Pwede bang makipag-sex o makipagtalik habang buntis? May epekto ba ito sa bata?
Oo, ligtas ang pakikipagsex o pakikipagtalik habang nagbubuntis, basta nakakatiyak ka na normal ang daloy ng pagbubuntis. Hindi nakakapagpalaglag o nakakapagpa-agas ng sanggol ang pakikipagtalik, at hindi rin ito nakakasama sa sanggol na nasa loob ng bahay-bata.
Kung ang ka-talik mo ay nakikipagtalik rin sa iba, dapat siyang gumamit ng condom para hindi ka mahawa ng sexually-transmitted diseases (STD). Ang mga STD ay nakakasama sa pagbubuntis at maaari ring makasama sa sanggol.
Maaari bang mapaumpisahan ng pagputok ng semilya o orgasm ang panganganak?
Batay sa mga pag-aaral, hindi nakakpagpaumpisa, o hindi nagdudulot sa napaagang panganganak (premature labor) ang pakikipag-sex, kahit na magkaroon pa ng orgasm. Subalit gaya ng kasagutan sa susunod na tanong, may mga sitwasyon na dapat iwasan ang sex habang buntis.
May mga sitwasyon ba na dapat iwasan ang sex habang buntis?
Kapag may probabilidad na mapaaga ang panganganak (preterm labor), kapag dinudugo o may lumalabas na dugo o anumang likido mula sa pwerta, at kung ang kwelyo (cervix) ay napaaga ang pagbubukas (premature dilatation of the cervix), dapat iwasan muna ang pakikipagtalik. Ang mga kundisyong ito ay maaaring sabihin ng iyong OB-GYN o doktor, at maaaring maging batayan dito ang ultrasound o internal examination (IE).
Pagkatapos manganak, kalian maaaring bumalik sa pakikipagtalik?
Normal man o Caesarian section ang paraan ng kapanganakan, kailangan makapahinga muna ang mga sex organs ng babae. Ang karaniwang rekomendasyon nga mga doktor ay maghintay muna ng 4-6 linggo bago makipagtalik muli.
Ang pagpapasuso ay nakakapagbigay ng natural na contraception; pinipigilan nito ang pagbubuntis ngunit hindi ito perpekto. Kapag nagsimula na ulit sa pakikipagtalik, dapat gumagamit na kaagad ng condom o anumang uri ng epektibong contraception para makaiwas sa panibagong pagbubuntis.