Pwede bang magka-rabies kung dinilaan lang ng aso?

Q: doc kapag ba dinilaan ka ng asong may rabies at may laway po siya na malapot posible bang magkaroon ako ng rabies?

A: Ang rabies mula sa aso ay maaaring makuha kung ang isang asong ulol o asong may rabies ay nakakagat sa isang tao. Hindi lahat ng kagat ng aso ay may rabies, subalit kung hindi tiyak ang pinagmulan ng aso, para sigurado, umaaksyon tayo na parang may rabies ito at nagpapaturok ng mga bakuna laban sa rabies. Bagamat bihirang-bihira, Mmy ilan ding mga kaso ng rabies na nakuha mula sa laway ng hayop na may rabies na mapunta sa bahagi ng katawan na may sugat, o di kaya sa mata, ilong, o bibig.

Kung dinilaan ka lamang sa balat at wala ka namang sugat, hindi ka magkakaron ng rabies. Kung dinilaan ka sa isang bahagi ng katawan o mayroon kang sugat, o kung nadilaan ka sa ilong, mata, o bibig, o kung hindi ka tiyak, mas magandang magpatingin sa doktor upang mabigyang-linaw kung ano ang dapat mong gawin.

Para sa karagdagang kaalaman, puntahan ang “Kagat ng Aso: Mga Tanong” sa Kalusugan.PH.

Paano makaiwas sa impeksyon ng rabies?

May ilang hakbangin ang dapat sundin upang maiwasan ang impeksyon ng rabies virus:

  • Pabakunahan ang alagang hayop. Malaki ang maitutulong ng pagpapabakuna sa alagang aso, pusa o ano pa mang hayop. Lumapit lamang sa beterinaryo upang magpabakuna.
  • Panatilihin nasa loob ang alagang hayop. Mas maliit ang posibilidad na magkaroon ng rabies virus ang alagang hayop kung mababantayang mabuti ito.
  • Ipadampot ang mga hayop na gala. Ang mga aso at pusa na gala sa lansangan ang kadalasang pinagmumulan ng mga kaso ng rabies. Makakatulong kung ang mga ito ay ipadadampot sa kinauukulan.
  • Huwag lapitan ang mga hayop na di kilala. Kung makakakita ng hayop, aso man o pusa, na pagala-gala sa lansangan, huwag itong lapitan upang maiwasang makagat.

Ano ang gamot sa impeksyon ng rabies?

Araw-araw, maraming Pilipino ang nakakagat ng aso, sa rami ba naman ng asong kalye o askal na pagala-gala. Bagamat ito’y pangkaraniwang karanasan na sa atin, ano nga ba ang dapat gawan kapag kinagat ka ng aso? Una, linising mabuti ang sugat. Tubig at sabon ay sapat na para hugasan ang sugat. Pangalwa, bantayan ang aso. Alamin kung saan nagmula ang aso, at kung meron ba itong record ng vaccination para sa rabies. Ang aso na may rabies ay maoobserbahan na parang baliw o wala sa sarili hanggang ito’y mamatay. Ang mga sintomas na ito ay kalimitang magagamat sa loob ng 5-10 araw. Pangatlo, kumunsulta sa doctor para ma-examine ang sugat. Minsan, lalo na kapag sa labas nangyari ang pagkakagat, maari ring kailanganin ang anti-tetanus na vaccine. Kung ang aso ay may record ng kumpletong bakuna laban sa rabies at maari itong mabantayan sa susunod na 10 hanggang 15 araw, maaring hindi na kailanganin na bigyang ang nakagat ng aso ng rabies vaccine. Subalit kung ang aso ay walang record, at kung ito ay nakaalpas, kailangang magpaturok ng 3 o 4 na beses ng rabies vaccine. Kalimitan ito ay ibinibigay sa araw na pagkakakagat, tapos sa ika-7 na araw, sa ika-10 na araw, at sa ika-14 na araw. Ang rabies ay bihirang-bihirang mangyari, kaya kahit hindi ka magpa-bakuna, malaki ang posilibilidad na walang mangyari sa’yo. Ngunit itataya mo ba ang buhay mo sa posibilidad? Sa buong mundo, isa o dalawa pa lamang, sa libo-libong nagkaka-rabies, ang nakaka-recover; lahat ng iba ay namatay nang dahil sa rabies. Kaya mabuti na ang sigurado. Para maka-iwas sa rabies, siguraduhing may bakuna laban sa rabies ang inyong aso. I-report rin sa pulis o barangay opisyal kung may mga asong paggala-gala na nangangagat. Ang asong may rabies ay mas bayolente at delikadong manatili sa mga kalye. Hindi lamang sa aso maaring makuha ang rabies. Maging sa mga pusa, paniki, at iba pang hayop ay maaring magsanhi ng rabies. Magpatingin kaagad sa doctor kapag kayo ay nakagat. Mabuti na ang sigurado!

Paano malaman kung apektado ng rabies?

Ang simpleng kagat lamang ng hayop ay sapat nang basehan para pagsuspetsahan ng pagkakaroon ng impeksyon ng rabies virus. Wala nang kahit na anong pagsusuri o eksaminasyong ang isinasagawa, basta may kagat, itinuturing kaagad itong kaso na maaaring may impeksyon ng rabies. Dahil ang pagkakaroon ng sakit na ito ay maaaring makamatay, hindi maaaring ipagpaliban ang pagpapakonsulta sa doktor.

Ano ang mga sintomas ng impeksyon ng rabies?

Ang mga sintomas ng impeksyon ng rabies ay maaaring mapansin sa hayop at sa taong nakagat. Sa hayop na apektado ng rabies virus, halimbawa ay sa alagang aso, maaaring ito ay makitaan ng sumusunod na senyales:

  • Paglalaway
  • Bumubulang bibig
  • Pagkaparalisa
  • Kakaibang pagkilos na dati-rati’y hindi naman.
  • Maaaring mas matapang ang alagang hayop, o kaya’y madaling matakot

Para naman sa taong apektado ng rabies virus, siya ay maaaring makaranas ng sumusunod na sintomas:

  • Lagnat
  • Sakit ng ulo
  • Pakiramdam na nasusuka
  • Pagsusuka
  • Pagkalito
  • Pagkabalisa
  • Di mapakali
  • Hirap sa paglunok
  • Paglalaway
  • Takot sa tubig, o hydrophobia
  • Insomnia o hindi makatulog
  • Bahagyang pagkaparalisa
  • Panginginig

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Sa unang pagkakataon pa lang ng pagkakakagat ng hayop, agad nang magtungo sa doktor at humingi ng kinakailangang lunas. Ang sakit na dulot ng impeksyon ng rabies ay nakamamatay at di dapat ipagsawalang bahal.

 

Mga kaalaman tungkol sa rabies sa kagat ng aso

Ang rabies ay isang nakamamatay na sakit na dulot ng impeksyon ng rabies virus. Ang rabies virus ay nakukuha mula sa laway na hayop na kadalasang naipapasa kagat. Pangunahing naaapektohan nito ang utak at iba pang bahagi ng central nervous system. Ito ay sakit na karaniwan sa mga bansang umuunlad pa lang, kabilang na ang Pilipinas.

Gaano kalaganap ang mga kaso ng impeksyon ng rabies sa Pilipinas?

Ang sakit na ito ang isa sa mga kinababahala pa rin ng mga alagad ng medisina sa Pilipinas hanggang sa ngayon. Sinasabing ang Pilipinas ay kabilang sa sampung bansang may pinakamataas na kaso ng impeksyon ng rabies. Tinatayang umaabot sa 200 hanggang 300 Pilipino ang namamatay kada taon dahil sa rabies na nakukuha sa kagat ng aso, at karamihan dito ay mga kabataan. Sa dami ng asong pakalat-kalat sa lansangan, hindi malayong maya’t maya ay may mga bagong kaso ng kagat ng aso at impeksyon ng rabies virus.

Paano nakukuha ang rabies?

Sa Pilipinas, ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng impeksyon ng rabies virus ay ang kagat ng aso. Ang rabies virus ay maaaring maipasa mula sa laway papunta sa sugat na nakuha mula sa kagat. Sa paghahalo ng laway sa dugo ng tao nagsisimula ang impeksyon na kalaunan ay makaapekto sa utak ng tao. Ngunit bukod sa aso, maaari din makuha ang virus sa iba pang hayop na kabilang grupong mamalia, kabilang ang pusa, daga, at mga alagang hayop sa bukirin gaya ng baboy, kabayo at baka.

Sino ang maaaring maapektohan ng rabies virus?

Ang lahat ng tao, sa kahit na anong edad o kasarian, ay maaaring maapektohan ng rabies virus basta’t sila ay nakagat ng aso, o kahit na anong hayop na may rabies virus. Bagama’t pinakamataas ang mga kaso nito sa mga kabataan.

Maaari bang makuha ang rabies sa kalmot ng pusa?

Ang rabies virus ay maaari lamang makadulot ng impeksyon kung mahahalo ang laway sa sugat. Ito ay kadalasang nangyayari  lamang sa pagkakakagat ng hayop. Ang kalmot ay hindi itinuturing na dahilan ng pagkakaroon ng impeksyon ng virus, bagaman mayroon pa rin maliit na posibilidad na magdulot ito ng impeksyon. Impeksyong tetano ang mas maaaing makuha mula sa kalmot ng pusa.

 

 

May rabies ba ang kalmot ng pusa?

Q: May Rabies ba ang kalmot ng pusa? bigla na lang kasi akong nakalmot ng pusa nung pag tapon ko ng basura sa amin eh ang layo ko naman sa pusa, kaya ang ginwa ko hinugasan ko agad ng safeguard tpos inaalcohol ko at nilagyan ko ng betadine agad.. anu bang dapat kong gawin eh kuting na gala yun d ko na mahuhuli kung san man sia ngyon at hindi ko alam kung anung kulay yung pusang yun kasi ang bilis ng pang yayari eh sa paa ako nakalmot.. eh kapos naman kami sa pera para magpainjection at ang layo ng sm san lazaro samin.

A: Mababa lang ang posibilidad na may rabies ang kalmot ng pusa, sapagkat ang rabies ay nakukuha sa mga kagat, hindi sa kalmot. Ang pinapayo parin ng mga awtoridad ay magpaturok para sigurado. Para sakin, dahil hindi mo maoobserbahan ang pusa, mas maganda nga na magpaturok ka ngunit gaya ng sabi ko, napakababa ng posibilidad na may rabies ito at ang pagpapaturok ay para lamang sigurado.

Ang kaibahan ng ATS sa bakuna sa rabies

Q: pano kung namatay yung aso after 27 days?eh my bakuna naman po yun,2x p,tapos po yung nakagat eh nabakunahan naman po agad ng tinatawag na ATS s clinic lang po at 1 week siyang uminom ng gamot n mefenamic at cloxacilin. May masama po bang epekto yun sa nakagat?

A: Ang ATS ay HINDI bakuna laban sa rabies! Ito ay isang bakuna laban sa tetanus. Sa makatuwid, hindi nabakunahan ang pasyente laban sa rabies, at kung namatay ang aso pagkatapos, ito ay isang bagay na hindi dapat baliwalain. Ang payo ko ay komonsulta sa doktor at magpabakuna sa rabies. Bagamat maliit lang ang tsansa na ang kagat ng isang aso ay magdudulot ng rabies, ang pagkamatay ng aso ay isang indikasyon na dapat magpabakuna panigurado. Ang rabies kasi ay isang sakit na walang lunas kaya kahit maliit lang ng tsansang magkaron nito, ang payo ng mga doktor ay magpabakuna narin dahil mas mabuti na ang sigurado.

Paano kung nakagat ulit ng aso, kelangan ulit turukan?

Q: Ang anak ko doc ay nakagat ng aso noong nakaraan taon at na injictyonan siya ng anti rabies ang last na enjeksyon niya ay Jan.2 2012 ngayon nakagat siya ng Jan 5 2013 may bisa pa kaya yung anti rabies nya hanggang ngayon tanong ko lang doc

A: Depende kung anong aso ang nakakagat. Kung ang aso na ito ay inyong alaga at wala namang nagbago sa kanya pagkatapos ng 10 araw, pwedeng hindi na. Subalit kung hindi tiyak ang kalalagayan ng asong nakakagat sa inyong anak, panigurado ay maaari siyang turukan ulit ng anti-rabies vaccine. Yung ibang doktor, baka isa o dalawang turok na lamang ang ibigay panigurado lang, ngunit may mga doktor din na magpapayo na kumpletuhin ang apat na turukan.

Bisitahin ang pahinang ito sa Kalusugan.PH para sa dagdag na kaalaman.

Kagat ng aso at rabies: Mga tanong

Lahat ba ng kagat ng aso ay rabies?

Hindi. Tanging mga asong may rabies, o ‘ulol’, lamang ang pwedeng makahawa ng rabies. Subalit dahil maraming asong kalye na hindi sigurado kung may rabies ba o wala, rekomendado na magpaturok ng anti-rabies vaccine o bakuna kontra rabies ang mga taong nakagat ng aso. Ito rin ay dahilan kung bakit maraming taong nakakagat ng aso na hindi nagkakarabies, sapagkat wala naman talagang rabies ang karaniwang ng tao. Ngunit, kaya naninigurado ang mga awtoridad ay sapagkat kung minalas ka at may rabies nga ang aso, kapag ikaw ay nahawa ito, walang gamot na pwedeng ibigay at halos tiyak na ito’y iyong ikamamatay.

Kailangan ba talagang magpaturok ng rabies vaccine?

Oo, kung hindi mo kilala yung asong nakakagat sa iyo at kung malala ang kagat. Ngunit kung maliit lang ang kagat sa kamay o paa at ang aso ay iyong tuta o kilala mo AT maaari mong obserbahan sa loob ng sampung araw (dapat sana isang veterinarian ang magsasagawa nito), pwedeng hindi muna magpaturok, at obserbahan muna ang aso kung ito ay mauulol. Kung ito’y hindi nagbago, nanatiling buhay at malusog, wala itong rabies at ikaw rin ay hindi maaaring mahawa ng rabies.

Paano kung nakagat ako ng alaga naming aso>

Isang halimbawa ay anong tanong na ito: “Ano po ang gagawin ko pagkatapos magasgasan ung daliri ko sa pagsubo ko ng isda sa alaga naming aso kasi po ang daliri ko ay nakagat nya po pahaba pero hindi nman po aggressive ung tuta nmin nsama lng po ung daliri ko ksi kla nya po pagkain?” Ang sagot dito, ay, una, hugasan ng mabuti ang sugat gamit ang sabon at tubig. Kung ang alaga nyong aso ay maoobserbahan sa loob ng sampung araw (dapat sana isang veterinarian ay magsasagawa nito) at kung mukha namang walang itong rabies, ikaw ay ligtas at hindi mo na kailangan ng rabies vaccine. Subalit kung hindi ito magagawa, panigurado ay magpunta ka narin sa isang animal bite center upang magpaturok ng anti-rabies vaccine.

Paano kung ang asong nakakagat sa akin ay nabakunahan?

Kung gayon, kung tutuusin ay halos napakaliit ng posibilidad na may rabies sya at mahahawahan ka nya ng rabies. Subalit, panigurado, rekomendado na obserbahan parin ang aso sa loob ng 10 araw, kasi malay mo hindi walang gumana yung bakuna. Ito ay panigurado lamang pero mas okay na ang sigurado.

Tama ba na turukan agad ng anti-rabies kahit may turok naman ang aso?

me nakagat po ang alaga naming aso multiple po ang sugat ng nakagat, ang sabi po ng doktor eh obserbahan muna ng 10 days ang aso bago turukan ng anti rabies, anti tetano lang daw po muna ang iturok, eh ng itesting po ay positive sa allergy kay ang itinurok po ng nurse ay yong rabifour tapos kelangan din daw po na maturukan agad ng anti rabies dahil multiple yong sugat at ang halaga po ng vaccine eh 5050 pesos, tama po ba na turukan agad ang pasyente ng ganun? o dapat po muna obserbahan ang aso? kasi po me turok naman yong aso namin!

A: Kung marami o malaki ang sugat, mas safe talaga at naaayon sa protocol na turukan narin ng anti-rabies vaccine para makasiguro na hindi magkakaron ng rabies. Subalit kung kompirmadong may turok ang aso, kung wala naman itong sintomas ng pagiging ulol o pagkakaron ng mga sintomas ng rabies, at kung maoobserbahan ito ng 10 araw, maaari din namang sundin ang payo ng unang doktor na obserbahan muna ng 10 araw.

Ligtas na ba ako kung naturukan na ako ng series ng shots?

hello po dok. my katanungan lang po ako about sa rabies.. naglalaro po kc kami ng tuta ko na 3 months old tapos d po sinasadya na nagalusan ng ngipin nya ung daliri q nung march 29, 2014 ng umaga, . dumugo po peru napakaliit lang. tapos kinabukasan po pinacheck po namin sa veterinarian ung tuta ko. sv po is 90% na walang rabies ung tuta at 10% na my rabies. tapos sv po na magpavaccine na din kami para sigurado. sinaksakan po ng pampatulog ung tuta . at sv po na wag muna papakainin ung tuta pag nagising kc daw po mabubulnan dahil sa gamot. at nag pa vaccine narin po ako nung after namin pacheck ung tuta ng gabi ng march 30. tapos po kinabukasan ng gabi pinakain q po ng tinapay ung tuta ko. tas iniwanan q lang nabulunan po sya sa tinapay at namatay,.. doc dahil po kaya un sa rabies or sa sinaksak ng veterinarian.. ska dumaan na din po ako sa sereies of shot. ligtas na po ba ako? kc tapos na po ang series of shot. 4 months na po ako ngaun mula nung nakagat …slamat po sa pagsagot doc

A: Yes ligtas ka na kung naturukan ka naman ng series ng gamot. Yung tuta naman, malamang nabuluan talaga siya dahil sa gamot, lalo na kung hindi naman siya nagpakita ng sintomas ng rabies.

Nahagip lang ng ngipin ng tuta ang kamay ko. May rabies kaya siya?

Q: Doc, kahapon po nag lalaro kami ng alaga kong aso mag 4 months old plang po sya. tpos mdyo nahagip ng ngipin nya ung kamay ko. di naman nasugat pero nagkaroon sya ng scratch at namantal sya ng kunti pero walang sugat. at nung may 3 napaturukan ko sya ng anti rabies. may rabies po kaya sya? need ko po ba magpacheck sa doctor?

A: Kung scratch lang at hindi nagdugo, at kung ang aso ay may turok ng anti-rabies na wala naman siyang sintomas ng pagiging ulol o wala namang pagbabago sa kanya, sa palagay ko hindi mo naman kailangang magpatingin sa doktor. Obserbahan mo parin ang aso sa loob ng 10 araw para sigurado.

Pag walang sugat o hindi dumugo, pwede parin bang magma-rabies?

Q: Pag wala po bang sugat yung nakagat sayo ng aso o hindi po dumugo ay may chance po ba na magka rabies ako?

A: Tulad ng huli kong sagot, kung walang sugat at hindi dumugo, at kung ang aso ay walang sintomas o pagbabago at maoobserbahan naman sa loob ng 10 araw, hugasan lang ng mabuti ang sugat gamit ang tubig at sabon. Magpatingin sa doktor kung mamaga, mamula, o may pagbababgo sa sugat o sa aso pero kung wala naman ay huwag nang mag-alala.