gawin ng 2-4 na beses sa isang araw upang maiwasan ang pamamaga at patuloy na pananakit. Makakatulong din kung mamasahehin ang bahaging nananakit gamit ang yelo.
  • Magpamasahe sa lugar na masakit upang padaluyin ang dugo sa lugar na ito.
  • Kung wala na ang pamamaga, lagyan naman ng mainit o hot compress.
  • Iwasan muna ang mga gawain na maaaring makapagod sa leeg.

Bukod sa mga hakbang na ito, maaari ding inuman ng gamot ang pananakit. Maaaring uminom ng Ibuprofen, Naproxen, Aspirin at Acetaminophen. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili na over the counter sa mga butika.

Paano malaman kung may pananakit ng leeg o stiff neck?

Sa mga karaniwang kaso ng stiff neck, maaring hindi na sumangguni sa eksperto sapagkat kusa naman itong nawawala sa loob ng ilang oras o ilang araw. Ngunit kung ang nararamdamang pananakit tumitindi o tumatagal, maaaring isailalim ang leeg sa X-ray at CT Scan upang matukoy kung may problema sa buto o kalamnan sa bahagi ng leeg.

Ano ang mga sintomas ng pananakit ng leeg o stiff neck?

Ang pinakakaraniwang sintomas ng stiff neck ay ang pananakit sa leeg na maaaring may kasabay na pamamaga at pamumula. Dahil dito, hindi nakakakilos ng normal at makapag-trabaho. Sa mga seryosong kaso naman, maaaring bantayan ang sumusunod na sintomas:

  • Panghihina at pamamanhid ng mga braso at balikat
  • Tumitinding sakit sa paglipas ng oras
  • Hindi bumubuting pakiramdam
  • Pananakit ng leeg na higit na sa 2 linggo

Kung ang mga sintomas ng seryoson pananakit ng leeg ay nararanasan, mangyari lang na magpatingin agad sa doktor.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kailangan ang agarang pagpapatingin sa doktor kung ang sintomas na nararanasan ay tumagal na ng higit sa 2 linggo.  Dapat ay mabigyan ito ng agarang lunas sapagkat maaaring humantong sa permanenteng pagkaparalisa kung mapapabayaan.

 

Mga Kaalaman tungkol sa pananakit ng leeg o stiff neck

Ang pananakit ng leeg o stiff neck ay isang karaniwang kondisyon na maaaring maranasan kapag mali ang naging postura o posisyon ng ulo sa pagtulog. Dahil dito, nahihirapang igalaw ang ulo, lumingon, yumuko o kaya ay tumingala. Ang pangunahing naapektohan sa kondisyon na ito ay ang buto sa leeg at kalamnan at ligaments na nagdudugtong sa mga butong ito. Sa mga malalalang kaso, ang pananakit ng leeg ay maaaring umabot sa balikat, itaas na bahagi ng likuran, o kaya sa mga braso.

Ano ang mga karaniwang dahilan ng pananakit ng leeg?

Ang pinakakaraniwang dahilan ng stiff neck ay ang pangangawit ng mga kalamnan ng leeg o kaya naman ay muscle spasm sa bahaging ito. Ang pangangawit na ito naman ay maaaring dahil sa mga sumusunod:

  • Maling pustura habang nanonood, nagbabasa, o nagtatrabaho.
  • Pagtulog na may sobrang mataas o sobrang mababang unan.
  • Pagtulog na nakaupo at nakayuko.
  • Naka-palumbaba nang matagal
  • Sobrang trabaho at ehersisyo na nakakapagod sa ulo at leeg

Maaari ring magdulot ng pananakit ng leeg ang mga ‘di inaasahang aksidente, pagkabigla sa kilos ng leeg, nasobrahan sa pag-lingon, o pagtama ng matigas na bagay sa leeg at iba pa.

Ano ang maaaring komplikasyon ng pananakit ng leeg?

Kung ang pananakit ng leeg ay tumagal at lalong tumitindi sa paglipas ng mga oras, maaaring ito ay dulot na ng mas seryosong kondisyon. Maaaring may naipit na ugat (nerve root compression), bali o fracture sa buto sa leeg, wala sa tamang pwesto ang buto o dislocation, o kaya ay pagkasira ng disks sa buto sa leeg. Ang mga kondisyon ito ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal sapagkat kapag napabayaan, maaaring humantong ito sa permanenteng pagkaparalisa.