Balitang Kalusugan: Regular na pag-inom ng kape, makabubuti sa puso

Pagpapabuti ng daloy ng dugo, at pagpapababa ng posibilidad ng pagbabara sa mga ugat, iyan ang sinasabing mabuting maidudulot ng pag-inom ng kape araw-araw. Ito ay ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa ng mga batang siyentipiko sa bansang Korea.

kape

Ayon sa kanila, ang mga taong umiinom ng 3 hanggang 5 tasa ng kape bawat araw ay may mas mababang posibilidad ng pagkakaroon ng baradong coronary artery dulot ng namuong calcium sa loob ng mga ito. Ang coronary arteries ang siyang nagsusuplay ng dugo sa puso, kaya’t ang pagbabara nito ay tiyak na konektado sa pagkakaroon ng mga karamdaman sa puso.

Ang pag-aaaral na ito ay taliwas sa paniniwala noon na ang pagdaragdag ng caffeine sa katawan ay maaaring maka-kontribyut sa pagkakaroon ng sakit sa puso.

Ang pag-aaral ay isinagawa sa Kangbuk Samsung Hospital sa Seoul, South Korea  sa pamumuno ni Dr. Eliseo Guallar kung saan kumalap sila ng impormasyon sa 25,000 na katao na ang edad ay naglalaro sa 41 taong gulang.

Binantayan ang lebel ng calcium sa mga ugat ng mga rumesponde at napag-alaman na ang mga taong umiinom ng 3 hanggang 5 tasa ng kape bawat araw ay mas mababa ng 40 porsyento sa lebel ng calcium kung ikukumpara sa mga taong hindi uminom ng kape.

Bukod sa pag-aaral na ito, mayroon nang mga naunang ulat at pag-aaral na nagsasabi rin na may benepisyong maaaring makuha sa regular na pag-inom ng kape, ngunit sinasabing ang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Guallar at mga kasama niya ang pinakamalaking pag-aaral sa relasyon ng kape at kalusugan ng puso.

Paano makaiwas sa mabilis na tibok ng puso o tachycardia?

Ang susi para mapigilan ang pagkakaroon ng tachycardia ay ang pag-iwas mismo sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Ngunit kung mayroon nang sakit sa puso, maaring dapat ay panatilihin lang na malusog ang puso at katawan.

  • Regular na pag-eehersisyo – Ang regular na pagtakbo o anumang pisikal na gawain ay makatutulong na palakasin ang puso at maiwasan ang mga posibleng kondisyon o karamdaman dito.
  • Pagkain ng masusustansyang pagkain – Ang pagkain ng sapat at masusustansyang pagkain ay makatutulong sa pangkalahatang kalusugan ng katawan.
  • Pagpapanatili ng tamang timbang – Ang pagiging mabigat o overweight ay nakapagpapataas ng panganib sa puso, kung kaya mahalaga na mapanatiling tama lang ang timbang.
  • Pagmementena sa presyon ng dugo – Ang pagiging mataas o mababa ng presyon ng dugo maaring makaapekto sa puso kung kaya makabubuti rin na nasa normal ang presyon ng dugo.
  • Pagtigil sa paninigarilyo at pag-inom ng alak – ang mga bisyong ito ay hindi lamang nakasasama sa puso kundi sa iba pang bahagi ng katawan gaya ng atay, bato at baga.
  • Umiwas sa bawal na gamot – Bukod sa walang naidudulot na maganda ang paggamit ng bawal na gamot, nakadaragdag din ito ng panganib sa pagkakaroon ng sakit sa puso
  • Bawasan ang caffeine – Ang sobrang caffeine ay maaaring makapagpabilis sa tibok ng puso, kung kaya, makatutulong kung lilimitahan ang pag-inom ng mga inumin na mayroon nito.
  • Regular na magpatingin sa doktor – Makatutulong na maagapan ang pagkakaroon ng tachycardia kung regular na magpapatingin sa doktor.

Ano ang gamot sa mabilis na tibok ng puso o tachycardia?

Mahalaga ang paggagamot sa tachycardia upang mas mapabagal ang mabilis na pagtibok, maagapan ang mga posible pang atake ng tachycardia, at mapigilan na humantong sa mas sersyosong komplikasyon.

Upang mapabagal ang mabilis na tibok ng puso:

  • Vagal Maneuver – Maaaring mapabagal ang tibok ng puso sa pamamagitan ng Vagal Maneuver na maaaring makaapekto sa vagal nerve na tumutulong sa pagregulisa ng pagtibok ng puso.
  • Gamot – Ang mga gamot na anti-arrhythmic drug gaya ng flecainide at propafenone na nakatutulong pabalikin sa normal na pagtibok ang puso ay maaaring iturok sa ospital kung sakaling hindi tumitigil ang mabilis na tibok ng puso.
  • Cardioversion – Nakatutulong din ang cardioversion o pagpapadaloy ng mahinang kuryente patungo sa puso upang pabalikin sa normal na tibok ang puso. Kadalasan itong isinasagawa kapag hindi gumana ang Vagal maneuver at mga gamot.

Upang mapigilan ang mga posibleng atake ng tachycardia:

  • Catheter Ablation – Pinipigilan nito ang tachycardia sa pamamagitan ng paglalagay ng catheter sa ugat na daluyan ng dugo patungo sa puso at magpapadala ng init o lamig para makontra ang sobrang electrical impulse sa puso.
  • Paglalagay ng instrumento sa dibdib – Maaaring maglagay sa loob mismo ng dibdib ng isang maliit na instrumento o device na makatutulong pigilan ang atake ng tachycardia.
  • Operasyon – Maaari din magsagawa ng operasyon sa puso at babawasan ang daluyan ng electrical signals upang mapigilan ang mga posibleng susunod pang atake ng tachycardia.

Paano malaman kung may mabilis na tibok ng puso o tachycardia?

Mahalagang matukoy kaagad ang pagkakaroon ng kondisyon ng tachycardia bago pa ito humantong sa mas seryosong komplikasyon. Kung kaya, makabubuti ang agarang pagpapasuri sa doktor sa oras na maramdaman ang mga sintomas nito. Upang matukoy ang pagkakaroon ng tachycardia maaring suriin gamit ang mga sumusunod:

  • Electrocardiogram (ECG) – Ang electrocardiogram ay ang pangunahing instrumento na ginagamit para basahin ang pagkilos ng puso. Kung kaya, ito ang pinakaepektibong paraan para matukoy ang pagkakaroon ng tachycardia. Ito ay binubuo ng mga sensors na idinidikit sa braso, hita at dibdib na nakakabit sa makinang bumabasa sa paggana ng puso.
  • Electrophysiology test – Isinasagawa ang pagsusuring ito sa pamamagitang ng pagpasok ng mahabang catheter o tubo sa daluyan ng dugo patungo sa mismong puso, at pagbasa sa electrical impulse na na nagaganap mula sa puso. Sa pamamagitannito, maaaring matukoy ang mismong bahagi ng puso na nakakaranas ng abnormalidad.

Ano ang mga sintomas ng mabilis na tibok ng puso o tachycardia?

Minsan, ang pagkakaroon ng tachycardia ay walang naidudulot na sintomas at natutukoy lamang kapag nagpatingin sa doktor. Ngunit ang mga kadalasang sintomas na maaaring idulot ng pagkakaroon ng tachycardia ay ang sumusunod:

  • Pagkahilo
  • Hirap sa paghinga
  • Mabilis na pulso
  • Pagkabog ng dibdib (palpitation)
  • Pananakit ng dibdib
  • Pagkahimatay

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Sa oras na maramdaman ang mga sintomas ng tachycardia gaya ng hirap sa paghinga, pagkabog at paninikip ng dibdib, lalo na kung ito ay tumagal na ng ilang minuto o higit sa isang oras, dapat ay agad nang magtungo sa doktor sapagkat maaari itong humantong sa atake sa puso. Makatutulong din ang regular na pagpapa-tingin sa doktor upang ma-monitor ang paggana ng puso nang maaagapan ang posibleng komplikasyon.

Mga kaalaman tungkol sa Mabilis na Tibok ng Puso o Tachycardia

Ang tachycardia ay ang kondisyon ng pagbilis ng tibok ng puso ng tao kahit na siya ay nakapahinga. Kung ang tibok ng puso ng isang malusog na tao ay umaabot lamang ng 60 hanggang 100 na tibok kada minuto, ang taong may tachycardia ay humihigit ng husto dito. Bagaman walang nakababahalang sintomas na naidudulot, kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa iba pang kondisyon sa puso o atake sa puso.

Ano ang sanhi ng tachycardia?

Ang pagkilos at pagkapagod, gaya ng pag-eehersisyo o pagtakbo, ay ang karaniwang sanhi ng pagbilis ng tibok ng puso, bagaman ito ay normal na reaksyon lamang ng katawan. Sa ibang pagkakataon kung kailan maituturing na hindi normal ang pagbilis ng tibok ng puso, ang pangunahing dahilan ay ang pagbabago sa electrical impulses na kumokontrol sa normal na galaw ng puso. At ang mga electrical impulses na ito naman ay maaaring maapektohan ng ilang mga bagay gaya ng mga sumusunod:

  • Pinsala sa kalamnan ng puso dahil sa isang sakit.
  • Abnormalidad sa daloy ng kuryente mula sa kapanganakan
  • Anemia
  • Stress
  • High blood pressure
  • Paninigarilyo
  • Lagnat
  • Sobrang alcohol sa katawan
  • Sobrang pag-inom ng caffeine
  • Epekto ng gamot
  • Paggamit ng bawal na gamot
  • Pagbabago sa electrolytes ng katawan
  • Hyperthyroidism

 

Sino ang maaaring makaranas ng tachycardia?

Ang lahat ng tao ay posibleng dumanas ng kondisyong ito, ngunit ang panganib ng pagkakaroon nito ay lalong tumataas dahil sa mga sumusunod na salik:

  • Kung ikaw ay may sakit sa puso
  • Kung ikaw ay may altapresyon
  • Kung ikaw ay anemic
  • Kung ikaw ay malakas sa inuming may caffeine
  • Kung ikaw ay malakas sa paninigarilyo
  • Kung ikaw ay malakas uminom ng alak
  • Kung ikaw ay gumagamit ng ipinagbabawal na droga
  • Kung ikaw ay matinding nag-aalala o nerbyoso

Bukod sa mga nabanggit, ang posibilidad ng pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay maaari ring mapataas sa pagtanda at kung ito ay karaniwang kondisyon sa pamilya.

Ano ang mga komplikasyon ng tachycardia?

Ang komplikasyon ng tachycardia ay naiiba-iba depende kung anong bahagi ng puso ang nakararanas ng abnormalidad sa electrical impulse. Maaring itong humantong sa pamumuo at pagkabara ng daluyan ng dugo, panghihina ng puso, pagkahimatay, o kaya naman ay biglaang kamatayan.