Lumalabas na parang sipon sa aking titi: Ano ito?

Q: Ano po b ung lumalabas na parang sipon s aking titi dahil po b ako’y my sipon sana po matulungan niyo ko.

A: Kung ikaw ay sexually active o nakipagtalik/nakikipagtalik sa sino man, babae o lalaki, maaaring ikaw ay may tulo, isang sakit na nakukuha sa pakikipag-sex o isang STD. Magpatingin kaagad sa doktor pang ito’y makompirma at mabigyan ka ng angkop na antibiotics para dito. Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang artikulong “Ano ang gamot sa tulo ng lalaki” sa Kalusugan.PH

Paano makaiwas sa Genital Warts o Kulugo?

Ang pinakaepektibong paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng kulugo sa ari ay ang pagpapaturok ng bakuna laban sa HPV. Ang bakunang Gardasil ay nakakatulong makaiwas sa ilang uri ng kulugo na dulot ng human papillomavirus. Makatutulong din ang bakunang ito sa HPV na nagdudulot ng Cervical Cancer. Nirerekomenda na mabigyan ng bakuna ang babae at lalake sa edad na 11 o 12 o bago magsimulang maging aktibo sa pakikipagtalik.

Bukod sa bakuna, epektibo din ang paraan ng “safe sex practices” o ang pakikipagtalik na gumagamit ng condom. Mas makabubuti rin kung mananatiling isa lang ang kapareha.

Ano ang gamot sa Genital Warts o Kulugo?

Kung ang kulugo ay walang idinudulot na kahit na anong pakiramdam, maaaring hindi na ito pakialaman, ngunit kung ito ay nagdudulot ng sintomas gaya ng pangangati, pagdurugo, o pananakit, nararapat lang na ito ay isailalim sa gamutan. Ang pagtanggal sa kulugo  ay maaaring sa paraang pinapahid na gamot gaya ng imiquimod, podophyllin and podofilox, at trichloroacetic acid. Ang mga gamot na ito ay dapat isagawa lamang ng eksperto sapagkat may side effects na maaaring makasama o makairita sa balat sa paligid ng kulugo.

Bukod sa gamot na pinapahid, maaari din tanggalin ang kulugo sa pamamagitan ng ilang procedure. Maaari itong palamigin at patigasin gamit ang liquid nitrogen sa pamamagitan ng cryotherapy. Pwede din itong sunugin sa pamamagitan ng kuyente o electrocautery, o kaya naman ay sunugin gamit ang laser. Puwede rin itong tanggalin sa pamamagitan ng simpleng operasyon.

Paano malaman kung may genital warts o Kulugo?

Ang pagkakaroon ng kulugo sa ari ay hindi madaling mapansin kung kaya’t nilalagyan ng acetic solution ang bahaging may umbok upang mamuti ang hinihinalaang kulugo. Matutukoy ng doktor ang kulugo gamit ang ilang lente na pang-silip. Sa mga kababaihan, nagsasagawa ng ilang eksaminasyon upang masilip ang loob na bahagi ng ari; ginagamitan ito ng speculum upang buksan at hawakan ang puwerta. Matapos ang pagsilip, kumukuha ng maliit na sample mula sa bahagi ng kulugo at susuriin sa laboratoryo kung positibo sa pagiging cancer. Mahalagang matukoy agad ang pagkakaroon ng kulugo sa ari lalo na sa mga kababaihan sapagkat may panganib na humantong ito sa sa cervical cancer.

Ano ang mga sintomas ng Genital Warts o Kulugo?

Ang mga tumutubong kulugo sa ari ang pangunahing sintomas ng sakit na ito. Sa mga kababaihan, ang kulugo ay maaaring tumubo sa puwerta (vagina), sa kuwelyo ng ari (cervix), at maging sa bungad ng ari. Sa lalaki naman, tumutubo ang kulugo sa ulo, sa katawan ng ari, o kaya naman ay sa bayag. Maaari din tumubo ang mga kulugo sa paligid o mismong butas ng puwit. Bukod pa dito, may posibilidad din na tumubo ang mga kulugo sa bibig at sa lalamunan. Ang kulugo ay maaaring maliliit na umbok at maaaring kulay abo o kulay laman. Puwede din itong bilugan o patag na maaaring tumubo na kumpol-kumpol. Kadalasan ay nakakaranas ng pangangati o kaya’y hindi kumportableng pakiramdam sa bahaging tinubuan ng kulugo. Higit sa lahat, may posibilidad din na duguin ang ari tuwing nakikipagtalik.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Maaaring magpatingin sa doktor kung ikaw o ang iyong kapareha ay tinubuan ng kulugo sa ari. Agad magpakonsulta at humingi ng payo para sa gamutan.

Mga kaalaman tungkol sa Genital Warts o Kulugo

Ang genital warts o kulugo sa ari ay isang karaniwang uri ng sexually transmitted disease (STD) na dulot ng ilang uri ng human papillomavirus (HPV). Ang kulugo ay maaaring maliit lang o kaya naman ay kasing laki ng butil ng mais o higit pa. Dahil ito nga ay isang uri ng STD, ito ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng makikipagtalik at nakaaapekto sa ari ng babae o lalaki. Ngunit bukod sa ari, ang kulugo ay maaari ring tumubo rectum o tumbong, o sa lalamunan sa pamamagitan ng anal o oral sex.

Ano ang sanhi ng genital warts?

Ang ilang uri ng HPV o human papillomavirus ang nakapagdudulot ng kulugo sa ari at nakukuha naman sa pakikipagtalik. Minsan, kayang malabanan ng immune system ang impeksyon ng HPV ngunit kung mabibigo ito, tumutubo ang kulugo.

Sino ang maaaring magkasakit ng genital warts?

Ang mga taon aktibo sa pakikipagtalik, lalo na yung may mga high risk behavior gaya ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki o mga prostitutes ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng genital warts. Ang mga kabataang nasa edad 15-25 na sinasabing pinakaaktibo sa pakikipagtalik ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kulugo sa ari.

Ano ang maaaring komplikasyon ng genital warts?

Kung ang kulugo sa ari ay mapapabayaan at hindi magagamot, may posibilidad na magkaroon ng komplikasyon na makasasama sa kalusugan. Maari itong humatong sa kanser0. Sa kababaihan, ang pagkakaroon ng cervical cancer ay sinasabing dulot ng komplikasyon ng genital warts. Sa mga nagbubuntis naman, maaaring mahirapan sa panganganak o kaya’y makaapekto sa isisilang sa sanggol.

 

Paano makaiwas sa tulo o gonnorhea?

May ilang hakbang na dapat sundin upang maiwasan na mahawa sa tulo o gonorrhea. Narito ang ilang hakbang:

  • Paggamit ng condom sa pakikipagtalik. Bagaman hindi 100% na siguradong maka-iiwas sa sakit kung gagamit ng condom, ito pa rin ang pinakaligtas na paraan upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng sakit kung makikipagtalik.
  • Pag-iwas sa pakikipagtalik. Ang pag-iwas sa pakikipagtalik ang pinakamainam na paraan para maiwasan na magkaroon ng sakit na tulo.
  • Tiyaking malinis ang kapareha mula sa impeksyon ng sakit. Bago makipagtalik, siguraduhing walang sakit na nakakahawa ang kapareha. Kung maaari, hilingin sa kapareha na magpa-suri muna sa doktor.
  • Huwag makipagtalik sa taong may sintomas ng sakit. Kung nakikitaan ng mga sintomas ang kapareha, umiwas nang makipagtalik para hindi mahawa.
  • Umiwas sa pakikipagtalik sa mga prostitutes. Dahil hindi makatitiyak kung sino ang mga naging kapareha ng binayaran sa pakikipagtalik, may posibilidad na mayroong impeksyon ng mga STD ito. Hangga’t maaari, umiwas nang makipagtalik dito.

Ano ang gamot sa tulo o gonorrhea?

Antibiotiko o antibiotics ang solusyon sa sakit na tulo. Maaaring bigyan ng ceftriaxone na isang gamot na tinuturok at sinasabayan pa ng azithromycin o doxycycline na mga gamot na iniinom. Kinakailangang ipatingin sa doktor kung anong uri ng antibiotiko at gaanong kadami at gaanong kadalas (dose and frequency) ng gamutan. Kung mayroon kang tulo o gonorrhea, malamang ay mayroon din ang iyong asawa o sexual partner kaya dapat siya ay ipatingin at gamutin rin. Ang tulo o gonorrhea ay maaaring may kasama ding iba pang STDs, lalo nasa mga taong may high risk behavior gaya nang pakikipagtalik sa mga prostitute, pakikipagtalik sa kapwa lalaki, at iba pa. Kapag kabilang ka dito, magandang magpasuri rin sa doktor sa ibang mga STDs gaya ng chlamydia at HIV/AIDS.

Paano malaman kung may tulo o gonorrhea?

May ilang eksaminasyon ang isinasagawa upang matukoy ang pagkakaroon ng tulo o gonorrhea. Maaaring magsagawa ng urinalysis upang matukoy kung may presensya ng bacteria sa daluyan ng ihi o kaya sa puwerta ng babae. Kung ang impeksyon ay nagaganap naman sa ibang bahagi ng katawan gaya ng lalamunan o tumbong, maaaring kumuha ng sample mula dito sa pamamagitan ng swabbing at saka susuriin sa laboratoryo kung positibo sa bacteria.

 

Ano ang mga sintomas ng tulo o gonorrhea?

Ang sakit na tulo o gonorrhea ay kadalasang walang pinapakitang sintomas o senyales, ngunit kung meron man, ito nakikita o nararanasan sa ari. Bukod pa rito, maaari ding lumabas ang mga sintomas sa iba pang bahagi ng katawan. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Mahapding pag-ihi
  • Tumutulong nana mula sa ari
  • Pamamaga ng bayag sa mga kalalakihan
  • Madalas vaginal discharge na maaaring may amoy
  • Pagdurugo ng ari
  • Pananakit ng tiyan at puson

Bukod sa ari, maaari ding makaapekto sa ibang bahagi ng katawan ang mga sintomas ng gonorrhea, gaya ng:

  • Tumbong o Rectum: Nagkakaroon ng pangangati sa butas ng puwit at maaaring labasan ng mga nana.
  • Mata: Mahapding mata at madaling masilaw. Maaari ding may lumabas na nana mula sa mata.
  • Lalamunan: Makakaranas ng sore throat at pamamaga ng kulani sa bandang leeg.
  • Kasu-kasuan: Makakaranas ng pananakit sa mga kasi-kasuan kung magkaka-impeksyon din sa lugar na ito.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kadalasan ay nahihiya ang taong nakakaranas ng mga sintomas ng tulo kung kaya’t mas pipiliin niyang mag-self medicate. Ngunit dapat tandaan na hindi dapat mahiyang lumapit sa doktor sa kahit na anong kondisyong nararanasan sapagkat ang mga doktor ay may prinipsyo ng “confidentiality“. Agad na magpatingin kung sakaling mahirapan sa pag-ihi o kaya’y may lumalabas na nana sa pag-ihi. Kinakailangang magamot kaaagad ang impeksyon bago pa ito magdulot ng komplikasyon.