Mga pagkain na nakakababa ng cholesterol

Mataas ba ang iyong kolesterol? Dahil sa pagkain din nanggagaling ang kolesterol,ang pagkain ng wasto at masustansya ay ang pinakamahalagang paraan upang mapababa ang antas ng kolesterol sa iyong katawan. Basahin ang artikulong ito para sa sampung pagkain na nagpag-aralang nakakatulong na magpababa ng koleserol.

1. Bawang

Ang bawang ay hindi lamang proktesyon sa aswang: Ito’y mabisa rin laban sa kolesterol, at nakakababa din ng presyon ayon sa iba’t ibang pag-aaral. Bagamat hindi tiyak kung ang supplements ng bawang ay pwede ring gamitin, ang sariwang bawang mismo ay rekomendado parin ng maraming doktor. Ang mga benepisyo ng bawang ay isang magandang bonus sapagkat masarap naman talaga itong gawing sangkap sa iba’t ibang pagkain. Idagdag ang bawang sa ulam at gulay.

Garlic

2. Spinach, malunggay, at iba pang gulay-dahon

Ang mga gulay-dahon gaya ng malunggay ay may mataas na antas ng ‘lutein’, isang kemikal na napag-alamang nakakababa ng LDL cholesterol o “bad cholesterol”. Syempre, bukod sa lutein, madami pang ibang taglay na sustansya ang mga berdeng gulay at ang pinagsasamahang epekto ng mga ito ang dahilan kung bakit natin nirerekomenda ang mga gulay na ito. Ugaliing kumain ng gulay sa tanghalian at hapunan. Kainin ito sa umpisa pa lamang ng kainan. Pinakamabisa ang mga gulay na ito kung sariwa o ilalaga lamang ng kaunti.

3. Tokwa, tofu, taho, soymilk at iba pang pagkaing gawa sa ‘soy’

Ang mga pagkaing gawa sa ‘soy’ o mga ‘soybeans’ ay mataas sa protina at nakakatulong din na magpababa ng kolesterol. Iwasan ang madaming lanais sa pagluluto ng tokwa at tofu, at iwasan din o bawasan ang syrup, gatas, asukal kung kakain ng taho. Sa soy milk naman, piliin ang mga produkto na mababa o walang asukal (unsweetened) at walang dagdag na ibang flavor gaya ng tsokolate o vanilla.

 

tofu

4. Sitaw, bataw, patani, monggo at iba pang ‘beans’

Dahil sa mataas na fiber, ang mga iba’t ibang beans ay nagbibigay ng pakiramdam na busog ka na kaaagad, at dahil dito, nakakatulong na maiwasan ang pagkain ng marami. May mga beans na pwedeng igulay at may mga beans din na pwedeng ihalili sa kanin. Subukan ang iba’t ibang beans at iba’t ibang paraan ng pagluluto!

5. Mga isdang dagat gaya ng tuna at sardinas

Ang pagkkakaron ng omega-3 fatty acids sa mga isdang dagat ay ang dahilan kung bakit nakakababa ang mga ito ng kolesterol. Maski yung mga nasa delata ay pwede din – pero iwasan yung mga may iba’t ibang flavor. Ikompara ang antas ng calories sa iba’t ibang mga produkto. Lalong maganda kung sa halip ng pagkain ng baboy at iba pang karne ay usda na lang ang gagawin mong ulam.

6. Kasuy, pili, at iba pang mga mani o ‘nuts’

Sa halip na memeriendahin mo ang mga matamis na pagkain, kumain na lang ng mani. Subalit dapat hindi din mapasobra ang pagkain sa mga mani sapagkat mataas din sa fats at calories ang mga ito. 20-30 na piraso ng mga mani kada araw ay sapat na para matamo ang mga benepisyong naibibigay ng mga ito sa katawan.

kasoy

7. Green tea o berdeng tsaa

Hindi masyadong uso sa Pilipinas ang green tea pero ito’y hinihinalang isang dahilan kung bakit mahaba ang buhay ng mga tao sa Japan, kung saan ito’y iniinom ng nakakarami. Madaling nang makabili ngayon ng green tea sa mga supermarket. Ugaliing uminom nito tuwing umaga, o kahit anong oras araw-araw. Mataas sa antioxidants at ibang sustansya ang green tea. Piliin ang green tea na walang halong asukal o pampatamis. Sa una, maaaring matabang ito para sayo ngunit kapag nasanay ka, masasarapan ka din sa lasa nito.

Paano makaiwas sa diabetes?

Ang Type 1 Diabetes ay hindi maiiwasan, pero ang Type 2, na siyang higit na mas karaniwan, ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya, pag-eehersisyo o pagiging mas aktibo, at pagbabawas ng timbang.

Pagkain ng masustansya at pag-iwas sa matataba at sobrang tamis na pagkain

Ang pagkain ng masustansya ay hindi lamang nakaka-iwas sa diabetes, nakakiwas din ito sa iba’t ibang sakit gaya ng hypertension (high blood), sakit sa puso, at marami pang iba. Ugaliing kumain ng prutas at gulag araw-araw, at piliin ang mas masustansya o healthy na pagkain tuwing pipili sa pamilihan. Bawasan ang pagkain ng matataba – pero okay lang tumikim paminsan-minsan ng lechon. Iwasan ang sobrang matatamis. Maaaring sa una, matabangan ka sa mga pagkain na konti lang o walang asukal pero pag nasanay ka, mapapansin mo na sasarap din ang mga pagkain ito — nasasapawan ang asukal ang likas na lasa ng mga pagkain.

Maging aktibo; mag-ehersisyo!

Anumang edad, may mga physical activity na pwedeng gawin at i-enjoy. Piliin kung anong nababagay sa iyong pamumuhay o lifestyle. Hindi kailangang gumasta para magkaron ng aktibong pamumuhay – libre lang ang tumakbo sa inyong barangay tuwing madaling araw, o makipaglaro ng basketball sa mga kapitbahay. Piliin ang mga aktibidad na napupusuan mo, at alamin ang mga programa na inyong komunidad – baka may libreng Zumba o iba pang physical activity. Ang pag akyat ng bundok o paglalakad sa gubat, dalampasigan, at iba pang dako ng kalikasan, ay isa ring magandang aktibidad.

Magbawas ng timbang

Malaki ang nagagawa ng pagbabawas ng timbang sa pag-iwas ng diabetes, at ang naunang dalawang payo ay siya naring susi para makamit ito. Tandaan, hindi madaling gawin ang mga hakbang na ito, lalo na sa umpisa, pero mas dumadali ito kung nakasanayan na. Isipin na lang na higit na mas mahirap kung magkakaron ka ng diabetes: ang pag-iwas ay mas maganda kaysa lunas!

Kung ikaw ay may diabetes na, hindi pa huli ang lahat

Ang pagsasagawa ng mga hakbang na nabanggit natin dito ay malaki din ang maitutulong kahit sa mga taong na-diagnose na ng diabetes. Muli, hindi lamang gamot ang kailangan. Kailangan ng pagbabago ng pagkain at pamumuhay, at kung ikaw ay may tiyaga, malaki ang magagawa nito tungo sa kalusugan.

Paano maka-iwas sa tigdas o measles?

Ang tigdas o measles ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna o immunization (vaccination). Ang bakuna laban sa tigdas (measles vaccine) ay maaaring ibigay bilang isahang turok sa ika-9 na buwan ng bata o pataas. Kasama rin ang measles sa three-in-one na bakuna ang tinatawag na MMR (Mumps o beke, Measles o tigdas, at Rubella o tigdas-hangin). Ito’y maaaring makamtam sa mga klinikang pambata (mula sa inyong pediatrician) o pinakamalapit na ospital.

Maski mga matatanda ay maaaring magpabakuna ng MMR, at ito’y higit na rekomendado sa mga buntis, sapagkat ang tigdas-hangin ay maaaring magsanhi ng komplikasyon sa sanggol. Kung ikaw ay may tigdas, iwasan muna ang pakikihalubilo sa mga tao, lalo na sa mga bata at mga taong wala pang bakuna sa tidgas at hindi pa nagkakaroon nito. Tandaan rin: Ang tigdas ay nangyayari lang isang beses sa buhay ng tao; kung nagkaroon ka na ng tigdas, ligtas ka na sa panibagong pagkakasakit nito.

Paano makaiwas sa TB o tuberculosis?

Ang TB ay nahahawa sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin na may mikrobyo ng TB. Ang mga mikrobyo na ito na nagmumuha sa mga taong may TB sa pangkasalukuyan. Kaya mahalagang magamot kaagad ang mga kasama sa bahay na may TB. Kung ikaw ay may TB, at huwag masyadong maglalalabas. Siguraduhing maaliwalas ang bahay sapagkat mas madaling kumalat ang TB sa mga lugar na mabagal ang galaw ng hangin. Gumamit ng electric fan.

Ang iyong pamilya (lalo na ang mga bata) at mga malapit sa iyong buhay ay maaaring madamay kung hindi mo aksyunan kaagad kung may TB ka.

Paano maka-iwas sa STD o sexually transmitted diseases?

Isa sa pinaka-popular na paksa ng mga katanungan sa Kalusugan.PH ay ang tungkol sa mga STD o mga sakit na nakukuha sa pakikipag-sex. May isang kasabihan ang mga doktor: “Mas mabuti ang pag-iwas kaysa sa pag-lunas.” Ito ay totoo sa mga STD, sapagkat may ilan dito na kung mahawa ka ay hindi na mawawala sa iyong katawan (gaya ng HIV/AIDS). Ang pagkakaron ng STD ay posible ring makasira sa mga relationships, at masakit sa bulsa kung ikaw ay kailangang bumili ng mga gamot para dito.

Paano nga ba umiwas sa mga STD? Narito ang sampung alituntunin upang maka-iwas sa mga sakit na nakukuha sa pakikipag-sex:

1. Pag-iwas sa sex. Kung wala kang ka-sex, wala ka ring mahahawa. Simple lang diba? Pero sa totoong buhay alam kong mahirap itong gawin para sa karamihan. Subalit kung makakayanan, ito ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa STD.

2. Pagiging matapat. Sapagkat ang mga STD ay nahahawa mula sa ibang tao, kung may dalawang tao na walang STD ay ang tanging magkapartner sa sex, hindi sila magkakahawahan. Kaya’t ang pagkakaron ng isang matapat na samahan ay isa ring paraan ng pag-iwas sa STD. Subalitt mahalaga na pareho kayong matapat ng partner mo. Hindi pwedeng ikaw lang, o siya lang.

3. Pag-iwas sa pakikipagsex sa kung sino-sino. Karamihan ng STD ay nakukuha sa pakikipag-sex sa kung kani-kanino, at kasama na dito ang mga commercial sex worker o mga babae (at lalaki) na pwedeng bayaran para makipagsex. Kung ikaw ay lalaki, kasama rin dito ang pakikipag-sex sa kapwa lalaki at kung ikaw ay babae, kasama dito ang pakikipagsex sa kapwa babae.

4. Paggamit ng condom. Kung hindi mo talaga magagawa ang mga naunang payo, gumamit ka ng condom kung ikaw ay lalaki, at kung ikaw ay babae, siguraduhin mong gumamit ng condom ay iyong kapartner na lalaki. Ang paggamit ng condom ay dapat gawin sa vaginal sex (pagpasok ng ari ng lalaki sa pwerta na babae) at anal sex (pagpasok ng ari ng lalaki sa puwet ng babae o lalaki). Tingnan ang artikulong “Paano gumamit ng condom?” sa Kalusugan.PH para sa wastong pagggamit ng condom. Tandaan na ang condom, bagamat malaking tulong sa pag-iwas ng STD, ay hindi 100% effective.

5. Pag-iwas sa mga ‘high-risk behaviors’. Bawat ‘uri’ ng sex ay may mga risk o panganib. Ang ‘anal sex’ ay ‘high risk’ sapagkat manipis lamang ang balat sa puwet kaya madaling malipat ang mga impeksyon kagaya ng HIV/AIDS. Ngunit maging ang ‘oral sex’ o pagsubo/pagtsupa ng ari ng lalaki o ari ng babae ay pwede ring maging paraan upang mahawa ang ilan sa mga STD.

6. Pag-iwas sa alak at droga habang nakikipagsex. Kapag ang isang tao ay lasing o ‘high’ sa droga, ang ating mga inhibisyon ay nawawala at madali tayong madala, mahiritin, o mapagawa ng mga bagay na hindi natin nais. Maraming kababaihan ang napapagsamantalahan habang sila’y lasing. Mas madaling mapapayag na hindi mag-condom, o makalimot, kapag lasing na.

7. Pag-oobserba sa mga maagang sintomas. Obserbahang mabuti ang iyong ari sa mga sintomas ng STD gaya ng pigsa, bukol, singaw, nana, pagkirot, kulugo, pagbabago ng kulay, at iba pa – at ipatingin ito habang maaga.

8. Pagpapatingin habang maaga. Bagamat nakakahiyang ipatingin sa doktor ang ganitong mga maselang bagay, mahalagang mabigyan ng wastong gamot para maiwasan ang mga komplikasyon. Halimbawa, ang sakit na syphilis ay magpapakita bilang isang bukol lamang at mawawala ng kusa, subalit makalipas ang ilang buwan maaari itong bumalik sa mas malalang anyo. Kung ikaw ay nagkaron ng STD, kailangan mo ring tapatin ang iyong sex partner tungkol dito sapagkat baka pati sya ay nahawa mo. Mahirap itong gawin sapagkat ito’y pag-amin ng kasalanan, ngunit ito ay makakabuti sa inyong dalawa.

9. Pagsunod sa tamang gamutan. Ang mga mikrobyo na sanhi ng STD ay nasasanay na sa mga antibiotics na iniinom ng tao at dahil dito, palakas sila ng palakas, at minsan, umaabot sa punto na hindi na tumatalab sa kanila ang mga lumang antibiotics. Kaya kailangang gumawa ng bago (at mas mahal) na antibiotics. Isang paraan upang mapigilan ito ay ang pagsunod sa reseta ng doktor. Kung sinabing uminom ng antibiotics ng pitong araw, inumin ito hanggang sa ika-7 araw. Ito ay para matiyak na nasupil ang mikrobyo.

10. Pag-iwas sa mga pekeng gamot. Dahil nga desperado at nahihiya ang mga taong may STD, madali silang mauto sa mga pangakong gamot – mapa-herbal o mapa-supplement man – na di umano’y nakakagaling ng mga STD. Maging wais at mapanuri sa ganitong mga produkto.

Bukod sa mga payong ating nabanggit, dapat ding tandaan na ang mga ito ay WALANG EPEKTO sa pag-iwas sa STD; huwag umasa sa mga ito:

  • Ang paghuhugas ng ari at paliligo makatapos makipag-sex
  • Ang pag-inom ng isang tableta ng antibiotics pagkatapos ng sex
  • Ang pag-ihi pagkatapos makipagsex
  • Ang pag-inom ng pills para sa mga babae