Ano ang mabisang gamot sa sipon?
Sa ngayon, walang gamot na umaatake mismo sa mga virus na nagiging sanhi ng sipon. Dahil ang mga virus na ito ay nawawala ng kusa, uminom ka man ng gamot o hindi, hindi rekomendado ang pag-inom ng gamot para lamang sa sipon.
Subalit kung lubos na nakakasagabal ang sipon, may mga over-the-counter drugs (gamot na maaaring mabili ng walang reseta) na pwedeng uminom para makatulong sa sipon, gaya ng mga decongestant (halimbawa, ang gamot na pseudoephedrine). Para sa iba, ang mga antihistamine ay maaari ding makatulong. Subalit tandaan na ang mga ito ay hindi lahat epektibo sa lahat ng tao, at temporaryo lamang ang bisa.
Kung ang sipon ay isa lamang sa mga sintomas na nararamdaman, at may kasamang lagnat, ubo, at iba pa, maaaring hindi virus kundi bacteria ang sanhi ng sipon. Sa kasong ito, kinakailangang ipatingin sa doktor at maaaring mabigyan ng antibiotics, bagamat pwede paring virus ang sanhi nito. Karamihan ng trangkaso ay dulot ng virus
Epektibo ba ang vitamins para sa sipon?
May ibang pag-aaral na nagsasabing ang pag-inom ng Zinc ay nakakatulong na mapabilis ang paggaling ng sipon. Ang Vitamin C ay isang bitamina na sinasabing nakakatulong din laban sa sipon subalit sa kasalukuhan, mahina ang ebidensya para dito. Subalit, dahil wala namang side effect ang pag-inom ng multivitamins, maaari mo itong inumin para makatulong na gumaling ka sa sipon. Piliin ang multivitamins na may kasamang Zinc, Vitamin C, at Vitamin B complex na maaaring makatulong sa immune system.
Anong mga halamang gamot para sa sipon?
Ang mga halamang gamot para sa ubo, gaya ng oregano at lagundi, ay maaari ding gamitin para sa sipon. Ilaga ang mga ito at inumin. Iwasang dagdagan ng asukal; kung kinakailangan, kaunti lang, o gumamit ng honey.
Bukod sa gamot, ano pang pwedeng gawin para mawala ang sipon?
Ang pag-inom ng mga soup (sopas), kabilang na dito ang mga soup na maanghang, ay ‘nakakatunaw’ ng sipon at nakakarelyebo sa sipon at sa pakiramdam na pagiging masikip ang ilong at lalamunan – para itong natural na ‘decongestant’. Ang pag-inom ng tsaa, kagaya ng ‘green tea’ ay maaari ding makatulong.