Generic name: sildenafil, sildenafil citrate
Brand name: Andros, Kohagra, Neo-Up, Reevive, RiteMED Sildenafil, Sildora, Tigerfil, Viagra, Zilden
Para saan ang gamot na ito?
Ang gamot na sildenafil ay mabisa para mapa-relax ang mga kalamnan at pagbutihin ang pag-agos ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ngunit ito ay mas karaniwang inirereseta upang patigasin ang ari ng mga lalaki sa panahon na nakararanas ng erectile dysfunction. Minsan pa, inirereseta rin ito para gamutin ang pagtaas ng presyon ng dugo sa ugat na patungong baga (pulmonary artery).
Anu-ano ang preparasyon ng gamot na Sildenafil?
Ang gamot na viagra ay maaaring nakahanda bilang tableta, pulbos na tinitimpla, o gamot na tinuturok.
Paano ito ginagamit?
Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor.
- Ang gamot na viagra ay maaaring inumin kasabay ng pagkain o kaya’y walang kasabay na pagkain. Hindi makabubuti kung isasabay sa pagkaing mataba.
- Kailangan itong inumin 1 oras o 30 minuto bago magtalik.
- Ito ay iniinom lamang kung kinakailangan.
- Itago sa refrigerator o sa lugar na may katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata. Agad ding itapon ang napasong gamot.
Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng Sildenafil?
Bago resetahan ng gamot, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:
- allergy sa sildenafil
- problema sa puso at sa ritmo ng pagtibok nito
- sakit na altapresyon o mababang presyon ng dugo
- problema sa atay at bato
- ulcer sa sikmura
- kasaysayan ng atake sa puso o stroke
- kung naggagamot para sa pananakit ng dibdib (angina)
- umiinom ng iba pang gamot na mabibiling over-the-counter
Hindi makabubuti ang pag-inom ng alak, o grapefruit juice kasabay ng pag-inom ng viagra. Makabubuting iwasan ito.
Gamitin lamang ang viagra nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.
Paano ang pag-inom nito sa mga bata?
Ang pag-inom ng gamot na ito ay hindi rekomendado sa mga kabataan. Ito ay sapagkat, mataas ang panganib nito sa kalusugan ng mga kabataan. Bagaman maaari pa rin itong ireseta para sa ilang kasong pangkalusugan. Makabubuting magabayan ng doktor o pediatrician ang pag-inom nito sa mga bata.
May side effects ba ang gamot na Sildenafil?
Bagaman ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na sildenafil ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng pag-inom nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga side effect. Narito ang ilan sa mga karaniwang epekto ng pag-inom ng sildenafil.
- pagpapantal, hirap sa pag-hinga, at pamamaga ng katawan na sintomas ng allergy
- pagtatae
- pagkahilo at pananakit ng ulo
- pananakit ng mga kalamnan
- hirap sa pagtulog
- pagsusuka at pagliliyo
- pananakit ng dibdib
- lagnat
- pamamanhid ng ilang bahagi ng katawan
- problema sa paningin
- problema sa pandinig
- iregular na pagtibok ng puso
Sa oras na maranasan ang mga side effects na nabanggit, agad na itigil ang paggagamot at kumonsulta agad sa doktor.
Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-inom ng Sildenafil?
Ang mga nabanggit na side effects ay maaaring maranasan sa oras na mapasobra ang pag-inom ng gamot. Agad na magpatingin sa doktor kung naoverdose ng gamot at nakakaranas ng mga epekto na nabanggit.