Ano po ba ang pampaputi na sabon para sa 1 year old na baby?
Para sa akin, hindi magandang uminom o gumamit ng pampaputi ang mga bata. Una sa lahat, ang kanilang mga katawan ay maselan kaya hangga’t maaari yung kelangang gamot lang ang dapat ibigay sa kanila. Pangalwa, ang kulay ng balat ay nakadepende, una, sa genetics (nasa dugo); kung anong balat ng mga magulang, malamang yun din ang mamamana ng anak; at pangalwa, sa pamumuhay: kung ikaw ay palaging nakabilad sa araw, mas magiging maitim ka. Pangatlo, walang katiyakan ang pagiging epektibo sa pagpapaputi ng karamihan (kung hindi lahat) ng produkto ngayon na nangangako na puputi ang sinumang gagamit nito. Panghuli at marahil ay pinakamahalaga, ang pagiging mas maputi ay hindi dapat maging ambisyon ng sinuman, lalo na ang mga bata. Ang kagandahan ay wala sa kulay!
Bawal ba ang whitening soap, lotion, o pills sa buntis?
Lahat ng mga buntis ay dapat maging maingit sa anumang mga kemikal na pinapahid sa katawan o iinom na gamot o supplement. Wala namang nababalitang whitening soap o lotion na nakakasama sa pagbubuntis, subalit nakadepende parin ito sa partikular na sabon at lotion at mga sangkap ng mga ito.
Bawal ba ang glutathione o iba pang whitening pills sa buntis o sa nagpapasuso?
Sa kawalan ng pag-aaral na naisagawa na nagsasabing may epekto ang glutathione sa pagbubuntis – positibo man o negatibo – para sa akin mas mabuti na ring umiwas sa mga pills na hindi naman talaga kailangan. Bagamat ang glutathione mismo ay hindi naiugnay sa anumang masamang epekto sa buntis, ang mga pills na may glutathione ay maaaring may iba pang sangkap na maaaring may ibang epekto.