Simple lamang ang paraan upang maiwasan ang pag-atake ng matinding pananakit ng ulo o migraine. Unang-una, kinakailangang iwasan ang mga nabanggit na salik na nagkokontribyut, o triggers, sa pagkakaroon ng migraine. Ang pag-inom ng preventive drugs ay isa ring paraan upang maiwasan ang sakit. Bukod pa rito, kinakailangan din ang kumpletong pagpapahinga, ehersisyo at tamang pagkain.
Ano ang gamot sa migraine?
May dalawang uri ng gamutan pag-dating sa migraine. Abortive o pantigil sa sakit, at Preventive o pang-iwas sa sakit. Layon ng abortive drugs na agad patigilin ang nararamdamang sakit ng ulo. Kabilang sa Abortive drugs na mabibiling “over the counter” ay ang sumusunod: Ibuprofen, Aspirin + Acetaminophen + Cafeine, Acetaminophen at Naproxen. Ang mga Triptans na isang uri ng abortive drug ay mabisa rin laban sa atake ng migraine. Kabilang dito ang Almotriptan, Frovatriptan, Rizatriptan, Zolmitriptan at Eletriptan. Sa mga pasyente na madalas makaranas at may malalang kondisyon ng migraine, Preventive drugs naman ang kadalasang nirereseta. Kabilang dito ang diclofenac at naproxen sodium na mga anti-inflamatory. Ang mga antidepressants gaya ng amitriptyline at nortriptyline ay mahusay din na pang-gamot. Bagaman subok na ang mga nabanggit na gamot, mas mainam pa rin na kumonsulta sa doktor at humingi ng reseta.
Ang simpleng sakit ng ulo na hindi na kinakailangan pa ng preskripsyon mula sa doktor ay maaaring malunasan sa bahay:
- Maglagay lamang ng ice pack sa noo, sa sinitdo o sa likod ng ulo.
- Maligo sa maligamgam na tubig.
- Magpamasahe sa ulo
- Tamang pahinga at pagtulog.
Paano malaman kung may sakit na migraine?
Ang mga nabanggit na sintomas ang kadalasang basehan ng pagkakaroon ng migraine. Ngunit ayon sa itinalagang criteria ng International Headache Society ng Estados Unidos, masasabing ang pasyente ay may migraine kung siya ay nakaranas ng lima o higit pang sunod-sunod na pananakit ng ulo na tumatagal ng 4 hanggang 72 oras. Nararanasan din niya ang pananakit sa isang bahagi ng ulo lamang, patibok-tibok, at mas tumitinding pananakit sa bawat paggalaw ng katawan.
Ano ang mga sintomas ng migraine?
Ilan sa mga sintomas na mararanasan ay ang sumusunod:
- Matinding pananakit ng ulo na nag-umpisa sa simpleng pananakit. Ito ay maaaring maramdaman sa likurang bahagi ng ulo, sa harap, o kaya naman sa gilid.
- Pagsusuka at pananakit ng sikmura
- Kawalan ng gana sa pagkain
- Pamumutla
- Pagkahilo
- Madaling mapagod
- Panlalabo ng paningin
- Sensitibo sa liwanag, ingay o amoy
Ang migraine ay maaring tumagal ng ilang oras hanggang isang linggo depende kung gaano ito’y kalala.
Mga kaalaman tungkol sa migraine
ANO ANG MIGRAINE?
Ang migraine o matinding pananakit ng ulo ay isang karaniwang neorological na sakit na kadalasang may kaakibat na pagkahilo at pagkaramdam ng pagsusuka o nausea. Ito ay maaaring dulot ng paninikip o paglaki ng mga daluyang ugat sa utak, o di kaya’y hereditary o namamana. Ang panakanakang pananakit ng ulo, depende kung gaano ito kalala, ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na gawain.
ANO ANG SANHI NG MIGRAINE?
Ayon sa mga naunang pag-aaral, ang simpleng paninikip or paglaki ng mga daluyang ugat sa utak ang siyang nagdudulot ng migraine. Ngunit kamakailan lamang, may ilang pag-aaral din ang nagsasabing ito ay dulot ng mga kemikal na inilalabas ng utak na siyang nakaaapekto sa galaw ng mga daluyang ugat na nakapalibot dito.
Ito rin ay maituturing na sakit na namamana or hereditary disorder. Ang pasyenteng nakararanas ng migraine ay may 50% posibilidad na makapagpasa ng sakit sa kanyang anak. Kung ang parehong magulang naman ang may sakit, 75% ang posibilidad ng pagpasa sa kanilang anak.
May ilang salik na maituturing na trigger sa pagisimula ng migrain. Ito ay ang sumusunod:
- Emosyonal na stress. Ang matitinding emosyon tulad ng pagkabalisa, pag-aalala, labis na kalungkutan o di kaya’y sobrang kagalakan ay maaaring magdulot ng emotional stress. Dahil dito, maaring mag-labas ng kemikal ang utak na siya namang sanhi ng pananakit ng ulo.
- Kemikal sa pagkain. May ilang pagkain at inumin, gaya ng alak at preserved food, ang nagtataglay ng mga kemikal tulad ng nitrates at monosodium glutamate na siyang nakapagpapasimula ng migraine.
- Caffeine. Ang sobrang caffeine na nakukuha partikular sa kape at energy drinks, kapag natapos na ang epekto ay maaring makadulot ng pananakit ng ulo.
- Pagbabago sa panahon. Ang ilang pagbabago sa kapaligiran na sanhi ng pagbabago sa panahon gaya ng barometric pressure ay isa ring dahilan.
- Buwanang dalaw sa kababaihan.
- Matinding pagod.
- Pagbabago ng oras ng pagtulog.