Ano ang radiation therapy at para saan ito?
Ang radiation therapy, o radiotherapy, ay isang pamamaraan ng paggamot sa sakit na kanser sa pamamagitan ng pagpapatama ng malalakas na sinag ng enerhiya. Dito’y pinupuksa, pinapaliit at pinipigilan sa pagdami ang mga tumor na namuo sa katawan. Di tulad ng chemotherapy, mas maliit ang posibilidad na madamay ang mga malulusog na cells sa pagsasagawa nito sapagkat mismong ang mga cancer cells ang pinupuntirya sa gamutang ito. Ang radiation therapy ay maaaring isagawa kasabay ng iba pang lunas sa sakit na kanser gaya chemotherapy at operasyon o surgery.
Kanino at kailan isinasagawa ang radiation therapy?
Depende sa rekomendasyon ng doktor, ang radiotherapy ay maaaring ikonsidera bilang pangunahing lunas sa mga pasyenteng may sakit na kanser. Maaari din itong gamitin bago simulan ang operasyon sa mga pasyenteng nasa mga unang antas pa lamang ng kanser upang masmapaliit ang mga tumor. Gayundin pagkatapos ng operasyon upang mapigilan naman ang posibilidad ng pagtubo ng mga bagong tumor. Sa mga malalalang kaso naman, makatutulong ang radiotherapy para maibsan ang mga sintomas na maaaring maranasan.
Paano ito isinasagawa?
Sa pagsasagawa ng radiotherapy, tinutukoy muna kung aling bahagi ng katawan ang nais patamaan ng radiation. Maaaring gumamit ng X-ray o CT scan sa pagtukoy ng kanser at tanging radiation oncologist lang ang doktor na maaaring magsagawa ng pagsusuri ukol sa ganitong klase ng gamutan. Pagkatapos masuri ang bahaging nangangailangang gamutin, mamarkahan ang balat na dapat patamaan ng radiation. Ang aktuwal na gamutan ay sinsisimulan 3 hanggang 7 araw pagkatapos mapag-aralan ang sakit.
Sa oras ng gamutan, patatamaan ito ng malakas na sinag ng enerhiya ang minarkahang balat. Ang sinag ay nagmumula sa isang makina at ang radiation na maaaring gamitin dito ay X-ray o kaya naman sinag mula iba pang mas malakas na uri ng enerhiya.
Gaano kadalas ito maaaring isagawa?
Ang dalas at dami ng paggagamot gamit ang radiation ay depende sa kondisyon ng pasyente, gayundin sa desisyon ng doktor. Maaari itong isagawa 5 beses sa isang linggo sa loob ng isa hanggang dalawang buwan. Ang bawat session ng gamutan ay maaring magtagal ng 3 hanggang 5 oras. Mahalagang putol-putol at paunti-unti ang pagsasagawa radiation therapy sapagkat maaring magdulot ng matinding epekto sa katawan kung gagawin ito ng isang bagsakan.
Paano paghahandaan ang radiation therapy?
Bago simulan ang gamutan, kinakailangang magsagawa munang magsagawa ng matibay na plano kasama ang doktor. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan pang maghintay ng 3-7 araw pagkatapos matukoy ang sakit. Ang pagpaplanong ito ay binubuo ng radiation simulation at mga karagdagang pagsilip sa katawan gamit ang CT Scan. Mahalaga ang pagpaplanong ito sapagkat upang mas maging tiyak ang pagpapatama ng radiation sa cancer cells at lumiit ang posibilidad na makadamay ng malulusog na cells. Siyempre pa, nalalaman din ng doktor ang komportableng posisyon ng pasyente habang ginagamot.
Ano ang maaaring side effects ng radiation therapy?
Hindi rin nawawala ang mga posibleng side effects ng paggagamot gamit ang radiotherapy. Ang pinakakaraniwang epekto nito ay ang pakiramdam ng pagkapagod. Habang ang iba pang mga side effects naman ay depende sa kung saan bahagi ng katawan ang pinatamaan ng radiation. Ang buhok sa kahit na anong bahagi ng katawan na pinatamaan ng radiation ay maaaring malagas. At ang balat naman ay maaaring magkaroon ng iritasyon. Kung ang radiation naman ay patatamain sa bahagi ng ulo, maaring makaranas ng panunuro ng bibig, paglapot ng laway, sore throat, pagbabago sa panlasan, at maging pagkabulok ng mga ngipin. Kung sa dibdib naman na bahagi, maaaring mahirapan sa paglunok, makaranas ng pag-uubo, at mahirapan sa paghinga. Kung sa tiyan, maaaring makaranas ng pagsusuka at pagtatae. Kung sa bandang bewang, maaaring makaranas ng madalas na pag-ihi at sexual dysfunction.