Q: Ano po ba ung butlig-butlig na tumutubo buong katawan ko?
A: Ang pagkakaroon ng butlig butlig (o vesicles; blisters) sa buong katawan ay maraming posibleng sanhi. Halimbawa:
- Mga sakit na dala ng virus, gaya ng bulutong, tigdas, o tigdas-hangin. Kung ito ay kaso, kapansin-pinsan ang biglaang pagsulpot nila, ang biglaang pagkalat sa katawan, at mawawala rin sa loob ng ilang araw o linggo.
- Mga allergy sa pagkain, gamot, o bagay. Butlig-butlig sa buong katawan ay maaari ring dahil sa allergy, halimbawa kung may mainom ka ng gamot kung saan hindi maganda ang reaksyon ng iyong katawan.
- Iba pang impeksyon gaya ng syphilis, na isang STD. Ikaw ba ay ‘high risk’ sa pagkakaron ng mga STD?
- May mga problema rin sa balat, partikular sa mga bahagi ng balat na responsable sa pagpapalabas ng pawis, na pwedeng magdulot ng pantal-pantal. Ang iba dito ay sa kamay at paa lamang natatagpuan.
Q: Paano maaalis ang mga butlig butlig na makakati kalat kalat sa buong katawan?
A: Dahil iba’t iba ang sanhi ng butlig-butlig, hindi sapat na alam kong may butlig-butlig ka upang makapagbigay ako ng diagnosis at gamot. Bagkos, kinakailangang masuri ng doktor at maiugnay ang butlig-butlig sa iba pang sintomas. Kung magpapatingin ka sa dermatologist, nanaisin din nyang malaman kung kailan nag-umpisa, saang bahagi ng katawan naunang lumabas, at kung anong mga ‘nagti-trigger’ sa pagkakaron ng mga butlig-butlig na ito. Itatanong din nya ang ilang detalye tungkol sa iyo kagaya ng mga gamot na iyong iniinom, mga pinapahid sa katawan, at ang iyong sex life. Pagkatapos pa lamang nito siya pwedeng magkaron ng edeya kung ano ito, at makapagbigay ng solusyon.
Kung ang iyong mga butlig-butlig ay dahil sa isang virus, pwede itong kusa na lang mawala. Kung ito naman ay allergic, pwede ito mawala kung maiiwasan mo ang ‘trigger’ o mitsa na nagdudulot sa pagkakaron o pagsumpong ng mga butlig-butlig. Habang hindi ka pa nakakapagpatingin sa doktor, ang pag-inom ng mga over-the-counter antihistamine gaya ng Diphenhydramine at Cetirizine ay pwedeng makatulong na mawala ang pangangati sa iyong katawan.
Maliliit na butlig sa labi at sa ibang parte ng katawan. Ano ito?
Q: magandang gabi doc kasi ako si jane may mga butlig butlig na maliliit ako sa aking labi at sa ibang parte ng katawan ko..natatakot na kasi ako doc baka ano na ito isang hindi pa kasi isang buwan ng last kung sexual contact ko sa bf ko.. kung sakali poh san ba ako pwede mag pa check up gusto ko kasi mag pa examin sa dugo ko para maka sigurado ako… makati po siya sobrang liit na makati..wlaaa naman laman na tubig or nana basta makati lang siya 5 days na kasi simula ng tumubo itong mga butlig butlig ko…please doc tulungan mo naman ako
A: Muli, maraming pwedeng sanhi ng iyong nabanggit, at kailangang makita ka ng doktor at ma-examine ang mga butlig-butlig upang magkaron ng edeya kung ano ba ito. Pinapayo ko na ipatingin mo na uli ng lalong madaling panahon sa dermatologist o iba pang doktor.