10 Dahilan para Itigil ang Paninigarilyo

Matagal nang nakikiusap ang maraming alagad ng medisina na itigil na ang paninigarilyo pagkat wala itong mabuting naidudulot sa katawan. Sa katunayan, isa ito sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng mga nakamamatay na sakit tulad ng kanser, sakit sa puso, karamdaman sa baga at paglala pa ng iba pang mga sakit.

Basahin ang mga paraan ng pagtigil sa paninigarilyo: Paano matitigil ang paninigarilyo?

Bagaman alam naman ng karamihan na ang isang pirasong sigarilyo ay siksik sa napakaraming uri ng nakalalasong kemikal, tila nahihirapan pa ring ihinto ng isang taong “adik sa yosi” ang kaniyang paninigarilyo. Upang madagdagan ang kaalaman at mas makumbinsing itigil na ang paninigarilyo, narito ang 10 rason na dapat ikonsidera sa pagdedesisyon.

1. Mabahong amoy sa katawan

Ang usok na lumalabas sa sigarilyo, gayun din ang usok na binubuga ng taong naninigarilyo, ay mayroong mabahong amoy na maaaring kumapit sa katawan ng tao. Ito ay hindi basta-bastang naalis ng simpleng paghuhugas o paglalagay ng pabango sa katawan sapagkat ang mga kemikal na taglay ng sigarilyo ay sadiyang makapit lalo na sa mga kasuotan ng nagsisigarilyo. Sino ba naman ang magnanais na makisalamuha sa taong mabaho ang amoy dahil sa sigarilyo?

2. Mabilis na pagtanda ng katawan

Ang paninigarilyo ay isang mahusay na paraan ng pagpapapasok ng mga free radical o mga kemikal na sumisira sa mga cells at nagpapabilis sa proseso ng pagtanda ng isang tao. Bilang resulta, madaling kumukulubot at humihina ang bawat cells sa katawan at mas napapadali din ang buhay.

3. Kawalan ng gana sa pakikipagtalik

Ang paninigarilyo din ay nakaaapekto sa gana ng pakikipagtalik ng parehong lalaki at babae. Sa mga lalaki, maaaring makaranas ng pananamlay sa kanyang ari (erectile dysfunction) at sa mga kababaihan naman ay nababawasan ang pamamasa (vaginal dryness) sa kaniyang puwerta.

4. Mas madaling pagkakahawa ng sakit

Isa sa mga pangunahing sanhi ng paghina ng resistensiya ng katawan ay ang paninigarilyo. Nababawasan kasi nang husto ang bilang ng mga cells na panlaban at depensa ng katawan laban sa mga impeksyon ng bacteria sa tuwing humihithit ng sigarilyo. At dahil dito, mas madaling mahahawaan ng sakit.

5. Madaling pagkapagod

Kapansinpansin sa mga taong malakas manigarilyo ang mas madaling pagkapagod o pagkakaroon ng mababang stamina sa tuwing nagtatrabaho, nag-eehersisyo, o gumagawa ng matitinding gawain. Mas madali silang hinihingal at mabilis ding mapagod ang mga kalamnan.

6. Mas mataas na posibilidad ng kanser

Isa rin sa mga tinuturong dahilan ng pagkakaroon ng kanser sa katawan, partikular na ang kanser sa baga, ay ang matagal na panahon ng paninigarilyo. Ang mga kemikal mula sa usok ng sigarilyo ay makaaapekto paglago at pagkilos ng mga cells sa katawan at maaring magdulot ng abnormalidad dito na hahantong sa sakit na kanser.

7. Malalalang sakit sa iba’t ibang bahagi ng katawan

Hindi na bago sa pandinig ang iba’t ibang mga sakit na naiuugnay sa matagal na panahon ng paninigarilyo. Kabilang dito ang mga nakamamatay nasakit sa puso, stroke, emphysema, COPD, at iba pa. Maaari ding palalain ng sigarilyo ang mga sakit gaya ng diabetes at altapresyon.

8. Paninilaw ng ngipin at mabahong hininga

Ang kemikal na tar mula sa usok ng sigarilyo ay maaring kumapit sa mga ngipin at magdulot ng pangungulay dito. Mangingitim din ang mga gilagid at mga labi dahil pa rin sa usok na hinihithit. Bukod pa rito, kumakapit din ang amoy ng mabahong usok bibig kung kaya’t bumabaho din ang hininga.

9. Kasamaan sa kalusugan ng pinagbubuntis

Masama ang epekto ng paninigarilyo lalo na sa mga nagbubuntis. Naapektohan kasi nito ang bata sa sinapupunan at maaring magdulot ng mga karamdaman sa kapanganakan o congenital disease.

10. Kasamaan sa kalusugan ng mga tao sa paligid

Ang usok na lumalabas sa dulot ng sigarilyo o sidestream smoke ay makasasama sa sinumang makalalanghap nito. Ang mga pamilya, mga kaibgan, kasamahan sa bahay at iba pang taong nakakasalamuha ay maaaring magkasakit dahil dito.

Paano matitigil ang paninigarilyo?

Ang paninigarilyo na tumutukoy sa paghithit ng sinusunog na dahon ng tabako ay bahagi na ng buhay ng tao magmula pa noong mga panahon na dinidiskubre pa lamang ang Pilipinas. Bagaman hindi na bago sa pandinig na ang paninigarilyo ay tiyak na makakasama sa kalusugan, at maaari pang maiugnay sa ilang mga malulubhang sakit sa baga, tila nahihirapan talaga ang mga indibidwal na umiwas sa ganitong gawain lalo na kung ito’y nakasanayan na.

Ang hirap sa pag-iwas sa paninigarilyo ay maaaring isisi sa substansyang taglay ng mga sigarilyo. Ang nikotina o nicotine ay isang kemikal na maaaring makuha sa bawat paghithit sa sigarilyo, at sadiyang nakahuhumaling at hahanaphanapin sa oras na makaabot sa utak. Sa madaling salita, ito ay nakaka-adik.

Kaya naman ang tanong ngayon, paano makakaiwas sa paninigarilyo at paano malalabanan ang adiksyon sa nikotina? Ating alamin ngayon sa Kalusugan.Ph

sigarilyo

Paano matitigil ang paninigarilyo?

1. Disiplina at sariling sikap.

Ang pundasyon ng pagtigil sa paninigarilyo ay nagsisimula sa sariling sikap at disiplina sa sarili. Walang ibang tao na higit na makatutulong sa pagtigil sa paninigarilyo kundi ang mismong sarili. Kailangang maging desidido sa pagtigil nito at pagtiyagaan ang mahaba at mahirap na proseso.

2. Paghingi ng payo sa eksperto.

May ilang bagay na makatutulong upang maisakatuparan ang pagtigil sa paninigarilyo. Isa na dito ang paghingi ng payo sa mga eksperto tulad ng mga councilor, doktor, therapist, at mga taong napagdaanan na ang kaparehong karanasan.

3. Therapy para labanan ang adiksyon sa nikotina.

Dahil ang pagbitiw sa paninigarilyo ay hindi basta-basta dahil sa pagkahumaling sa nikotina, maaaring kailanganing sumailalim din sa mga therapy na tutulong para malabanan ang adiksyon na ito. Mayroong mga nicotine patch, nicotine gum, o nicotine lozenge na nagbibigay ng tamang dami ng nikotina na pupuno sa kagustuhan ng utak sa substansyang ito. Unti-unting binabawasan ang dami ng nikotina hanggang sa tuluyan nang mawala sa pagnanais ng utak dito.

Dapat alalahanin na maaaring dumanas ng withdrawal syndrome kung bibiglain ang pagtigil sa paninigarilyo nang hindi kinokontrol ang pagnanais ng utak sa nikotina.

4. Paggamit ng mga gamot na makatutulong sa pagtigil sa paninigarilyo.

May ilang gamot na maaaring ireseta ang doktor upang mabawasan ang pagnanais sa paghithit ng sigarilyo. Ang mga gamot na Bupropion HCL at Varenicline Tartrate ay nakatutulong pamamagitan ng pagharang sa kaligayahan na maaaring maramdaman sa utak kapag paninigarilyo.

5. Suporta mula sa taong nakapaligid.

Siyempre pa, ang tagumpay ng pagtigil sa paninigarilyo nakasalalay din sa suportang ibibigay ng mga taong nakapaligid sa taong nagnanais na tumigil sa paniigarilyo.

 

Tips para matagumpay na matigil ang paninigarilyo

1. Alamin kung anu-ano ang mga bagay na nakapagpapasimula o triggers ng paninigarilyo.

Mahalaga na malaman ang lahat ng bagay na nakapaghihikayaat sa sarili na manigarilyo. Ito’y upang maiwasan ang mga ito ay hindi na matukso na muling manigarilyo.

2. Magtiyaga at panindigan ang pagtigil sa paninigarilyo

Muli at muli, disipilina ang pangunahing kailangan upang mapagtagumpayan ang pagtigil sa paninigarilyo, ngunit kakailanganin din ang mahabang pasensya at pagkakaroon ng paninidigan sapagkat ang proseso sa pagtigil sa paninigarilyo ay mahaba at mahirap.

3. Huwag magpapatalo sa pagnanais na manigarilyo.

Huwag hahayaan ang sarili na matukso ng mga “triggers” na nakapagpapasimula ng paghithit ng sigarilyo. Labanan ang tukso.

4. Ibaling ang oras sa ibang mga gawain.

Ibaling ang oras sa ibang mga aktibidades gaya ng sports, pagbabasa ng libro at iba pang mga libanangan upang makalimutan na ang pagnanais sa paninigarilyo.

5. Laging ipaalala sa sarili ang dahilan ng pagtigil sa paninigarilyo.

Bigyan ng motibasyon ang sarili sa pagtigil sa paninigarilyo, at lagi itong ipapaalala sa sarili nang sa gayon ay mas lalong lumakas ang loob at maging determinado sa pagtigil sa paninigarilyo.

6. Alalahanin ang masasamang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo.

Laging iisipin at matakot sa mga sakit at kondisyon na maaaring idulot ng patuloy na paninigarilyo. Isipin din ang kalusugan ng mga mahal sa buhay na maaaring nakalalanghap ng usok na ito.

Insomnia o hindi matulog pagkatapos tumigil magyosi

Q: 2months ko ng tinigil ang sigarilyo ng biglaan,, ngayon lalong tumindi ang insomia ko may kaugnayan po ba yun?

A: Maaaring may kaugnayan, sapagkat ang insomnia, o hindi makatulog, ay isa sa mga karaniwang nararanasan ng mga taong tumigil manigarilyo. Subalit, ang good news ay ang sintomas na ito ay mawawala rin ng kusa. Bilang isang doktor, ako ay sumusuporta sa iyong desisyon na tigilan ang pagyoyosi at sana ito ay ituloy mo.

Heto ang ilan as mga pwede mong gawin upang mas makatulog:

  • Huwag uminom ng alak, sapagkat ito’y nakaka-apekto sa pagtulog.
  • Iwasan ang pag-inom ng kape, matatapang na tsaa, at mga energy drink gaya ng Red Bull o Cobra lalo na kapag gabi na.
  • Mag-exercise. Kung ikaw ay nagtatrabaho, ang pag-jogging o isang workout pagkatapos ng trabaho, bago kumain ng hapunan, ay isang mabisang paraan upang mas makatulong ng mahimbing.

Muli, tingin ko ay bigyan mo lamang ng ilang linggo pa, at kusa nang mawawala ang iyong pagiging hirap matulog.