Ano ang gamot sa pangangati ng itlog ng lalaki?

Q: ano ang gamot sa pangangati sa itlog at singit sa ari ng lalaki yung hindi herbal

A: Ang pangangati sa bayag ng lalaki (scrotal itch) ay isang karaniwang kondisyon ang gamot dito ay nakapdepende sa sanhi. Ang dalawang kadalasang sanhi ng pangangati ng ilog ay isang fungal infection gaya ng hadhad, o isang allergy. Ang maselang bahagi ng katawan ng lalaki ay sensitibo sa pagbabago sa temperatura at dahil ito’y madalas ding nababasa, ito’y isang lugar kung saan pwedeng tumubo ang mga fungus, na syang sanhi ng hadhad o jock itch, na sya namang pwede ring dumapo sa itlog, hindi lang sa singit. Kung allergy nanman, ito’y iritasyon sa tela o kemikal.

Narito ang ilang mga hakbang na pwedeng gawin upang maiwasan ang pangangati:

  • 1. Huwag kamutin ang apektadong lugar, sapagkat lalong lalala ang pangangati kung ito’y kakamutin. OO, ALAM KO NA MAHIRAP PIGILAN NA MAGKAMOT pero dapat talagang iwasan.
  • 2. Panatilihing tuyo ang lugar at huwag magsuot ng masikip na brief para ‘mahakinga’ naman ang iyong mga maselang bahagi.
  • 3. Iwasang magpahid ng kung ano-anong cream, lotion, o powder sa itlog sapagkat baka ang mga kemikal na sangkap sa mga ito ang sanhi ng iritasyon ng balat. Iwasan ding ahitin ang bulbol o pubic hair sapagkat ang pag-aahit ay pwede ring magsanhi ng iritasyon.
  • 4. Gumamit lamang ng mild soap sa paliligo, at siguraduhing maligo pagkatapos magtrabaho o mag-exercise. Huwag hayaang mabasa ang bayag at singit.
  • 5. Tingnan ang artikulong “Hadhad: Sanhi, Sintomas, Gamot” sa Kalusugan.PH. Kung ikaw ay may hadhad, gumamit ng angkop ng cream (Terbinafine o Ketaconazole) upang masupil ang fungi na may dala nito.
  • 6. Kung hindi parin nawawala ang pangangati at kung may iba pang sintomas bukod dito, magpatingin na sa doktor.

Ano ang gamot sa pangangati ng bayag?

Q: Good afternoon po tanong ko po ano po kayang mabisang gamot sa bayag na nagtutuklap tuklap at kinakati salamat po

A: Ang pangangati ng bayag o ‘scrotal itch’ ay isang problema na maraming kalalakihan ay hinaharap. Pati ba ang singit ay damay din sa pangangati, pamumula, at panunuklap ng balat? Kung oo, isa sa posibilidad ay ang pagkakaroon ng hadhad, isang impeksyon na dulot ng fungi. Tingnan ang kasugtan sa tanong na “Ano ang maaaring gamot sa hadhad?” sa Kalusugan.PH para sa kaalaman tungkol sa hadhad.

Kung sa bayag lang talaga ang pangangati, marahil, ‘allergy’ o pagkakaron ng iritasyon sa balat ang sanhi ng pangangati. Narito ang ilang mga payo’t hakbang na pwedeng gawin bilang lunas:

1. Magsuot ng boxers imbes na brief. Ang pagiging maaliwalas at pagkakaron ng hangin sa ‘bandang ibaba’ ay nakakatulong na masupil ang anumang impeksyon na nagiging sanhi ng pangangati.

2. Tubig lang muna ang ipanghugas. Iwasan ang paggamit ng sabon, pabango, o anumang pinapahid sa bayag, ari, o singit, sapagkat maaaring isang sangkap sa alin man sa mga ito ang nakaka-irita sa balat ng bayag o scrotum. Alam kong ito’y hindi madaling paniwalaan para sa iba, sapagkat kapag tayo’y may pagbabago sa balat, gaya ng sugat o pantal, ang ating inisyal na reaksyon ay ang paggamit ng sabon, alcohol, o iba pang pwedeng ipahid. Subalit kung makati ang bayag, baka makasama pa ang mga ito. Kaya tubig lang muna ang ipanghugas, at tingnan kung magkakaron ng pagbabago.

3. Huwag hayaang pagpawisan ang bayag. Maligo agad pagkatapos ng paglalaro ng sports o anumang aktibidades na pagpapawisan.

4. Maligo ng dalawang beses kada araw.

5. Iwasan ang pag-aahit ng bulbol o pubic hair, at ang paggamit ng shaving cream o iba pang pinapahid sa bayag.

6. Kung hindi pa gumagana ang mga ito, magpahid ng over-the-counter na hydrocortisone cream, dalawang beses isang araw, sa loob ng isang linggo at tingnan kung magkakaron ng pagbabago.

7. Kung hindi parin mawala ang mga sintomas ng pangangati at iba pa, magpatingin sa dermatologist o iba pang doktor upang ma-examine ang iyong balat at mabigyan ka ng kaukulang gamot para dito.