Kahalagahan ng SunBlock at Wastong Paggamit Nito

Ang sunblock o sunscreen ay ang produkto na ginagamit sa balat upang maiwasan ang sunburn, pangungulubot ng balat, at mga kaakibat nitong komplikasyon gaya ng kanser sa balat. Ito ay maaaring lotion, spray, gel o iba pang anyo na pinapahid sa balat. Taglay ng produktong ito ang ilang mga sangkap na may kakayahang pumigil sa ultraviolet (UV) radiation na siyang nagdudulot ng iba’t ibang hindi kanais-nais na epekto.

Banana-Boat-Sun-Screen-Lotion-Products

Ano ang dapat tandaan sa pagpili ng sunblock?

May ilang mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagpili ng sunblock. Mahalagang malaman ang mga ito upang masulit at magamit ng husto ang mga benepsyong makukuha sa produktong ito.

1. Piliin ang uri ng sunblock na nararapat para sa aktibidad.

May ilang mga sunblock na may nakasaad na waterproof o water resistant, at ito ay nababagay sa mga konsumer na magbabakasyon sa beach o sa mga mag-eehersisyo sa labas gaya ng pagjojogging at sobrang magpawis.

2. Gamitin ang sunblock na hindi bababa sa 30 SPF.

Ang Sun Protection Factor o SPF ay ang sukatan kung gaano kalakas at gaano katagal ang bisa ng proteksyon mula sa sikat ng araw. Kung lalabas at matatagalan ang susunod na paglalagay ng sunblock, mas makabubuti ang paggamit ng may mataas na SPF. Ang rekomendadong taas ng SPF na dapat gamitin ay 30.

3. Ikonsidera ang mga sangkap ng sunblock.

Basahin ang label ng produkto at tignan ang mga sangkap nito. Tandaan na may ilang sangkap na kemikal gaya ng Mexoryl SX, Mexoryl XL at Parsol 1789 ang may kakayahang harangin ang UV upang hindi ito makarating sa balat. Ang zinc oxide at titanium dioxide naman ay may kakayanang i-deflect o patalbugin ang UV upang hindi rin pumasok sa balat. Alamin din kung ito ay mayroong sangkap na makapagdudulot ng iritasyon o allergy sa balat.

4. Piliin ang sunblock na nararapat para sa uri ng balat.

May mga sunblock din na naiiba-iba depende sa uri ng balat. Mayroong nararapat para sa balat ng matanda, sa balat ng bata, o sa balat ng mukha. Tiyakin itong mabuti bago bilhin upang maiwasan ang hndi kaaya-ayang epekto.

Paano ang wastong paggamit ng sunblock?

Ang paglalagay ng sunblock sa balat ay dapat isaalang-alang lalo na sa panahon ng tag-init o summer. Ngunit mayroong wastong hakbang sa paggamit nito para makuha nang husto ang benepisyo ng produktong ito.

1. Gamitin ang sunblock na nararapat sa balat. Tiyakin na ang gagamiting sunblock ay bagay para sa aktibidad na gagawin, may mahusay at aktibong sangkap, SPF na hindi bababa sa 30, at naaayon sa uri ng balat.

2. Ipahid sa bahagi ng balat na masisinagan ng araw. Tiyakin ding mapapahiran ng husto ang lahat ng balat na nakalabas gaya ng mukha, braso, hita, balikat, likod, batok at likuran ng tenga.

3. Hintaying masipsip ng balat ang sunblock. Maghintay ng 15 minuto hanggang 30 minuto bago lumabas at magbilad sa araw. Maaari pa ring masunog ang balat at mas madali rin itong mawala kung kikilos na agad nang hindi pa tuluyang nahihigop ng balat ang sunblock.

4. Magpahid ulit pagkalipas ng ilang oras. Ang epekto ng sunblock ay kadalasang nawawala na matapos ang 2 oras kaya mabuting maglagay ulit pagsapit nito. Dagdagan din ang sunblock pagkatapos ng paglalangoy o sobrang pagpapawis.

Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Nunal

Ang nunal, o naevi sa terminong medikal, ay ang itim o kulay tsokolate na marka na tumutubo sa balat ng kahit anong bahagi ng katawan. Ang pagkakaroon ng nunal ay maaaring mula pa sa kapanganakan, o kaya nama’y umusbong habang tumatanda. Habang tumatagal, ang nunal ay maaaring magbago. Maaring ito ay lumaki, umumbok, o magbago ang kulay. Kadalasan ay may buhok na tumutubo dito, at minsan maaari ding mawala sa paglipas ng panahon.

Ano ang sanhi ng pagkakaroon ng nunal?

Ang nunal ay nabubuo kapag ang mga cells ng balat, o melanocytes, ay nagkumpolkumpol sa halip na kumalat. Ang melanin na matatagpuan sa melanocytes ang nagbibigay kulay sa balat, kaya’t sa pagkukumpol na ito, lumalabas ang maitim na nunal.

Ano ang meron sa nunal na tinutubuan ng buhok?

Gaya rin ng ibang bahagi ng balat, ang nunal ay maaring magkaroon ng hair follicle kung kaya’t tinutubuan din ito ng buhok. Ito ay normal at walang dapat ikabahala.

Paano malalaman kung ang nunal ay isang kanser?

Bagama’t ang karamihan sa mga nunal ay hindi naman maaaring makapagdulot ng kaser, mayroon pa ring posibilidad na humantong sa kanser ang ilang nunal. Ang nunal na nagiging kanser ay malaki at naiiba ang hitsura kaysa sa normal na nunal at  kadalasang umuusbong lamang sa pagkalampas ng edad na 30. Kung ang nunal ay biglaang nagbago sa hugis, kulay at sukat, mas makabubuting ipatingin ito sa doktor upang masuri kung ito ay kanser. Maaari ring makitaan ng pagdurugo, pangangati at pananakit ang nunal na nakakakanser. Tinatawag na melanoma ang nunal na kanser.

Ano ang dapat gawin kung ang nunal ay nakaka-kanser?

Ang nunan na pinagsususpetsahan na may kanser ay kadalasang inaalis sa pamamagitan ng operasyon o surgery, o kaya naman ay sinusunog o cauterisation. Ngunit bago ito gawin, kailangan munang makatiyak kung ang nunal nga ay isang kanser. Maaari itong suriin sa pamamagitan ng biopsy. Mangyari lamang na magpakonsulta sa isang dermatologist ukol dito.

Ligtas bang ipatanggal ang nunal?

Bukod sa impeksyon, allergy sa anestisya, o kaya’t pinsala sa nerve cells, wala nang iba pang nakakabahalang komplikasyon ang maaaring makuha sa pagpapatanggal ng nunal. Kinakailangan lamang lumapit sa respitadong doktor upang makatiyak na ligtas ang isasagawang pagpapatanggal sa nunal. Ang dapat mo lang ikabahala ay ang maaaring pagkakaroon ng peklat sa sugat na makukuha mula sa isinagawang operasyon.