Mga kaalaman tungkol sa Menstrual Cycle (Buwanang Dalaw)

Ano ang Menstrual Cycle?

Ang menstrual cycle ang tumutukoy sa buwanang pagbabago o kaganapan sa katawan ng babae bilang paghahanda sa pagbubuntis. Nakapaloob dito ang paglabas ng egg cell mula sa obaryo, pagpunta nito sa matres, pati na ang buwanang dalaw o pagdurugo na nararanasan ng mga kababaihan na nasa tamang edad.

Bakit nagkakaroon ng buwanang dalaw o pagdurugo?

Ang buwanang pagdurugo ay dahil sa regular na pagpapalit ng lining o pang-ibabaw na patong ng matres na nagaganap kapag walang nangyaring fertilization sa pagitan ng itlog o egg cell ng babae at isang semilya o sperm cell ng lalaki. Ang fertilization ay nagaganap lamang kapag nagtalik ang isang lalaki at babae at nagtagpo ang kanilang itlog at semilya.

Sa anong edad ito nagsisimula?

Ang menstrual cycle ay nagsisimula sa edad na 11 hangang 14 kung kailan dumadating sa maturidad o pagdadalaga ang mga batang babae. Ito ay bahagi ng mga pagbabago sa pangangatawan ng mga kababaihan sa pag-apak sa puberty stage. Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng hormones na estrogen at progesterone.

Gaano katagal ang isang ikot ng menstruation, at paano ito nagaganap?

Ang isang ikot ng menstruation ay nagsisimula sa unang araw ng pagdurugo at natatapos naman sa unang araw ng susunod na pagdurugo. Ito ay kadalasang tumatagal ng 28 na araw ngunit maaari rin namang mas maikli o mas mahaba kaysa dito.  Nakapaloob sa 28 na araw na ito ang paglabas ng itlog o egg cell mula sa obaryo (ovulation), pagdaan nito sa fallopian tube, at pag-abot nito sa matres. Kapag walang naganap na fertilization sa pagitan ng egg cell at semilya, ang ibabaw na patong ng matres ay mangangapal at mapapalitan ng bago. Ang nadurog na lumang patong ng matress ay lumalabas sa puwerta ng babae bilang dugo o regla.

Ano ang dapat gawin kung mayroong dalaw?

Ang babaeng mayroong dalaw ay lalabasan ng dugo sa loob ng ilang araw, depende kung gaano kalakas pag-agos ng dugo. Ito ay maaaring bumuhos ng malakas sa unang araw, at susundan ng paunti-unting patak ng dugo hanggang sa maubos dugo sa matres. Maaari din namang umagos ang dugo ng paunti-unti at tumagal ng 3 hanggang 5 araw. Kung kaya, makatutulong ang paggamit ng pasador o sanitary napkin sa panahon na nararanasan ang pagdurugo. Minsan pa, maaaring makaranas ng pananakit ng puson, o cramps, na maaaring maibsan sa pag-inom ng mga pain relievers.

Ano ang ibig sabihin ng iregular na dalaw?

Masasabing iregular ang dalaw kung ang pagitan ng bawat pagdurugo ay mas maikli sa 21 na araw o mas matagal pa sa 35 na araw. Gayundin kung may pagdurugo sa pagitan ng mga araw na ito. Ito ay nagaganap dahil sa ilang mga salik gaya ng sumusunod:

  • Sobrang pagdagdag o pagkabawas ng timbang.
  • Karamdaman sa pagkain tulad ng anorexia
  • Sobrang pag-eehersisyo
  • Emosyonal na stress
  • Paggamit ng ipinagbabawal na gamot
  • Abnormalidad sa hormones
  • Mga iniinom na gamot
  • Papalapit na menopause

Kailan humihinto ang buwanang dalaw?

Ang paghinto ng buwanang dalaw, na kilala sa tawag menopause, ay nagaganap sa edad na palapit sa 50. Dahil ito sa pagbawas sa hormones na lumalabas sa katawan kasabay ng pagtanda. Sa oras na dumating sa menopause ang babae, nawawala na rin ang abilidad ng babae na mabuntis.

May epekto ba ang pakikipag-sex sa menstrual cycle?

Q: Pano po mareregular ang menstration? Irregular po kasi ako, minsan 3x a year lang ako nagkakaroon, tpos pansin ko po nag start yun nung naging sexually active ako. My epekto po ba ang pakikipag talik sa pagirregular ng menstrual cycle q?

A: Ang pakikipagtalik ay maaaring maka-apekto sa menstrual cycle kung ikaw ay gumagamit ng pills. Ang mga pills ay sumusupil sa pagiging regular ng regla ng isang babae; minsan ‘spotting’ lamang ang ma-oobserbahan at kadalasan hindi buwan-buwan dadatnan ang babae na gumagamit ng pills. Ito ay normal na epekto ng pills at hindi dapat ikabahala.

Upang bumalik sa pagiging regular ng menstruation, itigil ang paggamit ng pills at pumili ng ibang paraan ng family planning gaya ng paggamit ng condom. Sa totoo, kahit na gumagamit ka ng pills advisable parin na gumamit ng condom upang maka-iwas sa mga STD.

Hindi dinatnan ng regla: Mga dahilan bukod sa pagiging buntis

Q: doc, di po ako dinadalaw ng isang buwan? hindi ako ne reregla ng isang buwan? ano po ba ito? delayed lang ba ndi nmn po ako nagamit?

A: Kung ikaw ay nakakatiyak na hindi isang posibilidad na ikaw ay buntis, hindi ka dapat mabahala kung hindi ka dinatnan sa nakatakdang panahon, sapagkat may mga dahilan bukod sa pagiging buntis na pwedeng magpaliwanag nito. Narito ang ilan sa mga karaniwang halimbawa:

  • 1. Dahil sa pills o iba pang gamot. Kung ikaw ay umiinom ng pills (birth control pills o OCPs) at iba pang gamot, maaari itong maka-apekto sa pagiging regular ng iyong regla.
  • 2. Dahil sa stress o pagbabago sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ikaw ba ay nagpalit ng trabaho, lumipat sa ibang lugar, o may matinding kaganap sa iyong buhay o sa iyong mga relasyon? Ang stress o pagod, maging pisikal man o emosyonal, ay maaaring makaapekto din sa iyong menstrual cycle.
  • 3. Dahil sa pagkakasakit. Nagkasakit ka ba noong mga nakaraang buwan? Pwede rin itong dahilan ng hindi pagdating ng regla. May mga sakit na nangangailang ipatingin sa doktor lalo na kung may iba ka pang sintomas na nararamdaman bukod sa hindi pagdating ng regla gaya ng lagnat, pagbabago sa timbang, pagbabago sa ganang kumain, at iba pa.
  • 4. Dahil sa pamamayat o pagtaba. Kung nagbago ang iyong timbang, pwede ring mabago ang pagiging regular ng iyong mens.

  • 5. Dahil sa sobrang ehersisyo o sports. Ikaw ba ay nahilig sa pagtakbo, gym workout, o iba pang aktidibades na pisikal? Ito ay maaaring ring isa pang kadahilanan.
  • Dahil maraming sanhi ang hindi pagdating ng regla bukod sa pagbubuntis, ito’y hindi dapat ikabahala. Ngunit kung ito ay magpatuloy ng higit sa dalawang buwan, at kung may iba ka pang sintomas na nararamdaman, magpatingin na sa isang OB-GYN o kahit sinong doktor upang masuri ang posibleng sanhi nito.

Bawal po ba kumain o uminom ng pakwan kapag may regla?

Q: Bawal po ba kumain o uminom ng pakwan o watermelon kapag may regla?

A: Isang kasabihan sa Katagalugan na ang pakwan ay bawal sa mga may monthly period o mens, sapagkat ito daw ay matubig at nakakaapekto sa sirkulasyon. Subalit ang kasabihan na ito ay walang basihan sa medisina, kaya ang sagot ko ay: Hindi bawal ang pakwan kapag may regla.

Subalit naniniwala rin ako na maraming bagay ang nakadepende sa mismong karanasan ng isang tao. Halimbawa, kung sa iyong karanasan ay hindi maganda ang iyong pakiramdam tuwing kumakain ng pakwan, mas maganda kung ito ay iyong iwasan.

Hindi buwanang dinudugo o dinadatnan ng period

Q: Ok lang po ba yong hindi dinudugo every month? 2 months po muna bago magkaron or 3 months po, hindi po ba nakakasama yon?

Maraming posibleng sanhi ang hindi buwanang pagdating ng menstruation, o iregular na pagregla sa isang babae. Ang depinisyon ng ‘madalang na pag-regla’ ay higit sa 35 na araw bago dinadatnan, mula sa unang araw ng huling regla hanggang sa unang araw na ikaw ay muling dinatnan. Banggitin natin ang mga karaniwang kadahilanan.

Kung regular parin naman bagama’t matagal ang pagitan, ang tawag dito ay ‘oligomenorrhea’, halimbawa, kung kada 8 na linggo, o eksaktong bawat dalawang buwan ang pagitan ng dalaw, ang maaaring dahilan nito ay:

  • Pagbabago ng ‘hormones’ na dala ng pagbabago sa ilang bahagi ng katawan kagaya ng thyroid o ng pituitary gland, na natatagpuan sa ulo.
  • Ikaw ba ay mahilig sa sports at athletics gaya ng pagtakbo? Ang mga ‘hardcore’ na atleta, o mga taong mahilig tumakbo o pasukin at iba’t ibang sports ay napag-alamang mas madalang ang pag-regla kompara sa ibang babae.
  • Ang PCOS, polycystic ovary syndrome, isang kondisyon kung saan ang mga obaryo ng babae ay napupuno ng maliliit na parang butlig. Ito’y maaari ring sanhi ng madalang na pag-regla.

 

Kung ang pag-regla naman ay madalang at hindi regular (hindi mo nahuhulaan kung kelan dumadating), ang maaring sanhi nito ay ang sumusunod:

  • Pag-inom at pagbabago sa pag-inom ng mga pills at iba pang paraan ng family planning gaya ng ‘injectables’ at mga IUD.
  • Stress
  • Pagbabago sa pagkain
  • Impeksyon, pamamaga, o pagkakaron ng bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan, lalo na sa matris.
  • Pag-inom ng iba pang gamot, gaya ng mga ‘pampalabnaw ng dugo’ at iba pa.

Para makasigurado, magpatingin sa OB-GYN o iba pang doktor para sa ikaw ay ma-examine at masuri ang karagdagang mga sintomas upang ikaw ay mabigyan ng kaukulang payo.

Mabubuntis ka ba kung nakipag-sex habang may period?

Q: mabubuntis kaba pag ginamit ka nadyan ang menstruatipn mo?

A: Hindi ka mabubuntis kung ginamit ka habang dinadatnan ka o nireregla, sapagkat ang unang araw ng iyong monthly period ay umpisa ng pitong araw kung kailan ikaw ay ‘infertile’ o hindi maaaring mabuntis. Ngunit ito ay totoo lamang kung regular ang dating ng iyong monthly period. May mga babaeng dinudugo kahit hindi naman nila period. Ang pag-gamit ng contraceptive pills ay isa ring maaaring maka-apekto sa pag-regla. Ngunit sa karamihan ng kababaihan, ang 1-7 araw mula sa umpisa ng pag-regla ay itinuturing na “safe” sa pakikipag-sex dahil hindi maaaring mabuntis ang babae sa panahong ito.

Ito ang basihan ng tinatawag na “calendar method” ng family planning. Sa isang uri nito na tinatawag na Standard Days Method (SDM), makatapos and 1-7 araw na ating nabanggit, may 12 na araw na “fertile” ang babae, o maaaring mabuntis. Pagkatapos ng 12 na araw na ito, ang nalalabing mga araw bago datnan muli ng regla ay “safe” naman. Bagamat ito ay mukhang isang madaling paraan ng family planning, mataas ang bilang ng sumasablay dito sapagkat kailangan talagang eksakto ang iyong pag-kalkula ng mga araw ng pag-regla, at kailangan rin na regular ang pagdating ng mens.