Q1: Gusto ko lang itanong: Pwede bang maligo ang may bulutong tubig?
Q2: Pwede bang maligo kapag magkaroon ka nang tigdas-hangin?
A: Ang sagot sa inyong mga tanong ay, oo, pwedeng maligo kung ikaw ay may bulutong (varicella), tigdas-hangin (german measles), o tigdas (measles). Hindi nakakasama ang paliligo sa iyong sakit, at maaari ngang makatulong pa ito sapagkat kung presko ang iyong pakiramdam, hindi ka kakatihin. Ang pagkakamot sa mga pantal-pantal ng tigdas o bulutong ay isang maaaring magpalala sa sakit na ito.
Sa mga ilang sakit sa balat, gaya ng bulutong o tigdas-hangin, kapag mainit ang tubig ay maaaring magpalala ng pangangati. Kaya kung ikaw ay maliligo, ang payo ko ay gumamit ng malamig o maligamgam na tubig.
Basahin ang mga kaugnay na artikulo sa Kalusugan.PH:
Isang popular na pamahiin sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asya ang pananaw na ang mga elemento sa kalikasan, gaya ng tubig, hangin, ginaw, at init, ay nagdudulot o nagpapalala sa pagkakasakit. Marahil, ito ang dahilan kung bakit ayon sa mga matatanda ay bawal ang paliligo sa mga taong may bulutong o tigdas. Isa pang paliwanag ay ang posibilidad na noong araw ay ang kalinisan ng tubig-gripo ay hindi sigurado. Ngunit sa ngayon, ang mga pag-aalala tungkol sa tubig ay hindi na mahalaga, at ayon sa mga pag-aaral, walang masamang epekto ang paliligo para sa mga may bulutong, tigdas, o tigdas-hangin.