Mga tanong sa rabies at bakuna laban sa rabies

Kailangan ba talagang magpaturok? Marami naman akong kilalang nakagat ng aso at hindi nagka-rabies.

Hindi lahat ng kagat ng aso ay may rabies. Kaya pwede ka talagang maka-chamba at makagat ng aso, hindi magpaturok, at hindi magkasakit. Subalit, kung mapatapat na ikaw ay makagat ng asong may rabies at hindi ka magpaturok, halos siguradong patay ka, sapagkat walang gamot sa rabies kung ito ay mag-umpisa na sa katawan. Ang tanging ‘exception’ dito ay kung kilala mo ang aso o pusa na nakakagat sa’yo at ito’y maoobserbahan sa loob ng 10 araw. Kung wala namang pagbabago sa kanya, ibig sabihin, wala siyang rabies at pwede mo nang itigil (o hindi umpisahan) ang bakuna.

Lahat ba ng nakagat ng aso ay kailangang turukan ng bakuna sa rabies?

Kung ang aso o pusa ay maoobserbahan sa loob ng 10 araw, lalo na kung ito ay matagal ng kasama sa bahay, maaaring hindi muna magpaturok ng bakuna at tingnan muna kung ano ang mangyayari sa aso. Kung ito ay manatiling normal at hindi ulol mula unang araw hanggang 10 araw, okay lang na hindi na turukan ng anti-rabies vaccine. Subalit kung ang aso ay namatay, naka-alpas, o nag-iba ang ugali at na-ulol, dapat umpisahan ang pagtuturok ng bakuna laban sa rabies. Dapat sana, ang obserbasyon na ito ay isagawa ng veterinarian.

Ilang beses kailangan magpaturok ng bakuna laban sa rabies?

Apat hanggang limang turukan, depende sa payo ng doktor o health professional na titingin sa inyo:

  • Sa araw mismo na nakagat
  • Makalipas ang tatlong araw pagkatapos makagat
  • Makalipas ang isang linggo pagkatapos makagat
  • Makalipas ang dalawang linggo pagkatapos makagat
  • *Makalipas ang isang buwan pagkatapos makagat

Paano kung naturukan na dati, pero nakagat ulit ng aso. Kailangan ba ulit ng bakuna?

Depende kung gaano nang katagal ang huling turok. Maaaring isa o dalawang booster shots na lamang ang kailangang ipaturok, sa halip na apat o lima. Subalit kung hindi sigurado ang lebel ng proteksyon, halimbawa kung matagal na yung bakuna, maaaring isagawa ulit ang 4-5 na turukan. Ngunit, kung maoobserbahan naman ang hayop sa loob ng 10 araw, maaaring hindi na kailanganin ng bakuna kung mapapatunayang wala namang rabies yung aso.

Katuturok ko lang po ng anti-rabies last week ngayun po nakagat po ulit ako ng aso. Kailangan pa bang magpaturok ulit?

Depende kung ilang turok ang naibigay sa iyo. Karaniwan, ang payo ng mga eksperto ay ang pagtuturok ng dalawa na lamang na booster sa mga taong may turok na dati ngunit nakagat ulit. Ngunit kung maoobserbahan naman ang hayop sa loob ng 10 araw, maaaring hindi na kailanganin ng bakuna kung mapapatunayang wala namang rabies yung aso.

Ano ang mabisang gamot sa rabies?

Muli, walang gamot sa rabies kundi ang bakuna upang mapigil ang paglaganap nito sa katawan. Tingnan ang mas mahabang sagot sa tanong sa Kalusugan.PH.

Bukod sa aso’t pusa, ano pang mga hayop ang pwedeng magdala ng rabies?

Sa Pilipinas at sa buong mundo, mga aso ang pinaka-karaniwang may dala ng rabies, subalit ang mga paniki, asong gubat, at iba pang mga hayop ay maaari ring magdala ng rabies. Anumang kagat ng anumang hayop ay kailangang ipatingin sa doktor panigurado.