Anong epekto ng STD sa nakapartner sa sex?

Q: ano pala ang epekto pag hindi naagapan ang std at inabot na ito ng ilang taon at ano rin ang epekto sa mahahawaan nito pag nakipagtalik?

A: Sa una mong tanong, ay sagot ko ay: depende kung anong klase ng STD ang iyong tinutukoy. May mga uri ng STD na wala namang pangmatagalang epekto. Subalit mayroon ding mga STD gaya ng syphilis na kung hindi nagamot ay mmagdudulot ng mas malalang sakit. Halimbawa, kung ikaw ay nahawahan ng syphilis, may tatlong ‘stage’ ng sakit na ito. Una, magkakaron lamang ng isang parang-galos na kusang nawawala. Minsan, hindi man lang napapansin ng mga tao na nagkaron pala sila nito. Hanggang, makalipas ang ilang buwan, magkakaron sila ng secondary syphilis kung saan magkakaron ng parang tigdas o bulutong na mga rashes at sugat sa buong katawan, na may kasamang mga kulani, lagnat, sugat-sugat sa bibig at sa puwit, at iba pa. At kung ito’y hindi parin nagamot sapagkat kusa rin itong mawawala, pwede pang magkaron ng mas malala na ‘tertiary syphilis’ na apektado na pati puso, utak, mga buto-buto, at iba pa. Ito’y nakamamatay.

Isa pang halimbawa ang HIV/AIDS. Sa una, ang sintomas lang nito ay mala-trangkasong karamdaman mga ilang linggo o buwan pagkatapos mahawahan nito. Subalit makalipas ang ilang taon, biglang babagsak ang ‘immune system’ ng katawan at magkakaron ng kung ano-anong sakit, hanggang sa tuluyan ng bumigay ang immune system at magkaron ka ng kung ano-anong mga sakit na nakamamatay – kung ito’y hindi maagapan. Muli, ang mala-trangkasong karamdaman na unang tanda ng HIV/AIDS ay maaaring hindi mapansin.

Dahil dito, ang payo talaga ay maging maingat, umiwas o di kaya gumamit ng proteksyon sa pakikipagtalik.

Kung ikaw ay hindi sigurado sa pagkakaroon mo ng STD noong nakaraan, pwede kang magpa-test sa ospital o sa mga laboratoryo para i-check kung malinis ang iyong record. Sabihin lamang sa nais mong magpa-test sa STD, na kalimitan ay mayroon na silang ‘package’ para i-test ang lahat ng mga karaniwang STD. Kung may dahilan ka na isiping maaaring may STD ka, mahalagang ipa-test mo rin ang iyong kapartner sa sex sapagkat maaaring siya ay nahawahan mo rin.

Ang STD ay hindi dapat iwasan na paksa, sapagkat tulad ng pakikipagtalik na bahagi ng buhay ng tao, hindi rin maiwasan na ang mga STD ay isang karanasan sa nakakarami. Maging matapat sa iyong asawa o partner sa mga issue na ito, na magandang harapin ninyo ng magkasama. Lahat ng tao ay nagkakamali. Ngunit mas mabuti na yung umiiwas sa sakit, gaya dapat gumamit ng proteksyon at umiwas sa pakikipag-sex sa kung sino-sino.