Ang kaibahan ng ATS sa bakuna sa rabies

Q: pano kung namatay yung aso after 27 days?eh my bakuna naman po yun,2x p,tapos po yung nakagat eh nabakunahan naman po agad ng tinatawag na ATS s clinic lang po at 1 week siyang uminom ng gamot n mefenamic at cloxacilin. May masama po bang epekto yun sa nakagat?

A: Ang ATS ay HINDI bakuna laban sa rabies! Ito ay isang bakuna laban sa tetanus. Sa makatuwid, hindi nabakunahan ang pasyente laban sa rabies, at kung namatay ang aso pagkatapos, ito ay isang bagay na hindi dapat baliwalain. Ang payo ko ay komonsulta sa doktor at magpabakuna sa rabies. Bagamat maliit lang ang tsansa na ang kagat ng isang aso ay magdudulot ng rabies, ang pagkamatay ng aso ay isang indikasyon na dapat magpabakuna panigurado. Ang rabies kasi ay isang sakit na walang lunas kaya kahit maliit lang ng tsansang magkaron nito, ang payo ng mga doktor ay magpabakuna narin dahil mas mabuti na ang sigurado.

Ano ang mabisang gamot sa rabies?

Q: ano ang mabisang gamot sa rabies?

A: Bago ko sagutin ang iyong katanungan, gusto ko munang linawin na hindi lahat ng kagat ng aso ay rabies. Ang totoo, napaka-konti lamang ng mga kagat ng aso na may taglay na rabies. Ang rabies ay isang kondisyon na hatid ng isang virus na maaaring makuha ng tao mula sa mga kagat ng aso at iba pang hayop. Ang ‘target’ ng rabies sa loob ng katawan ay ang mga ‘nerves’ o ugat, at kapag ito’y nag-umpisa nang kumalat sa katawan – makaraan ang ilang linggo o buwan – ay tuloy-tuloy na ito hanggang kamatayan; sa kasalukuyan, walang gamot sa rabies.

Subalit, ang pagkakaroon ng rabies ay maaaring maagapan sa pamamagitan ng bakuna o vaccination pagkatapos makagat ng aso, lalo na kung ang asong naka-kagat ay walang record ng bakuna laban sa rabies. Ang bakuhang ito ay ibinibigay ng 3 hanggang 4 na beses. Kalimitan ito ay ibinibigay sa araw na pagkakakagat, tapos sa ika-7 na araw, sa ika-10 na araw, at sa ika-14 na araw. Ito lamang ang tanging paraan upang mapigilan ang pagkakaron ng rabies.

Sa mga probinsya at bayan-bayan, may mga tandok at albularyo na nagsasabing may gamot sila laban sa “rabies”. Sa totoo, hindi rabies ang tinutukoy nila kundi kagat sa aso na maaaring mamaga o magsugat. Ang mga sintomas na ito ay hindi nangangahulugan na may rabies ang isang nakagat ng aso. Gaya ng nasabi ko, bihirang-bihira ang totoong kaso ng rabies. Ngunit bihira man ito, ang pagkakaron ng rabies ay nakakamatay at sa kasaysayan ng mundo, isa o dalawa pa lamang ang nabuhay o nalampasan ang sakit na ito. Kaya, kung hindi tiyak kung may bakuna ba laban sa rabies ang aso na nakakagat sa’yo, ang rekomendasyon ko ay magpaturok ka ng bakuna laban sa rabies.