Ang pagiging malusog at masigla ng bawat indibidwal ay nakasalalay sa mga pagkaing kinakain niya sa araw-araw. Sa pagkain kasi nagmumula ang nutrisyong kinakailangan ng katawan upang gumana nang maayos, manatiling malakas, at malayo sa sakit. Mula sa pagiging sanggol hanggang sa pagtanda, ang pangangailangan sa mahahalagang nutrisyon ay hindi nawawala, bagaman ito ay nag-iiba-iba depende sa antas ng buhay ng tao. Halimbawa, ang mga lumalaking bata ay nangangailangan ng mas maraming protina at calcium para matulungan ang kanilang lumalagong kalamnan at mga buto; ang mga matatanda naman na karaniwang humihina na ang mga buto ay may mataas naman na pangangailangan sa calcium upang maiwasan ang pagrupok ng mga buto.
Sa kabilang banda, ang mga bagong silang na sanggol ay may sarili ring pangangailangan na dapat matugunan ng kanilang mga magulang. Alamin sa Kalusugan.PH ang mga nutrisyon na tutugon sa pangangailangan ng mga sanggol sa kanilang paglaki at pagpapatibay ng kanilang resistensya.
Ano ang mga sustansyang kinakailangan ng sanggol?
Ang nutrisyon na kinakailangan ng mga sanggol ay nakasentro sa kanyang paglaki, pagpapalakas ng resistensya, pagpapatibay ng mga buto, at pagkakaroon ng sapat na enerhiya.
- Carbohydrates. Ito ang pangunahing pinagmumulan ng enerhiya na kailangan ng bata sa pagkilos sa bawat araw.
- Protina. Ito naman ang tumutulong sa paglago ng mga kalamnan ng mga lumalaking sanggol;
- Fiber. Ito ang tumutulong sa maayos na pagdaloy ng mga pagkain sa tiyan at bituka;
- Lipids. Ito ay tumutulong sa mas maayos na pagsipsip ng ilang mga mahahalagang bitamina sa katawan.
- Vitamin D. Upang mas maging matibay ang mga malalambot na buto ng sanggol.
- Vitamin A. Mas malinaw na mata ang hatid ng bitaminang ito sa sanggol.
- Vitamin C. Mahalaga ang vitamin c sa pagmementena ng mga connective tissue ng malalambot na katawan ng bata.
- Vitamin B. Ang pagbuo ng mga bagong cells at tissue sa katawan ay tinutulungan ng vitamin B.
- Calcium. Ito ang mineral na kinakailangan ng mga buto upang maging matibay.
- Iron. Mahalaga ang iron sa mas maayos na pagdaloy ng dugo sa katawan ng bata.
- Fluoride. Lalong mahalaga ang fluoride sa oras na magsimulang tumubo ang mga ngipin ng sanggol.
- Tubig. Ang maayos na pagsipsip ng karamihan sa mga sustansyang kailangan ng katawan ay natutulungan ng tubig.
Paano ang tamang pagpapakain sa mga bagong silang na sanggol?
Ang nutrisyon ng sanggol sa unang 6 na buwan karaniwang nakukuha sa gatas ng ina. Kaya naman talagang napakahalaga ang pagpapasuso o breast feeding. Bukod sa mga sustansya at mineral na makukuha gatas ng ina, puno din ito ng mahalagang resistensya na lalaban maraming mga sakit. Matapos ang unang anim na buwan, saka pa lamang maaaring bigyan ng ibang pagkain ang sanggol. Narito ang tamang paraaan ng pagpapakain sa mga sanggol:
- Ituloy pa rin ang pagpapasuso sa sanggol mula pagsilang hanggang umabot pa sa 2 taon ang bata.
- Bigyan lamang ng pagkain ang sanggol kung kinakailangan. Huwag pupwersahing pakainin ang sanggol upang maiwasan ang pagsusuka.
- Panatilihing malinis ang mga kagamitang ginagamit sa preparasyon ng pagkain.
- Simulang pakainin ang sanggol pagsapit ng ika-6 na buwan. Simulan sa kakaunting pagkain lamang, at dagdagan kasabay ng pagtanda ng bata.
- Pakainin ng 2-3 beses sa isang araw ang mga sanggol na 6-8 buwan, at 3-4 na beses naman sa mga batang 9-23 buwan.
- Kung hindi sapat ang pagpapakain, tiyaking binibigyan formula milk na siksik sa mga nutrisyon na kailangan ng sanggol.
- Kung may karamdaman ang sanggol, dagdagan ang pagpapainom ng tubig o pagpapasuso. Palitan din muna ng malalambot na pagkain ang kinakain.
Ano ang mga pagkain na maaaring ibigay sa baby?
Ang mga pagkaing maaaring ibigay sa mga sanggol ay kailangang siksik sa mga sustansya na kailangan niya sa kanyang paglaki. Ito rin ay naiiba-iba kasabay ng pagtanda ng bata.
Unang 6 na buwan.
Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagpapasuso lamang sa mga sanggol sa unang 6 na buwan. Bukod sa mga sustansya at mineral na kailangan ng sanggol, ang gatas ng ina ay mayaman din sa mga resistensyang lalaban sa mga sakit.
Ika-6 na buwan
Maaring bigyan ng mga pagkaing mayaman sa fiber ang sanggol sa pagpasok niya sa ika-6 na buwan. Maaring bigyan ng cereal na tinunaw sa gatas o tubig.
Ika-7 hanggang 8 buwan
Ang sanggol na nasa ika-7 hanggang 8 buwan ay maaari nang simulang pakainin ng mga dinurog na prutas (mansanans, saging, abukado), gulay (karot, patatas, kalabasa), at maliliit na piraso ng karne ng manok o isda ang sanggol. Tiyakin lamang na malinis at sariwa ang mga pagkain.
Ika-8 hanggang 10 buwan
Maaari nang bigyan ng mga prutas at gulay ang sanggol na nasa ganitong buwan. Hindi na rin kailangang durugin pa. Dapat lamang tiyakin na ang mga prutas at gulay ay malambot at kaya niyang mangunguya. Maari ding bigyan ng pula ng itlog, keso, malambot na pasta, at cerial.
Ika-10 hanggang 12 buwan
Sa pagsapit ng ika-10 hanggang sa unang taon ng sanggol, maaari nang pakainin ng karamihan sa mga pagkaing kinakain natin basta’t kaya niya itong manguya. Iwasan lamang ang mga maliliit at matitigas na butil maaaring makabilaok sa sanggol.