Sakit sa Likod

Low back pain ang pananakit sa ibabang bahagi ng likod. Isa itong sintomas o senyales ng isang karamdaman sa buto, laman, ugat at kasu-kasuan na matatagpuan sa bahaging ito ng katawan. Madalas na hindi malala ang dahilan ng pananakit na ito at kalimitang nawawala ito ng kusa.

Maraming pwedeng maging dahilan ng pananakit ng likod. Kalimitan na ang sobrang paggamit(overuse) sa bahaging itong likod, o maling posisyon ng katawan (disuse) ang siyang nagdudulot ng matinding pagkapagod sa laman, buto at kasu-kasuan na nararamdaman natin bilang sakit.

Ano ang mga sintomas ng pananakit sa likod?

May mga nakaka-alarmang dahilan din na dapat bigyan ng agarang pagsusuri. Ito ay kapag ang dahilan ay impeksyon, kanser, pagkaipit ng ugat o nerve impingement at rayuma sa buto oosteoarthritis.

  • Paninigas ng kalamnan
  • Pamamanhid
  • Panghihina
  • Pagkawala ng kontrol sa pag-ihi at pagdumi
  • Hirap sa pagtulog
  • Madaling mapagod
  • Depresyon o pagkabalisa
  • Maaaring mapalala ng pagbubuhat at guminhawa kapag naipahinga
  • Pananakit ng hita pababa

Mga hakbang para maiwasan ang pananakit ng likod:

  • Kung magbubuhat ng mabibigat na bagay, gawin ito sa wastong paraan. Ibaluktot ang tuhod at panatilihing tuwid ang likod habang binibuhat ang bagay. Panatilihing malapit ang bagay habang binubuhat.
  • Itulak at huwag hilain ang mga mabibigat na bagay
  • Kung ikaw ay nakaupo ng matagal na oras, siguraduhing ikaw ay mag-unat-unat kada ilang minuto.
  • Sa mga babae, mas mainam ang mga flat shoes or mga sapatos na mababa lang ang heels (1 pulgada o mas mababa).
  • Mag-ehersisyo!
  • Tandaan ang tamang postura. Kung uupo, piliin ang mga upuan na tuwid ang likod o di-kaya’y may low-back support. Panatilihing mas mataas ng konti ang tuhod kesa sa balakang. Kung nakatayo, panatilihing ang iyong mga tainga, mga balikat, at balakang ay nasa isang tuwid na linya. Ang ulo ay hindi dapat nakayuko o nakatingala.

Ano ang magagawa ko para maibsan ang sakit ng aking likod?

Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod, o di kaya’y iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para ang mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaring gawin ito ng 1-2 araw para mapahinga ang ating likod.

Pero importante pa rin na maglakad-lakad ng pakonti-konti, at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit kasi ang di-paggalaw ay nakakadulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaring makakapagpatagal sa pagkawala ng sakit.

Uminom ng gamot gaya ng Paracetamol o Ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drugs ang pananakit, magpakonsulta upang makakuha ng mas matapang na gamot.

Kumunsulta agad sa duktor kung:

  • Ang sakit ay umabot na hanggang hita pababa sa inyong mga binti
  • May pamamanhid ng hita, paa, bahagi ng ari at puwitan
  • May pagkawala ng control sa pagdumi at pag-ihi
  • Ang pananakit ay dulot ng aksidente
  • Di na makakilos ng mabuti sa sobrang pananakit
  • Di gumiginhawa pagkatapos ng 2-3 linggo
  • May kaakibat na pananakit ng dibdib
  • Biglaang Panghihina ng hita, paa at binti