Makakaiwas sa hadhad kung pananatilihing malinis ang katawan at malinis, tuyo, at maaliwalas ang kasuotan. Iwasan din ang paggamit ng tuwalya ng ibang tao. Huwag magsuot ng masyadong mahigpit na damit para makasingaw ang init sa katawan.
Ano ang gamot sa hadhad o jock itch?
Dahil ang sanhi ng hadhad ay fungus, ang mga antifungal cream gaya ng Ketaconazole o Terbinafine ay epektibo dito. Ang mga cream na ito ay ipinapahid sa apektadong bahagi sa loob ng lima hangang sampung araw. Dahil ang hadhad ay lumalaganap sa mabanas at basang bahagi ng katawan, iwasan ang mga sitwasyong ito. Panatilihing malinis, tuyo at maaliwalas ang singit sa pamamagitan ng paliligo araw-araw (at pagkatapos ng trabaho), madalas na pagpapalit ng damit at pagsusuot ng maluwag na damit (maaaring mag-boxer shorts muna kaysa brief, para sa mga kalalakihan)
Gaanong katagal bago gumaling ang hadhad?
Sa wastong gamutan gamit ang antifungal cream, ilang araw lamang ay makakakita na ng pagbabago, at maguumpisa ng mawala ang hadhad. Maaaring abutin ng 1-2 linggo bago tuluyang mawala ang hadhad. Kung ito’y hindi parin gumagaling sa kabila nang pag-gamit ng cream, magpakonsulta sa dermatologist o sinumang doktor upang mabigyan ng karagdagang gamot o iba pang solusyon sa iyong karamdaman.
Paano malaman kung may hadhad o jock itch?
Kadalasan, ang hadhad ay maaaring matukoy sa simpleng pag-oobserba lamang sa mga sintomas ng nito na madali namang mapapansin. Maaari din naman suriin ng dermatologist ang mga natuklap na balat at tignan ito sa ilalim ng microscope upang makasiguro sa pagkakaroon ng hadhad.
Ano ang mga sintomas ng hadhad o jock itch?
Ang taong maroong hadhad ay maaaring makaranas ng sumusunod na sintomas:
- Matinding pangangati, at paghapdi ng bahagi ng singit.
- Pangangapal, bilog-bilog at tila malalaking pantal sa singit
- Pamumula ng bahagi ng balat sa singit, hita at puwit.
- Pagtuklap, pagbitak-bitak at pagkakaliskis ng apektadong balat
Kung mapabayaan, maaaring lumawak ang bahagi ng balat na apektado ng hadhad, at maaaring kumalat sa hita at likuran. Kapansin-pansin ang pagitan ng apektadong bahagi sa ‘di apektadong bahagi, dahil sa pamumula o pangingitim ng apektadong bahagi.
Mga kaalaman tungkol sa hadhad o jock itch
Ang hadhad, o jock itch sa Ingles, ay isang sakit sa balat na matatagpuan sa singit at karaniwang nararanasan ng mga kabataang mayroong aktibong pamumuhay gaya ng paglalaro ng sports at mga iba pang larong pisikal. Ang indibidwal na may hadhad ay nakararanas ng matinding pangangati sa bahagi ng singit.Kung mapapabayaan, ito ay maaaring kumalat sa ari, sa hita at hanggang sa puwit at likurang bahagi.
Ano ang mga sanhi ng hadhad?
Ang hadhad ay isang impeksyon sa balat ng singit na dulot ng fungi na nakukuha sa maduming kasuotan at kapaligiran. Dahil katangian ng mga fungi na mamayagpag sa mga lugar na mamasamasa at manit-init, gaya ng singit kung pagpapawisan, ang mga taong aktibo sa sports at iba pang laro na kadalasa’y nagpapawis ang madalas na nagkakaroon nito. Kaya nga Jock Itch ang tawag dito sa Ingles. Ang hadhad ay nakakahawa at maaaring maipasa kung direktang madidikit sa apektadong bahagi ng katawan, o kaya nama’y sa paggamit ng damit, kumot o tuwalya na nagamit na ng taong may hadhad.