Malakas ang hilik ng baby: Anong gagawin?

Q: Good day doc, ask ko lang po sana yung baby q po 3years old pag tulog po xa ang lakas po ng hilik nya. Dati po nung una po mahina lang tpos napansin ko po mahigit two weeks na rin malakas na yung hilik nya. Kahit ayusin ko ung ulo nya (pwesto nya) maya maya mg hihilik nnman sya..pls paki sgot po ng tanung ko.

A: Ang paghilik ay pangkaraniwan sa mga bata. Ayon sa ilang pag-aaral, sa 100 na bata, 15 ay humihilik sa pagtulog. Sa kabila nito, magandang suriin kung ano ang sanhi ng paghilik. Isang posibilidad ay ang pagkakaron ng isang kondisyon na tinatawag na ‘sleep apnea’, kung saan sandaliang tumitigil sa paghinga ng isang tao habang natutulog. Ito ang mga sintomas ng sleep apnea sa mga bata:

  • Malakas na paghilik
  • Parang napuputol ang paghinga ng bata habang natutulog
  • Hindi pulido ang paggalaw ng dibdib sa paghinga
  • Nakabuka ang bibig
  • Malikot ang pagtulog ng bata
  • Matamlay at parang pagod ang bata kapag gising
  • Hindi mukhang masigla ang bata
  • Kung magpatuloy na malakas ang paghilik ng anak mo at mayroon siyang posibleng sintomas ng ‘sleep apnea’, magpatingin sa pediatrician o iba pang doktor upang masuri siya ng mabuti at magabayan kayo kung ano ang mga maaaring gawin.

Paghihilik sa isang bata: Normal lang ba?

Q: Kapag bata po ba, normal lang ang malakas maghilik? 4 years old na po siya.

A: Ang paghihilik ay hindi normal, subalit hindi lahat ng paghihilik ay kailangang gamutin. Sa maraming kaso, ito’y panandalian lamang at lilipas rin. Subalit, para sa mga bata, ang paghihilik ay maaaring isang sintomas ng isang mas malalang problema kaya ng ‘sleep apnea’.

Ang sleep apnea ay isang seryoso kondisyon kung saan panandaliang hindi bumuka ang mga lagusan ng hangin sa baga at lalamunan, at dahil dito, hindi nakakapasok ang hangin sa baga. Dahil dito, ang bata ay nagigising upang makahinga. Mabilis nangyayari ang mga ito at hindi nararamdaman ng bata at maaaring hindi ma-obserbahan ng mga magulang. Minsan, ang tanging sintomas lamang ay ang paghihilik.

Dahil ang sleep apnea ay nakaka-apekto sa paglaki ng bata at sa pag-aaral at pagkakatuto ng mga bagay sa eskwelahan, rekomendado ko na ipatingin ang inyong anak kung patuloy siyang naghihilik, para lang sigurado tayo na hindi ito sintomas ng sleep apnea.

Naghihilik habang natutulog: Anong dapat gawin?

Q: ang asawa ko po ay nghihilik pag natutulog, anu po ang dapat gawin para maiwasan po ito, at nakakaapekto po ba ito sa kalagayan niya ngayon ng hi blood?

Ang paghihilik sa pagtulog ay maaaring epekto ng hindi maayos na posisyon ng panga; bara sa daluyan ng hangin sa ilong, taba na naipon sa lalamunan; maaari rin itong sintomas ng tinatawag ng ‘sleep apnea’, isang problema sa paghinga habang natutulog.

Bagamat hindi pa klaro sa ngayon kung paano ito nangyayari, ang paghilik ng malakas ay napag-alamang may kaugnayan sa pagkakaron ng atake sa puso at stroke, sa siya ring mga komplikasyon ng ‘high blood’ o hypertension. Pero, marami rin namang mga tao na normal lang sa kanila ang pag-hilik.

May ilang simpleng stratehiya upang maiwasan ang paghilik, gaya ng pagtulog ng patagilid, pag-iwas sa paninigarilyo, at pagbabawas ng timbang. May mga gamot rin para dito, ngunit pinapayo kong magpatingin muna sa doktor bago subukan ang mga ito, upang masuri rin kung ano nga bang sanhi ng paghilik.