Kaalaman sa Gamot na Phenylephrine-Chlorphenamine (Neozep)

Generic name: Phenylephrine-Chlorphenamine (Phenylephrine + Chlorphenamine)

Brand name: Bronchofen, Decolgen, Disudrin, Neozep

Para saan ang gamot na ito?

Ang Phenylephrine-Chlorphenamine ay kombinasyon ng gamot na antihistamine at decongestant na mabisa para sa mga kondisyon ng pagbabara sa ilong at sinus, gayundin ang mga sintomas na kaakibat nito gaya ng pagluluha at pagbahing. Ito ang inirereseta para sa mga karamdaman na nakaapekto sa ilong gaya ng sipon, sinusitis, allergic rhinitis at iba pa.

Anu-ano ang preparasyon ng gamot na Phenylephrine-Chlorphenamine?

Ang gamot na ito ay karaniwang nakahanda bilang tableta, nangunguyang tableta, kapsula, at likidong nakabote.

Paano ito ginagamit?

Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor upang mas maging epektibo.

  • Ang Phenylephrine-Chlorphenamine ay maaring inumin ng may laman ang tiyan o kaya’y walang laman.
  • Ituloy lang ang pag-inom ng gamot sa buong haba ng panahon na inireseta ng doktor. Iwasang lumaktaw ng pag-inom at huwag titigil kahit pa bumuti na ang pakiramdam.
  • Kung sakaling makalimutan ang pag-inom, agad na inumin ang gamot sa oras na maalala. Ngunit kung malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.
  • Huwag din lalampas sa itinakdang haba ng panahon ng pag-inom ng gamot. Itigil kaagad ang pag-inom kung hindi bumubuti ang pakiramdam matapos ang 5-7 na araw ng pag-inom at magtungo sa doktor upang matignan.
  • Itago sa katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata. Para sa mga likidong gamot, itago sa loob ng refrigerator. Agad ding itapon ang napasong gamot.

Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng Phenylephrine-Chlorphenamine?

Bago resetahan ng gamot, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:

  • allergy sa kahit na anong sangkap ng Phenylephrine-Chlorphenamine
  • sakit sa atay at bato
  • buntis, nagpaplano na mag-buntis, o nagpapasuso
  • kung mabagal, mabilis o iregular ang tibok ng puso
  • may matinding hika at kondisyon sa baga
  • karamdaman sa puso at altapresyon
  • karamdaman sa daluyan ng pagkain gaya ng ulcer
  • problema sa pag-ihi at paglaki ng prostata
  • hyperthyroidism
  • diabetes
  • glaucoma
  • umiinom ng iba pang gamot na over-the-counter, at mga supplements

Gamitin lamang ang phenylephrine-chlorphenamine nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Iwasan ang sobrang pag-inom ng paracetamol sapagkat maaaring magdulot ng seryosong epekto ang pag-overdose ng gamot na ito.

Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.

Makabubuti rin ang pagkonsulta muna sa doktor bago ang pag-inom ng ibang gamot para sa ubo, sipon, lagnat o pananakit ng katawan na mabibiling over-the-counter kasabay ng phenylephrine-chlorphenamine. Huwag din basta-basat ibabahagi ang gamot sa iba kahit pa nakararanas ng kaparehong sintomas ng sakit.

Ang pag-inom ng gamot na ito ay maaaring makapagpatindi ng epekto ng araw sa balat at magdulot ng pagkasunog o sunburn. Umiwas muna sa araw sa buong haba ng pag-inom ng gamot na ito.

Paano ang pag-inom nito sa mga bata?

Ang pag-inom ng phenylephrine-chlorphenamine sa mga kabataan ay nangangailangan ng masusing gabay mula sa doktor lalo na sa mga mas bata sa 2 taon. Huwag basta-basta magbibigay ng gamot nang hindi kumukunsulta sa doktor o pediatrician.

May side effects ba ang gamot na Phenylephrine-Chlorphenamine?

Bagaman ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na phenylephrine-chlorphenamine ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng pag-inom nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga side effect. Narito ang ilan sa mga karaniwang epekto ng pag-inom ng phenylephrine-chlorphenamine.

  • pagpapantal, hirap sa pag-hinga, at pamamaga ng katawan na sintomas ng allergy
  • pagtatae o pagtitibi
  • pagkahilo at pagkaantok
  • pananakit ng ulo
  • pagsusuka at pagliliyo
  • panghihina
  • paghapdi ng tiyan

Kung mapasobra ang inom ng gamot na ito, maaaring makaranas ng mas matinding epekto gaya ng sumusunod:

  • Hirap sa pag-ihi
  • iregular na pagtibok ng puso
  • paninikip ng dibdib
  • matinding sakit ng ulo
  • panginginig ng kalamnan

Sa oras na maranasan ang mga side effects na nabanggit, agad na itigil ang paggagamot at kumonsulta agad sa doktor.

Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-inom ng Phenylephrine-Chlorphenamine?

Ang mga nabanggit na side effects ay maaaring maranasan sa oras na mapasobra ang pag-inom ng gamot. Agad na magpatingin sa doktor kung naoverdose ng gamot at nakakaranas ng mga epekto na nabanggit.

Paano malaman kung may sipon?

Ang pagkakaroon ng sipon ay madaling natutukoy at kadalasa’y wala nang pagsusuri o eksaminasyon na isinagagawa. Subalit kung ang mga sintomas na nararanasan ay tumatagal o kaya’y hindi gumagaling, makabubuting magpatingin na sa doktor sapagkat maaaring ito ay sintomas na ng iba pang sakit.

Ano ang mga sintomas ng sipon?

Ang pagkakaroon ng sipon ay may ilang sintomas na kilalang kilala ng lahat sa atin. Nararamdaman ito 2 hanggang 3 araw mula nang mapasok ng virus ang katawan. Ang mga kilalang sintomas ay ang sumusunod:

  • Sore throat. Sa pag-uumpisa ng sipon, unang nararanasan ng taong apektado nito ay ang pananakit ng lalamunan o kayay pamamaga ng likurang bahagi ng ngalangala.
  • Tumutulong sipon o runny nose. Ang sore throat ay kadalasang sinusundan ng matubig na sipon na patuloy na tumutulo mula sa ilong. Sa paglipas ng mga araw, ang sipon na ito ay kumakapal at maaaring bumara sa ilong.
  • Madaling kapaguran. Dahil aktibo ang mga depensa ng katawan sa pakikipaglaban sa virus na nakapasok sa katawan, ang apektado ng ng sipon ay madaling mapagod.
  • Madalas na pagbahing.
  • Ubo.

Paano kung ang sintomas ay may kasamang lagnat?

Kung ang mga sintomas na nararanasan ay sinabayan pa ng lagnat, maaaring ito ay trangkaso na. Ang trangkaso o flu ay may kaparehong sintomas ng sa sipon, ngunit ito ay sinasabayan ng lagnat. Ang mga virus na nagdudulot lamang ng sipon ay walang kakayanang makapagdulot ng lagnat.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagkakaroon ng sipon ay karaniwan at kusang nawawala kahit na walang gamutan, kaya’t kadalasan ay hindi na nangangailangan ng atensyon mula sa doktor. Ngunit kung ang mga sintomas ay hindi mawala o lumampas na ng 2 linggo, maaaring ito ay indikasyon na ng iba pang sakit. Ang mga ito ay kailangan nang ikonsulta sa doktor.

Mga Kaalaman Tungkol sa Sipon

the_common_coldAng sipon, o sa Ingles ay common cold, ay isa sa mga pinakakaraniwang sakit ng tao na nakakaapekto sa itaas na bahagi ng hingahan (upper respiratory tract) na binubuo ng ilong at lalamunan. Ito ay dulot ng impeksyon ng cold virus na tumutukoy sa ilang uri ng virus kabilang ang rhinovirus, coronavirus, respiratory syncytial virus (RSV), at marami pang iba. Ang pinakalaganap at tinuturong pangunahing dahilan ng sipon ay ang rhinovirus. Sa ngayon ay walang gamot para sa sipon; ito ay kusang gumagaling sa paglipas ng panahon.

Bakit nagkakaroon ng sipon?

Ang mga virus na nagdudulot ng sipon ay maaaring makuha sa ilang pamamaraan, una ay sa hangin na maaaring nahaluan ng talsik mula sa bahing ng taong may sipon, at ikalawa ay mula sa mga bagay na kontaminado na maaaring nahawakan din ng taong may sipon. Kapag ang mga virus na ito ay nakapasok sa katawan, maaaring sa bibig o kaya ay sa ilong, gagawa ng aksyon ang depensa ng katawan (immune sytem) para labanan ang virus. Ang aksyong ito ng katawan ang nagdudulot ng pamamaga ng ilong at lalamunan, at kinalaunan, ay ang pagkakaroon ng mucus o sipon.  Ngunit bukod sa virus, may ilang allergens gaya ng pollen mula sa halaman at alikabok sa hangin ay maaaring makapgdulot din ng kaparehong reaksyon. Ang sipon na dulot ng allergens ay isang allergic reaction na kung tawagin ay Allergic Rhinitis.

Sino ang maaaring maapektohan ng sipon?

Ang sipon ay karaniwang sakit at maaari maapekto sa lahat ng tao, sa kahit na anong edad at kasarian. Ngunit pinakamataas ang kaso nito sa mga kabataan na wala pang sapat na immunity para sa mga virus na nagdudulot ng sipon. Pinakamataas din ang kaso ng sipon sa panahon ng taglamig o tag-ulan kung kailan mas nananatili ang mga myembro ng pamilya o kasambahay sa loob ng bahay. Ang pagsasamasama ng mga tao ay isang mahusay na oportunidad para sa mga virus na kumalat at makapagdulot ng sipon.

Totoo bang maaaring magkasipon kung maulanan?

Hindi ito totoo. Hindi ka magkakasipon nang dahil lang sa nabasa ka ng ulan. Tulad ng nabanggit sa itaas, mas mataas lamang ang mga kaso ng sipon sa panahon ng tag-ulan at taglamig sapagkat nagsasama-sama ang mga tao at nagkakasalamuha sa isa’t isa. Mas mataaas ang posibilidad na magkahawaan kapag sama-sama ang mga tao.

Pamahiing Pangkalusugan: Magkakasipon Kapag Naulanan

Madalas nating naririnig, “wag kang magpapaulan, magkakasipon ka!” o kaya naman, “naulanan ka ba? dali, maligo ka at baka magkasipon ka.” Lagi nilang sinasabi, na maaari daw magkasipon kapag naulanan ang ulo o kaya’y nagpatuyo ng ulan sa katawan. Ngunit ang tanong, may koneksyong nga ba ang pagkakabasa sa ulan at ang pagkakaroon ng sipon?

Unang-una, dapat nating alalahanin na ang sipon ay isang karaniwang sakit na dulot ng ilang uri ng virus na mas kilala bilang COLD virus. Sa oras na makapasok at makalampas sa lahat ng uri ng depensa ng immune system ng katawan ang COLD virus, tiyak ang pagkakaroon ng sipon. Ang mga pangunahing sintomas na mararanasan sa pagkakaroon ng sipon ay pananakit at pangangati ng lalamunan at ngalangala, sunod-sunod na pagbahing, pagtulo ng malapot na likido sa ilong, pagbabara sa ilong, pananakit ng ulo, at pagluluha ng mga mata. Matapos ang ilang araw ng pagkakaroon ng sipon, ang virus ay maaaring dumami sa katawan at maaaring sumama sa talsik ng laway kasabay ng pagbahing o kaya ay pag-ubo. At dahil dito, ang sipon ay nakakahawa.

Ngayon, ano ang koneksyon ng ulan sa COLD virus? Sa katunayan, ang sagot ay wala.

Hindi ka magkakasipon sa simpleng pagkakabasa lamang sa ulan, o kahit pa matuyuan ka nito sa katawan. Ang COLD virus ay hindi nagmumula sa ulan. Ngunit huwag kaliligtaan na dahil sa ulan, mas tumataas ang posibilidad na magkahawaan ng sipon. Paano ito nangyari? Tandaan na kapag umuulan, ang mga tao ay mas madalas na nananatili lamang sa loob ng bahay, kung kaya’t ang hangin na nalalanghap ng isa ay siya ring nalalanghap ng iba. Sa paraang ito, nagkakaroon ng oportunidad ang COLD virus na pumasok sa katawan ng bawat miyembro ng pamilya o kasambahay. At kapag nagkataon na mababa ang resistensya ng isa, magsisimula na ang pagkakaroon ng sipon.

Sa huli, makakatulong pa rin na makaiwas sa pagkakaroon ng sipon kung pananatilihing malinis ang katawan at malakas ang resistensya.

Paano makaiwas sa sore throat?

Narito ang ilang paraan na makakatulong makaiwas sa mga sakit na maaaring magdulot ng sore throat:

  • Ugaliing maghugas ng kamay, lalo na kung may kasambahay na maysakit. Ito ang pinakamabuting paraan ng pag-iwas.
  • Uminom ng maraming tubig o “fluids” para maiwasan ang dehydration
  • iwasan ang usok. Takpan ang ilong palagi kung mausok.
  • Huwag manigarilyo at umiwas sa usok ng sigarilyo.
  • Iwasan ang mga taong may sakit (hal. sipon o sore throat). Magtakip ng bibig kapag nakikipag-usap kung ikaw o ang kausap ay may sore throat.
  • Iwasan ang paggamit ng kubyertos, baso, twalya, at iba pang personal na gamit ng iba.
  • Umubo at suminga sa tissue at itapon pagkatapos. Iwasang gumamit ng panyo.

Ano ang gamot sa Sore Throat?

Ang gamutan sa sore throat ay nakadepende sa kung anong klaseng impeksyon ang naganap. Kung ang sanhi ay virus, kadalasa’y hinahayaan lang sapagkat kusang bubuti ang pakiramdam kahit walang gamot. Ngunit kung ito ay isang bacterial infection, makatutulong ang pag-inom ng antibiotics.

Para naman maibsan ang sintomas na nararanasan, maaaring sundin ang sumusunod na hakbang:

  • Magpahinga at uminom ng maraming “fluids” (juice, tubig, hindi masyadong matapang na tsaa na may honey at lemon o kalamansi.
  • Kumain ng malalambot na pagkain at iwasan ang maaalat.
  • Madalas na magmumog ng tubig na nilagyan ng asin (1 kutsarita ng asin sa 2 cups na tubig)
  • Itigil ang paninigarilyo at iwasan ang usok ng sigarilyo galing sa ibang tao.
  • Kung kailanganin sa sakit at paglalagnat, uminom ng aspirin o acetaminophen. Huwag bigyan o painumin ng aspirin kung mas bata sa 20 taong gulang.
  • Pwedeng makatulong ang “throat lozenges” tulad ng Strepsils. Huwag bigyan ang mga mas bata pa sa 5 taong gulang.
  • Ipahinga ang boses para maiwasan ang pagkairita ng lalamunan.

Ano ang mga sintomas ng Sore Throat?

Kung bunga ng karaniwang sipon:

  • Pagbahing
  • Pagluluha
  • Ubo
  • Sinat
  • Kaunting pananakit ng ulo o katawan

Kung bunga ng trangkaso:

  • Panghihina
  • Pananakit ng katawan at kasu-kasuan
  • Panginginig
  • Pagpapawis
  • Mataas na lagnat

 

Mga Kaalaman Tungkol sa Sore Throat

Masakit ba o makati ang lalamunan mo? Nahihirapan ka bang lumunok? Maaaring may sore throat ka! Ang sore throat o pamamaga ng lalamunan ay hindi isang sakit – isa lamang itong senyales ng iba pang sakit na nagdudulot nito. Maaaring ito ay impeksyon na dulot ng virus o bacteria.

Ano ang sanhi ng sore throat?

Ang sore throat ay maaaring dulot ng virus o bacterial. Kung ito ay viral infection, ang sore throat ay maaaring dulot ng:

  • ang pinakakaraniwang sanhi ay Sipon,
  • laryngitis o impeksyon sa larynx
  • beke o mumps
  • trangkaso o flu

Ang mga sakit ang sanhi ay bacterial infectio na nakapagdudulot ng sore throat ay ang sumusunod:

  • Strepthroat
  • Tonsilitis
  • Epiglotitis o impeksyon sa epiglottis
  • Minsan, pati ang ilang sakit na nakukuha sa paraang sekswal gaya ng gonorrhea at chlamydia

Ang sore throat ay maaari ding dulot ng allergy o sugat na dulot ng pagkakatusok.

Paano makaiwas sa sipon?

Paano ako makakaiwas sa sipon?

Dahil ang sipon ay dala ng mga virus na mas madaling makapagdulot sa sakit kapag mababa ang immune system ng katawan, ang tanging paraan para maiwasan ang pagkakaron ng sipon ay ang pagpapalakas ng immune system. Kabilang na dito ang mga sumusunod:

  • Pagkain ng masustansya
  • Pag-inom ng maraming tubig lalo na kung sobrang init o sobrang lamig ng panahon
  • Regular na pag-eehersisyo
  • Pag-iwas sa mga bisyo gaya ng paglalasing at paninigarilyo
  • Pag-uugaling maghugas ng kamay bago kumain
  • Pag-iwas sa palaging paghawak sa ilong at mata

Nakakatulong ba ang mga vitamins para makaiwas sa sipon?

Sa ngayon, mahina ang ebidensya na nakakatulong na makaiwas ang multivitamins o iba’t ibang bitamina gaya ng Vitamin C at Zinc para makaiwas sa sipon. Ngunit tulad ng nabanggit, marring makatulong ang mga ito na mabasan ang sipon o mapabilis ang paggaling.