Nangangati at may mga butlig sa vagina

Q: Gusto ko po malaman kung normal lang po ba na kumati ang vagina ung paligid at magkaroon ng butlig sa paligid dahil sa pakikipag sex? Nung unang beses po ako nakipag sex ang sakit sakit lang po ng vagina ko pero ng ilang beses na po kami nagsex ng bf ko dun na po kumati at nagkabutlig ng kinamot ko. Lagi naman po ako ng fefeminine wash. Ano po ang pede kong gawin? Thank you.

A: Ang pagiging makati ng pwerta ay maraming sanhi (tingnan ang sagot ko sa tanong na ito) subalit kung may kasamang butlig-butlig sa pwerta, isang posibilidad ay ang pagkakaron ng genital herpes, isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Ang magandang balita ay ang herpes ay kusang nawawala subalit dapat iwasan itong kamutin para hindi lumala. May mga gamot din na maaaring inumin para mapabilis ang paggaling subalit ang mga gamot na ito – tinatawag na antiviral medications – ay may kamahalan at kinakailangan ng reseta ng doktor. Pinapayo ko na magpatingin ka sa doktor na komportable kang kausapin upang matiyak kung ano ay iyong kondisyon.

Dahil ikaw at ang boyfriend mo ay sexually active, mahalagang malaman ninyo kung paano maka-iwas sa mga sexually-transmitted diseases o STD. Basahin ang artikulong ito sa Kalusugan.PH para sa kaalaman tungkol dito.

Pruritus vulvae: Makating-makati ang ari ng babae

Q: My ngyari po saakin na kakaiba saaking ari … Nung unang dalawang bwan ko po dito sa japan ay madalas na kumakati ang labas ng aking ari o sa gilid ng aking mani .. Habang tumatagal lalo itong pakati ng pakati .. Etong nakaraan linggo ay may nakapa po akong magaspang na parang kalyo at itoy mahapdi .. Ang ipinagtataka ko lang po ay kung saan ko nakuwa ito dahil wala pong gumagamit saakin. Nag search po ako sa google at nakakakilabot ang aking mga nakita .. Anu po ba ang pwede kong gawin ? Dahil po sa twing umiihi ako ay mahapdi . Sana po ay matulungan nio po ako . Salamat po

A: Mahirap matukoy kung ano ba talaga yang iyong nararamdaman sapagkat hindi kita ma-examine, ngunit base sa iyong kwento, ang iyong karamdaman ay isang sintomas na tinatawag na ‘pruritis vulvae’ o pangangati ng ari ng babae.

Marami itong maaaring sanhi, kabilang na hindi ang mga impeksyon, STD man o hindi, gaya ng kurikong na makating-makati. Ang paggamit ng anumang pinapahid sa ari, gaya ng mga lotion, wash, sabon, at iba pa ay maaari ring maka-irita ng balat sa may ari, at mag-sanhi ng pangangati. Pwede rin itong isang uri ng allergy. May mga pagbabago ka bang ginawa sa iyong ari, gaya ng pagpapalit ng bagong sabon, o bagong panty? Lahat ng ito’y mahalagang balikan upang matuklasan ang sanhi, gayundin, may mga sakit na maaaring maging sanhi nito.

Dahil maraming pwedeng pagmulan ang pangangati sa ari, ang payo ko ay magpatingin ka sa doktor diyan sa Japan upang matukoy kung ano ba talaga ang sanhi nito, para magamot ito. Mareresetahan ka rin niya ng cream na pwedeng ipahid (o kaya gamot na pwedeng inumin) upang mabawasan ang pangangati.