Mga kaalaman tungkol sa Vital Signs

Ano ang vital signs at bakit ito mahalaga?

Ang vital signs ay ang apat na pangunahin at mahalagang batayan ng normal na paggana ng mga sistema ng katawan. Sinusukat ang mga ito upang masuri ang pangkalahatang kalagayang ng katawan. Alinman sa apat ang makitaan ng abnormalidad ay maaaring magpahiwatig ng karamdaman, o kondisyon sa katawan. Ito rin ang pangunahing tinitignan upang malaman ang pagbuti ng pakiramdam mula sa pagkakasakit.

Anu-ano ang mga pangunahing vital signs?

Mayroong apat na pangunahing vital signs na tinitignan sa bawat indibidwal. Ito ay ang temperatura (body temperature), pulso (pulse rate), paghinga (respiration rate), at presyon ng dugo (blood pressure). Bawat isa sa mga ito ay mayroong normal na sukat na siyang pamantayan ng lahat ng alagad ng medisina sa pagsusuri sa isang tao. Narito ang mga normal na sukat ng vital signs:

  • Temperatura – 35.8°C hanggang 37.7°C
  • Pulso – 60 hanggang 80 bpm (beats per minute)
  • Paghinga – 12 hanggang 18 bpm (breaths per minute)
  • Presyon ng Dugo – 120 over 80

Paano sinusukat ang mga vital signs?

Ang pagsukat ng mga vital signs ay maaaring gawin kahit saan basta mayroong mga instrumento sa pagsukat. Ang apat na pangunahing instrumento na pangsukat ng vital signs ay ang thermometer, sphygmomanometer, orasan, at stethoscope. Dapat tandaan na upang makuha ang normal na sukat ng vital signs, dapat ay nakapahinga (at rest) ang taong susukatan sapagkat maaaring maapektohan ang sukat kung ang tao ay hinihingal at pagod.

Sa pagsukat ng temperatura, kinakailangang ang thermometer. Gamit ang instrumentong ito, na iniiwan lamang na nakaipit sa kili-kili, pinapasok sa tenga o puwit, o kaya naman ay sinusubo sa bibig sa loob ng ilang minuto, maaaring masukat ng tama ang temperatura ng katawan.

Sa pagsukat naman ng paghinga, gumagamit lamang ng orasan. Pinapakiramdaman lamang ang bawat paghinga sa loob ng isang minuto. Gayun din sa pagsukat ng pulso. Pinapakiramdaman din lamang ang bawat pintig ng pulso sa porselasan (wrist) o pulso sa leeg sa loob ng isang minuto. Kung mahina naman ang pulso, maaaring gamitan ng stethoscope upang mapakinggan ng maaayos. Minsan pa, mismong ang pintig ng puso ang mismong sinusukat.

Ang presyon ng dugo ay sinusukat naman gamit ang sphygmomanometer, isang instrumento na isinusuot sa braso, at stethoscope. May dalawang bagay na sinusukat sa pagkuha ng presyon ng dugo, ang systolic pressure o ang mas mataas na numero, at ang diastolic pressure o ang mas mababang numero. Ang systolic pressure ay ang tumutukoy sa presyon ng dugo kasabay ng pagpintig ng puso, habang ang diastolic pressure naman ay ang presyon ng dugo sa pagitan ng bawat tibok.

Anu-ano ang mga salik na maaaring makaapekto sa normal na sukat ng vital signs?

Ang mga vital signs ng bawat tao ay maaaring maiba-iba depende sa iba’t ibang salik gaya ng edad, timbang, kasarian, kondisyon sa katawan at pangkalahatang kalusugan. Gayun din ang mga pisikal na gawain at mga nakasanayan na. Halimbawa, ang pag-eehersisyo o kahit na simpleng pagtakbo ay maaaring makaapekto sa sukat ng paghinga, pulso, at maging sa presyon ng dugo. Ang paninigarilyo at pag-inom ng mga gamot ay nakaaapekto rin sa normal na sukat ng vital signs.