Kailan tumitigil ang pagtangkad ng tao?

Tuwing nalalapit na bagong taon, nauuso ang paniniwalang tatangkad pa kung makakatalon sa pagsapit ng alas-dose ng hating gabi. Ito ay para sa mga taong umaasa pa rin na madagdagan ang kanyang tangkad. Natural lamang ito sapagkat para sa mga Pilipino, ang pagiging matangkad ay isang magandang katangian. Para sa karamihan sa atin, “height does matter.” Ngunit kailan nga ba tumitigil sa pagtangkad ang isang tao at ano ang mga salik na makakaapekto sa kung gaano kataas ang maaaring itangkad ng isang indibidwal?

Gaano kataas ang isang karaniwang Pilipino?

Bago ang lahat, dapat muna nating malaman kung ano nga ba ang karaniwang taas ng isang Pilipino at Pilipina. Ayon sa mga pag-aaral ang karaniwang taas ng mga kalalakihan sa Pilipinas ay 163.5 cm o 5′ 4.4″ samantalang ang mga kababaihan naman ay 151.8 cm o 4′ 11.8″. Ang karaniwang taas na ito ay naapektohan ng ilang salik kung kaya’t mayroong mga taong likas na matangkad, at mayroon din naman likas na mababa.

Ano ang mga salik na makakaapekto sa pagtangkad ng mga tao?

Unang una, ang tangkad ng isang tao ay naapektohan ng genes na nananalaytay sa isang pamilya. May mga pamilya na likas na matatangkad, at mayroon din namang mga pamilya na bansot. Kung ang mga magulang mo ay parehong matangkad, hindi malayong mamana mo ang katangiang ito at lumaking matangkad din. Gayundin kung maliit ang iyong mga magulang, may posibilidad na ikaw rin ay maging maliit. Minsan naman, kahit maliit ang mga magulang, mayroon isang anak na naiiba at biniyayaan ng tangkad. Posible itong mangyari lalo na kung isa sa mga ninuno ng mga magulang ay matangkad rin.

Bukod sa salik na ang tangkad ay namamana, may ilan pang bagay na makaaapekto sa tangkad ng isang tao. Kabilang dito ang nutrisyon na nakukuha ng panahon ng pagbibinata o pagdadalaga kung saan pinakaaktibo ang pagtangkad ng isang tao. Sa panahong ito, dapat ay mataas at tuloy-tuloy ang nutrisyon na nakukuha ng katawan mula sa mga pagkain o kaya’y mga bitamina at food supplement sapagkat mataas ang pangangailangan ng tumatangkad na katawan sa mga ito. Makaaapekto rin ang mga karamdaman na maaaring maransan sa panahong ng pagdadalaga at pagbibinata. Maaaring agawin ng isang karamdaman ang nutrisyon na dapat ay para sa tumatangkad na katawan. May iba ding sakit gaya ng dwarfism na maaaring pumigil talaga sa pagtangkad ng tao. Ito ang dahilan kung bakit mayroong mga taong unano.

Posible bang mahulaan ang maaaring itangkad ng isang tao?

Ayon sa mga pediatrician o specialista sa mga bata, mayroong formula para mahulaan ang tangkad ng isang lumalaking bata.Bago ang lahat, dapat munang malamang ang tangkad ng ina at ama ng bata. Pagkatapos ay sagutin lamang ang sumusunod na formula:

  • Para sa mga kalalakihan: [(tangkad ng ina + 5 pulgada) + tangkad ng ama] hatiin sa dalawa
  • Para sa mga kababaihan: [(tangkad ng ama – 5 pulgada) + tangkad ng ina] hatiin sa dalawa

Ang magiging resulta ay maaring dagdagan o bawasan ng 2 pulgada, at maaring iyon ang pinal na tangkad ng isang bata pag-laki nya.

Kailan nagsisimula ang pagtangkad at kailan din ito tumitigil?

Ang pagsisimula ng pagtangkad ay naiiba para sa mga babae at lalaki. Sinasabing para sa mga babae, ang pagtangkad ay nagsisimula sa edad na 9-10 na taong gulang, habang sa mga lalaki naman ay sa edad na 11 na taong gulang. Pinaka aktibo ang pagtangkad sa edad na 11 o 12 sa mga kababaihan, habang sa edad na 13 naman sa mga kalalakihan. Humihinto naman ang pagtangkad na ito sa pagtatapos ng puberty stage. Nangyayari ito sa edad na 15-17 para sa mga babae, at 16-17 naman sa mga lalaki. Dapat tandaan na ang puberty sa bawat tao ay naiiba-iba depende sa kung gaano kataas ang mga lebel ng hormones sa katawan, maaring magsimula ito ng maaga at matapos din ng mas maaga, o kaya’y kabaligtaran.

Ano ang dapat gawin para lalo pang tumangkad?

Ang susi para mas lalo pang tumangkad ay ang pananatiling malusog ang katawan na may sapat na pahinga. Upang maging malusog, dapat ay kumpleto at sapat ang nutrisyon na nakukuha mula sa mga pagkain sa bawat araw at higit itong kailangan sa panahon ng puberty. Dapat ay kumpleto din ang tulog na hindi bababa sa 8 oras. Ang mga supplement at gamot na nagsasabing nakakatangkad ay walang garantiya na talagang makapagpapatangkad.