Paano makaiwas sa Sakit sa Puso?

Ang sakit sa puso, gaya ng maraming karamdaman s ating katawan, ay produkto ng iba’t ibang bagay, gaya ng pagkakamana mula sa mga magulang (genetic), pamumuhay (lifestyle)

  • Regular na pag-eensayo o exercise
  • Pag-iwas sa mga matatabang pagkain
  • Pag-iwas sa paninigarilyo
  • Regular na check-up sa doktor upang maagapan kung may maguumpisa mang sakit

Anong gagawin kung may nararamdaman sa puso?

Magpatingin sa doktor, banggitin sa kanya ang lahat ng naramramdaman. Huwag kaagad isipin na “sa puso” ang sakit sapagkat maraming ibang kondisyon na pwedeng mag-sanhi ng mga sintomas na ating nabanggit kanina. Maging maagap sa pagpapatingin, at maging masipag sa mga hakbang upang makaiwas sa sakit sa puso.

Ano ang gamot sa Sakit sa Puso?

Ang gamot sa mga sakit sa puso ay nakadepende sa partikular na sakit. Maaari itong kombinasyon ng gamutan, pagbabago sa pagkain (iwas sa mga maaalat at matataba), at rekomendasyon na mag-exercise. Minsan, maaaring irekomenda ang isang operasyon. May mga bagong teknolohiya na ngayon na hindi kailangang hiwain ang dibdib upang ayusin ang ilang problema sa puso gaya ng pagbabara. Makipag-ugnayan sa inyong doktor kung alin ang pinaka-mabuting lunas.

Paano malaman kung may Sakit sa Puso?

Ito ay nakadepende sa pagsusuri ng inyong doktor, ngunit para sa inyong kaalaman, ito ay mga maiklang paliwanag tungkol sa mga eksaminasyon na kalimitang ginagawa:

1. ECG (Electrocardiogram) – Sinusukat ang napaka-hinang kuryente na dumadaloy sa puso; ang kuryenteng ito ay importanteng paraan ng komunikasyon ng mga ‘cell’ sa puso upang sabay-sabay silang kumilos upang tumibok ang puso bilang iisang bahagi; anumang problema sa daloy na kuryente ay maaaring indikasyon ng problema sa puso gaya ng kakulangan sa dugo, hindi regular na pagtibok, at iba pa.

2. Chest X-ray o X-ray ng dibdib – Ang pangkaraniwang X-ray ay may pakinabang rin sa pagsusuri ng posibleng karamdaman ng puso. Makikita dito kung tama ba ang sukat at laki ng puso. Kung masyadong malaki ang puso, maaaring may problema. Tinitingnan rin ang hugis ng mga ugat na malapit sa puso.

3. 2D-ECHO (Two-dimensional echocardiography) – Sa simpleng salita, ang 2D-ECHO ay ultrasound na sadyang para sa puso. Sinusuri nito ang pagtibok ng puso, kung ito ba’y may sapat na lakas upang dumaloy ang dugo sa katawan. Sinisilip rin nito kung may mga makikitang problema sa puso.

4. Cardiac enzymes (Troponin I, CK-MB, at iba pa) – Kung magkaroon ng emergency sa puso, halimbawa kung sinususpetsya ang atake sa puso o heart attack, maaaring suriin ang dugo sa mga “enzymes” na ito para makita kung naapektuhan ba ang mga masel ng puso.

Ano ang mga sintomas ng Sakit sa Puso?

Ang sakit sa puso ay mayroong mga ganitong sintomas:

  • Madaling mapagod
  • Naghihina o nangangalos
  • Nahihimatay o nawawalan ng malay
  • May hapo
  • Hirap sa paghinga
  • Hirap sa paghinga kapag nakahiga ng tuwid (orthopnea)
  • Mabigat ang dibdib
  • Nagsisikip ang dibdib
  • Parang may nakadag-an sa dibdib
  • “Palpitation
  • Pamamanas sa magkabilang paa

Marami pang ibang maging sintomas ang sakit sa puso. Maaari ring wala kahit isang sintomas ang maranasan!

Mga kaalaman tungkol sa Sakit sa Puso

Ang puso (Ingles: heart) ay ang bahagi ng katawan na responsable sa pagdaloy ng dugo na nagdadala ng kailangang nutrisyon sa bawat parte ng ating katawan. Ito’y natatagpuan sa bandang gitna ng ating dibdib. Ang ating puso ay hindi tumitigil sa pagtibok sa kabuuan ng ating buhay, at kaya nitong bumagal o bumilis ng tibok depende sa aktibidades nating ginagawa.

Dahil sa katungkulan ng puso na tagapag-panatili ng pagdaloy ng dugong nagbibigay-buhay sa katawan, ang mga sakit sa puso ay isa sa mga pinaka-kinakatakutang karamdaman sa tao. Subalit sa pag-unlad ng medisina ay marami nang lunas na natagpuan at napatunayan para gamutin ang iba’t ibang sakit sa puso (Ingles: heart diseases; medikal: cardiopathy). Marami dito ang maaaring masupil kung maagapan.

 Iba’t iba ang kategorya ng sakit sa puso:

1. Congenital heart disease o sakit sa puso mula pa sa pagkapanganak – Ito ay mga sakit na nagumpisa na habang nabubuo palang ang puso habang ang sanggol ay nasa loob pa ng tiyan ng ina. Iba’t ibang uri ito: ang iba ang maaaring magpakita na kaagad pagkapanganak pa lamang, hal. mukhang maitim o kulay asul ang balat ng sanggol. Maaari rin itong magpakita kapag mas malaki na ang sanggol, o kahit matanda na. Ang mga sakit na ito ay maaaring maremedyuhan sa pamamagitan ng operasyon.

2. Valvular heart disease o sakit sa mga balbula ng puso – Ang ating puso ay may mga balbula na sumasara at bumubukas sa bawat tibok ng puso. Kapag nagkaroon ng problema sa mga balbulang ito ay maaaring magkaroon ng problema sa pagdaloy ng dugo sa katawan. Ang mga halimbawa nito ay mga tinatawag na aortic stenosis, mitral regurgitation, at iba pa. Ang Rheumatic Fever ay isang maaaring sanhi nito, lalo na sa mga bata.

3. Cardiomyopathy o sakit ng masel ng puso – Ang mga ito naman ay sakit sa masel ng puso. Maraming iba’t ibang dahilan, gaya ng alak, droga, mga gamot, impeksyon, at iba pa. Ito ay maaaring

4. Coronary heart disease o sakit sa ugat ng puso – Sa kondisyong ito, ang mga ugat na nagdadala ng dugo sa mismong puso ay may bara. Dahil sa bara, kikinulang ang dugo sa puso, lalo na kung may aktibidades na mahirap (kaya madaling mapagod). Kung hindi naagapan, naging malala ang bara, o naging grabe ang kakulangan ng dugo sa puso, maaaring magkaroon ng atake sa puso o heart attack. Kaugnay ng kategoryang ito ang ischemic heart disease o sakit dulot ng kakulangan ng dugo sa puso.

5. Hypertensive heart disease o sakit ng pusong dulot ng high blood. Kapag ang altapresyon (high blood o hypertension) ay hindi makontrola, maaari itong makaapekto sa puso.

6. Heart failure o panghihina ng puso – Ito ay nangyayari kapag hindi na makayanan ng puso na mapadaloy ng perpekto ang dugo sa katawan. Ito’y maaaring idulot ng ilan sa mga nabanggit sa listahang ito na uri ng mga sakit sa puso. Atake sa puso o heart attack ay isang karaniwang sanhi nito.

7. Inflammatory heart disease o pamamaga sa puso – Ito’y maaaring mangyari kung may impeksyon na makaabot sa puso gaya ng “infective endocarditis” at iba pa.

Marami pang ibang kategorya ang sakit sa puso. Ang iba sa mga kategoryang ito ay nagpapatong-patong sa ating mga nabanggit.