Bukod sa pinsalang dulot ng mga bagyo, sila rin ang sanhi ng iba’ ibang sakit at problemang pangkalusugan. Halimbawa, ang baha na dulot ng bagyo ay isang dahilan sa paglaganap ng sakit na leptospirosis. Ang tubig na kontaminado ng tubig baha ay maaari ding magdulot ng iba’t ibang sakit sa tiyan. And syempre, ang mga hangin ng bagyo ay maaring magdulot ng mga sugat at iba pang sakuna. Subalit ang mga ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng wastong paghahanda.
Pagiging ligtas ng pagkain kapag may bagyo
Bago dumating ang bagyo: Kung kaya, mag-ipon ng mga pagkain na tumatagal, gaya ng mga delata, daing. Siguraduhin din na may bigas, asin, at iba pang sangkap na tatagal ng isang linggo. Subukang ubusin na kaagad ang mga pagkain sa inyong refrigerator dahil baka mawalan na kuryente na masayang ang mga pagkain na nasa ref.
Pagkatapos ng bagyo: Huwag kakainin ang anumang pagkain na nabahiran ng tubig-baha. Kung nawalan kuryente, kainin na kaagad ang maaaring kainin mula sa inyong ref.
Pagiging ligtas ng tubig kapag may bagyo
Bago dumating ang bagyo: Mag-ipon ng malinis na tubig na pang-inom, pangluto, pampaligo, at iba pa. Kung mas marami ang kayang ipunin, mas maganda.
Pagkatapos ng bagyo: Huwag gumamit ng tubig na nabahiran ng tubig-baha. Uminom lamang ng tubig na tiyak na malinis. Kung hindi sigurado, pakuluan ang tubig at siguraduhing ang pagkulo nito ay hindi bababa sa isang buong minuto para mapuksa ang anumang mikrobyo na meron ito.
Pagiging ligtas mula sa mga sakit kapag may bagyo
Hanggat maaari, huwag lulusong sa baha lalo na kung may sugat sa mga paa. Kung hindi maiiwasan, siguraduhing may suot na proteksyon tulad ng bota upang hindi mapasok ng kontaminadong tubig ang sugat kung sakaling meron man. Tiyakin din na linising mabuti ang mga paa matapos lumusong upang maiwasan ang pagkakaroon ng iba pang sakit gaya ng alipunga.
Bago pa man dumating ang bagyo, tiyakin ding may nakaimbak na sapat na suplay ng gamot at pang-lunas sa mga sugat. Mas mabuti nang nakakasigurado sapagkat baka dapuan ng sakitang isang miyembro ng pamilya sa pagtatapos ng bagyo. Dapat ay mayroong mga gamot para sa lagnat at sipon (paracetamol at ibuprofen), para sa impeksyon (antibiotic), para sa pagtatae (loperamide), kontra sakit (pain relievers). Bukod sa mga gamot, dapat ay mayroon ding first aid kit na nakahanda kung sakaling mayroon madisgrasya.
Iba pang paghahanda na dapat isaalang-alang
Sa panahon ng delubyo, dapat ay may nakahanda ring mga damit, mga kumot at iba pang proteksyon sa lamig. Ito ay higit na kailangan kung napabalitang ang tatahakin ng bagyo ay ang inyong lugar at may posibilidad ng pagkasira, pagbaha, kawalan ng komunikasyon at kuryente sa isang komunidad.